Nagpapaabot ng lubos na pakikiramay ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), sampu ng kasaping unyon nito sa lungsod ng Valenzuela sa lahat ng naiwang mahal sa buhay ng mga nasawi sa sunog sa planta ng Kentex Manufacturing Corporation.
Higit sa pakikiramay, kaisa ng mga kamag-anak ng mga biktima hangad ng BMP ang hustisya para sa mga nasawi at lahat ng mga naging biktima ng pagpapabaya at pagtalikod ng mga opisyal ng mga pambansang taggapan gaya ng Department of Labor and Employment at ang Occupational Health and Safety Center maging ang lokal na pamahalaan na may responsibildad na seguruhin ang pagsunod ng lahat ng kumpanya sa mga nakatakdang alituntunin hinggil sa kaligtasan sa mga pabrika.
Nakakalungkot man isipin pero ang katotohanan ay hindi lamang ang mga manggagawa ng Kentex ang biktima ng sistematikong pagpapabaya at pagtalikod sa tungkulin ng mga opisyal ng pamahalaan. Bago dito ay halos isang daan na rin ang mga manggagawang nasawi sa kani-kanilang pook-trabaho mula ng 2010.
Hinding-hindi dapat naganap ang karumal-dumal na trahedyang ito sa Kentex o anupamang kumpanya kung trinato lamang bilang kabahagi ng pag-unlad ng lipunan ang mga manggagawa at hindi parang mga payak na kasangkapan lamang nila para abusuhin at pagsamantalahan.
Hindi dapat na ituring na isa lamang aksidente sa pagawaan ang trahedya sa Kentex dahil ito’y sinadya. Sinadya ng gobyerno sa pamamagitan ng kanyang mga polisiya na sapitin natin ang mapait na kalagayan na mawalan ng mahal sa buhay. Mga polisiyang nagpaluwag sa daloy ng kapital para malayang makapagkalakal at makapagkamal ng tubo ng walang pasubali kung ito’y iligal o magpapalala pa sa ating abang kalagayan. Ang pag-abandona sa ating buhay at kabuhayan ay nangangahulugan na mas marami pang Kentex ang magaganap. Wala nino man sa atin ang ligtas sa kamandag ng kapitalistang pagsasamantala at ng walang kwentang gobyerno nito.
Kung kaya’t kailangan na nating magkaisa’t kumilos para maiwasan ng mga kapwa nating manggagawa ang sinapit ng mga nasawi sa Kentex. Kailangan panagutin natin ang mga opisyal ng pambansa’t lokal na pamahalaan bilang unang hakbang natin para ipaglaban ang dignidad ng ating mga buhay at mga karapatan sa kabuhayan.
Hustisya sa manggagawa ng Kentex!
Hustisya’t Dignidad sa manggawang Pilipino!
Panagutin ang berdugong kapitalista’t opisyal ng gobyerno!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento