Huwebes, Setyembre 18, 2014

P14 Milyong Award Order ng SC sa 83 manggagawa ng Asgard-Marketlink, Binawi ng DOLE at NLRC

P14 MILYONG AWARD ORDER NG SUPREME COURT 
SA 83 MANGGAGAWA NG ASGARD-MARKETLINK
BINAWI NG DOLE AT NLRC!

Mga Kamanggagawa at Kababayan,

Ang ASGARD-MARKETLINK Corrugated Company na pagmamay-ari ng pamilyang Jimmy Kho ay matatagpuan sa San Bartolome St., Novaliches, Quezon City.

Taong 2006, nagpasya ang higit 150 manggagawa na magtayo ng unyon, dahil sa malawakang paglabag sa Labor Standard Law, gaya ng below minimum na pasahod, walang SSS, walang PhilHealth, pagpapatrabaho ng dose oras kada araw nang walang overtime pay.

Ngunit, sa halip na kilalanin ang unyon at bayaran ang mga kakulangan sa sweldo at iba pang mga benepisyo, tinanggal ang mga manggagawang nagpasyang magtayo ng unyon.

Kaya walang pamilian ang unyon kundi ang maghain ng unfair labor practice (ULP) complaint (illegal dismissal) sa National Labor Relations Commission (NLRC). Pero gaya ng maraming karanasan sa NLRC, kapag maramihan at malakihan ang involved, laging talo sa asunto ang mga manggagawa. Agosto 20, 2008, nag-order si Arbiter Joel Luistria, talo ang unyon/manggagawa. Noong Marso 16, 2009, nag-order ang NLRC, talo na naman ang unyon/manggagawa.

Nagpatuloy sa paglaban ang mga manggagawa sa husgado at lansangan sa tulong ng SUPER-BMP at Koalisyon ng Manggagawa Kontra Katiwalian sa DOLE-NLRC. Naghain ito ng apila sa Court of Appeals hanggang sa Supreme Court.

At noong Hulyo 23, 2012, lumabas ang katotohanan at hustisya. Naglabas ng final order ang Supreme Court. Panalo ang unyon. May award na 14 milyong piso para sa 83 manggagawang tinanggal.

Ngunit ang kautusan (final order) ng Korte Suprema ay umabot pa ng dalawang (2) taon bago mag-isyu ng Writ of Execution ang DOLE at NLRC. Dahil nga sa mga bagong rules nitong Pre-Execution Conference at Extra-Ordinary Remedy.

Kung hindi pa sunod-sunod na nagrali sa DOLE at NLRC ang mga manggagawa ay hindi pa maoobliga ang sheriff ng DOLE at NLRC na samahan ang mga manggagawa at abogado nilang si Atty. Jaime Miralles para mag-levy at maghakot ng mga makina sa planta ng ASGARD-MARKETLINK sa Novaliches. Matagumpay namang nakapaghakot ng 11 makina at mga scrap noong Mayo 29, 2014 ang naturang manggagawa at unyon.

HUSTISYA NA, BINAWI PA!

Ang masaklap na pangyayari ay pera na naging bato pa. Hawak na ng mga manggagawa ang mga makinang na-garnish (pera) na para sa kanila, na kung tutuusin ay kulang pa sa 14 milyong pisong award order ng Korte Suprema ay inagaw pa ng DOLE at NLRC at ibinalik sa kapitalista! Sa katwirang may naghahabol na 3rd party na isa rin sa may-ari (Board) ng kumpanyang ASGARD Corrugated.

Mga kapatid sa paggawa, pansinin natin ang rekord ng mga kaso sa NLRC at DOLE, mas madaling manalo kapag isa o iilan lamang ang complainant at maliit na halaga ang involved. Pero kapag marami ang sangkot na manggagawa at malaking halaga ang involved, kadalasan, talo ang manggagawa.

Ganito ang nangyari sa kaso ng Digitel Union at RPN-9/Solar. Sa Digitel Union, ang simpleng share-swap ng dalawang employer o negosyo ay ginamit ng NLRC para ma-justify ang pagtanggal sa mga manggagawa, sa katwirang diumano'y redundancy sa kabila ng wala ni katiting na pruweba ng pagkalugi at sa halip ay nag-hire ng higit pa sa tinanggal.

Ganundin ang nangyari sa kaso ng RPN-SOLAR. Sa halip na i-absorb ng SOLAR ang mga manggagawa ng RPN-9, mass retrenchment ang sagot ng management. Kinatigan ang kapitalista sa katiting na separation pay kontra sa malaking halaga ng separation pay batay sa kasunduan sa CBA. Ang kabuuang separation pay mula sa kapitalista ay P39 milyon lamang, samantalang ang kabuuang separation pay batay sa CBA ay P213 milyon. Ang kakulangan ay P174 milyon! (P213-P39=P174) Malinaw na kumita pa ang kapitalista ng P174 milyon. Halagang tunay na nakasisilaw sa mga Commissioners upang magdesisyon na talo ang manggagawa.

Kaya hindi nakapagtataka na pawang mga milyonaryo ang lahat ng mga Commissioners at mga Labor Arbiters ng NLRC, ayon sa 2013 SALN nilang nakuha natin.

Pero ang nangyari sa ASGARD CORRUGATED ay hindi nagkasya sa Pre-Execution Conference at Extra-Ordinary Remedies. Harap-harapan na ang paglapastangan sa mga batayang karapatan ng mga manggagawa at kautusan ng Korte Suprema. Wala na itong pinag-iba sa AMO nila sa Malakanyang. Husga ng Korte Suprema na unconstitutional ang PDAF at DAP, sa halip na sundin ng Excecutive (Malakanyang), ginipit pa ang Korte Suprema.

SEGURIDAD SA TRABAHO AT HUSTISYA SA PAGGAWA, HINDI LOC AT KATIWALIAN!
I-REFORM ANG NLRC! RULE #12 ANTI-LABOR, IBASURA!
LIFESTYLE CHECK SA MGA MILYONARYONG COMMISSIONER AT ARBITERS!
TIWALING OPISYAL NG DOLE AT NLRC, PATALSIKIN!

KOALISYON NG MANGGAGAWA KONTRA KATIWALIAN
(SUPER/AGLO/MELF/NAFLU/WSN-RPN-9,IBC-13/MAKABAYAN-DIGITEL/MASO/BMP)
Ika-18 ng Setyembre, 2014

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento