BALIKWAS BILANG MUNTING PAHAYAGAN NG URING MANGGAGAWA
Napapanahon na upang muling maglabas ng pahayagan para sa uring manggagawa. Matagal nang wala ang pahayagang Obrero, kung saan isa ang inyong lingkod sa nagsulat dito. Inilathala ng buwanan ang pahayagang Obrero ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Nagsimula ito noong Pebrero 2003. Nakapaglabas ng mahigit 40 isyu hanggang sa mga taong 2008 o 2009. May magasin din ang BMP, at ito ang magasing Tambuli, na nailathala noong nabubuhay pa si Ka Popoy Lagman.
Nang mawala ang pahayagang Obrero, nagbukas naman ng publikasyon ang Partido Lakas ng Masa (PLM), at ito ang magasing Ang Masa. Nakapaglabas ito ng walong isyu noong Setyembre 2011 hanggang kalagitnaan ng 2012. Mula noon ay hindi na ito muling nakapaglathala.
Sa ngayon ay napag-isipan ng inyong lingkod na maglathala ng munting pahayagang Balikwas upang punan ang pagkawala ng mga pahayagan at magasing iyon. Bunsod ito ng pagkamatay ng pitumpu't dalawang manggagawa sa naganap na sunog sa Kentex Manufacturing Corp. sa Lungsod ng Valenzuela. Dapat subaybayan at isulat ang ganitong mga kaso, na karaniwang hindi inilalabas sa pahayagan, maliban kung may ganitong trahedya, at magpahayag sa punto de bista ng uring manggagawa.
Sa telebisyon ay ipinalalabas lang ang tungkol sa sunog, ngunit hindi man lang pag-usapan ang isang sistemang nagdulot nito - ang salot na kontraktwalisasyon. Ang paglalathala ng pahayagang ito ay bunsod na rin ng kawalan ng mapaglathalaan ng mga isyu ng paggawa at pagkaburo ng kakayahang magsulat, na nauuwi na lang sa pagtula na nalalathala na lang sa blog at facebook.
Isang magandang pagkakataon ang iniaalay ng Balikwas sa mambabasa. Katatangian ang munting pahayagang ito ng mga napapanahong balita hinggil sa manggagawa, maralita, at iba pang aping sektor ng lipunan. Nais rin ng Balikwas na isulong ang panitikan, tulad ng tula at awit, bilang bahagi ng pagmumulat sa mayorya ng naghihirap sa lipunan. Mahalaga ring tungkulin ng pahayagang ito ang pag-rekord ng mga balitang hindi napag-uusapan sa mga pahayagan, bilang bahagi ng pag-uulat pangkasaysayan.
Tulad ng ipinahihiwatig ng pangalan ng ating pahayagan, nais nating mamulat at magbalikwas ang mga api sa lipunan, upang maging katuwang sila sa pagbabago.
Nawa ang munting pahayagang ito'y magpatuloy at makapag-ambag sa kamulatan at kasaysayan ng uring manggagawa sa ating bansa. Mabuhay kayo!
- Gregorio V. Bituin Jr., patnugot ng Balikwas