Huwebes, Agosto 28, 2014

Pahayag ng Anti-Sweatshop Alliance (ASAP) sa kaso ng Philippine Finecrafts sa Parañaque

PARA SA MGA MANGGAGAWA NG PHILIPPINE FINECRAFTS: 
ILUNSAD ANG LABAN PARA SA DIGNIDAD AT KARAPATAN!

Kaunting kaalaman: P466 ang pinakamaliit na sweldong dapat tanggapin ng isang manggagawa sa NCR. Ang anumang sweldo na mas mababa pa rito ay ILIGAL. Sino bang manggagawa ang gugustuhin pa na mas maliit pa sa P466 ang sasahurin niya?

Ngunit sa Philippine Finecrafts Export hindi ito ipinapatupad. Ito ay sa kabila ng laki at dami ng produksyon na umaabot sa libo-libong dekorasyong hayop na sama-samang tinatrabaho ng mga empleyado nito kada araw. Ang pinakamaliit na dekorasyong hayop ay nagkakahalaga ng $10 o P440 sa isang piraso ng pinakamurang dekorasyon, hanggang $220 o P9,700 sa pinakamahal na piraso. Kung nakakagawa ang mga manggagawa ng Philippine Finecrafts ng ganitong kamamahal na mga dekorasyon, paanong nangyaring P270 kada araw lang ang sweldo nila? Kanino napupunta ang laki ng kita ng kumpanya?

Hindi man lang isinasaalang-alang ni Mr.Holme ang hirap at pawis ng kanyang mga manggagawa. Ang mahalaga lamang sa kanya ay ang yumaman at magpayaman, di bali nang magkandagutom-gutom na ang mga manggagawa. Ang malala pa, ipapatanggal niya ang mga manggagawang naggigiit lamang ng kanilang karapatang naaayon naman sa batas.

Dahil sa kanyang pag-abuso sa tagaktak ng pawis na pinupundar natin para sa sandamakmak niyang tubo, si Mr. Holme ang hari ng sweatshop dito sa Parañaque. Sweatshop ang pabrika ng Philippine Finecrafts dahil sa kanyang pagpiga ng pinagpawisan nating lakas paggawa at gabaryang sahod lang ang kanyang ibabayad sa atin. Sweatshop dahil tinanggalan na tayo ng dignidad bilang tao at ang tingin sa atin ni Mr. Holme ay mga makinang nagpapawis ng pera niya.

Kawawa naman ang mga empleyado ng Philippine Finecrafts. Mahirap na nga, lalo pang naghihirap dahil sa maling pamamalakad ni Mr. Holme. 

Mr. Holme, huwag mo naman gawing tanga kaming mga manggagawa dahil malaki na rin ang naiambag namin para yumaman ka. Sobrang kaapihan na ang ginagawa mo sa amin. We are now aware of our rights. Our time to act has come!

Manggagawa ng Philippine Finecrafts, tumindig ka! Magkaisa tayo at wag matakot! Ipaglaban natin ang ating dignidad at karapatan!

-ANTI-SWEATSHOP ALLIANCE OF THE PHILIPPINES (ASAP)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento