Huwebes, Setyembre 18, 2014

P14 Milyong Award Order ng SC sa 83 manggagawa ng Asgard-Marketlink, Binawi ng DOLE at NLRC

P14 MILYONG AWARD ORDER NG SUPREME COURT 
SA 83 MANGGAGAWA NG ASGARD-MARKETLINK
BINAWI NG DOLE AT NLRC!

Mga Kamanggagawa at Kababayan,

Ang ASGARD-MARKETLINK Corrugated Company na pagmamay-ari ng pamilyang Jimmy Kho ay matatagpuan sa San Bartolome St., Novaliches, Quezon City.

Taong 2006, nagpasya ang higit 150 manggagawa na magtayo ng unyon, dahil sa malawakang paglabag sa Labor Standard Law, gaya ng below minimum na pasahod, walang SSS, walang PhilHealth, pagpapatrabaho ng dose oras kada araw nang walang overtime pay.

Ngunit, sa halip na kilalanin ang unyon at bayaran ang mga kakulangan sa sweldo at iba pang mga benepisyo, tinanggal ang mga manggagawang nagpasyang magtayo ng unyon.

Kaya walang pamilian ang unyon kundi ang maghain ng unfair labor practice (ULP) complaint (illegal dismissal) sa National Labor Relations Commission (NLRC). Pero gaya ng maraming karanasan sa NLRC, kapag maramihan at malakihan ang involved, laging talo sa asunto ang mga manggagawa. Agosto 20, 2008, nag-order si Arbiter Joel Luistria, talo ang unyon/manggagawa. Noong Marso 16, 2009, nag-order ang NLRC, talo na naman ang unyon/manggagawa.

Nagpatuloy sa paglaban ang mga manggagawa sa husgado at lansangan sa tulong ng SUPER-BMP at Koalisyon ng Manggagawa Kontra Katiwalian sa DOLE-NLRC. Naghain ito ng apila sa Court of Appeals hanggang sa Supreme Court.

At noong Hulyo 23, 2012, lumabas ang katotohanan at hustisya. Naglabas ng final order ang Supreme Court. Panalo ang unyon. May award na 14 milyong piso para sa 83 manggagawang tinanggal.

Ngunit ang kautusan (final order) ng Korte Suprema ay umabot pa ng dalawang (2) taon bago mag-isyu ng Writ of Execution ang DOLE at NLRC. Dahil nga sa mga bagong rules nitong Pre-Execution Conference at Extra-Ordinary Remedy.

Kung hindi pa sunod-sunod na nagrali sa DOLE at NLRC ang mga manggagawa ay hindi pa maoobliga ang sheriff ng DOLE at NLRC na samahan ang mga manggagawa at abogado nilang si Atty. Jaime Miralles para mag-levy at maghakot ng mga makina sa planta ng ASGARD-MARKETLINK sa Novaliches. Matagumpay namang nakapaghakot ng 11 makina at mga scrap noong Mayo 29, 2014 ang naturang manggagawa at unyon.

HUSTISYA NA, BINAWI PA!

Ang masaklap na pangyayari ay pera na naging bato pa. Hawak na ng mga manggagawa ang mga makinang na-garnish (pera) na para sa kanila, na kung tutuusin ay kulang pa sa 14 milyong pisong award order ng Korte Suprema ay inagaw pa ng DOLE at NLRC at ibinalik sa kapitalista! Sa katwirang may naghahabol na 3rd party na isa rin sa may-ari (Board) ng kumpanyang ASGARD Corrugated.

Mga kapatid sa paggawa, pansinin natin ang rekord ng mga kaso sa NLRC at DOLE, mas madaling manalo kapag isa o iilan lamang ang complainant at maliit na halaga ang involved. Pero kapag marami ang sangkot na manggagawa at malaking halaga ang involved, kadalasan, talo ang manggagawa.

Ganito ang nangyari sa kaso ng Digitel Union at RPN-9/Solar. Sa Digitel Union, ang simpleng share-swap ng dalawang employer o negosyo ay ginamit ng NLRC para ma-justify ang pagtanggal sa mga manggagawa, sa katwirang diumano'y redundancy sa kabila ng wala ni katiting na pruweba ng pagkalugi at sa halip ay nag-hire ng higit pa sa tinanggal.

Ganundin ang nangyari sa kaso ng RPN-SOLAR. Sa halip na i-absorb ng SOLAR ang mga manggagawa ng RPN-9, mass retrenchment ang sagot ng management. Kinatigan ang kapitalista sa katiting na separation pay kontra sa malaking halaga ng separation pay batay sa kasunduan sa CBA. Ang kabuuang separation pay mula sa kapitalista ay P39 milyon lamang, samantalang ang kabuuang separation pay batay sa CBA ay P213 milyon. Ang kakulangan ay P174 milyon! (P213-P39=P174) Malinaw na kumita pa ang kapitalista ng P174 milyon. Halagang tunay na nakasisilaw sa mga Commissioners upang magdesisyon na talo ang manggagawa.

Kaya hindi nakapagtataka na pawang mga milyonaryo ang lahat ng mga Commissioners at mga Labor Arbiters ng NLRC, ayon sa 2013 SALN nilang nakuha natin.

Pero ang nangyari sa ASGARD CORRUGATED ay hindi nagkasya sa Pre-Execution Conference at Extra-Ordinary Remedies. Harap-harapan na ang paglapastangan sa mga batayang karapatan ng mga manggagawa at kautusan ng Korte Suprema. Wala na itong pinag-iba sa AMO nila sa Malakanyang. Husga ng Korte Suprema na unconstitutional ang PDAF at DAP, sa halip na sundin ng Excecutive (Malakanyang), ginipit pa ang Korte Suprema.

SEGURIDAD SA TRABAHO AT HUSTISYA SA PAGGAWA, HINDI LOC AT KATIWALIAN!
I-REFORM ANG NLRC! RULE #12 ANTI-LABOR, IBASURA!
LIFESTYLE CHECK SA MGA MILYONARYONG COMMISSIONER AT ARBITERS!
TIWALING OPISYAL NG DOLE AT NLRC, PATALSIKIN!

KOALISYON NG MANGGAGAWA KONTRA KATIWALIAN
(SUPER/AGLO/MELF/NAFLU/WSN-RPN-9,IBC-13/MAKABAYAN-DIGITEL/MASO/BMP)
Ika-18 ng Setyembre, 2014

Huwebes, Agosto 28, 2014

Pahayag ng Anti-Sweatshop Alliance (ASAP) sa kaso ng Philippine Finecrafts sa ParaƱaque

PARA SA MGA MANGGAGAWA NG PHILIPPINE FINECRAFTS: 
ILUNSAD ANG LABAN PARA SA DIGNIDAD AT KARAPATAN!

Kaunting kaalaman: P466 ang pinakamaliit na sweldong dapat tanggapin ng isang manggagawa sa NCR. Ang anumang sweldo na mas mababa pa rito ay ILIGAL. Sino bang manggagawa ang gugustuhin pa na mas maliit pa sa P466 ang sasahurin niya?

Ngunit sa Philippine Finecrafts Export hindi ito ipinapatupad. Ito ay sa kabila ng laki at dami ng produksyon na umaabot sa libo-libong dekorasyong hayop na sama-samang tinatrabaho ng mga empleyado nito kada araw. Ang pinakamaliit na dekorasyong hayop ay nagkakahalaga ng $10 o P440 sa isang piraso ng pinakamurang dekorasyon, hanggang $220 o P9,700 sa pinakamahal na piraso. Kung nakakagawa ang mga manggagawa ng Philippine Finecrafts ng ganitong kamamahal na mga dekorasyon, paanong nangyaring P270 kada araw lang ang sweldo nila? Kanino napupunta ang laki ng kita ng kumpanya?

Hindi man lang isinasaalang-alang ni Mr.Holme ang hirap at pawis ng kanyang mga manggagawa. Ang mahalaga lamang sa kanya ay ang yumaman at magpayaman, di bali nang magkandagutom-gutom na ang mga manggagawa. Ang malala pa, ipapatanggal niya ang mga manggagawang naggigiit lamang ng kanilang karapatang naaayon naman sa batas.

Dahil sa kanyang pag-abuso sa tagaktak ng pawis na pinupundar natin para sa sandamakmak niyang tubo, si Mr. Holme ang hari ng sweatshop dito sa ParaƱaque. Sweatshop ang pabrika ng Philippine Finecrafts dahil sa kanyang pagpiga ng pinagpawisan nating lakas paggawa at gabaryang sahod lang ang kanyang ibabayad sa atin. Sweatshop dahil tinanggalan na tayo ng dignidad bilang tao at ang tingin sa atin ni Mr. Holme ay mga makinang nagpapawis ng pera niya.

Kawawa naman ang mga empleyado ng Philippine Finecrafts. Mahirap na nga, lalo pang naghihirap dahil sa maling pamamalakad ni Mr. Holme. 

Mr. Holme, huwag mo naman gawing tanga kaming mga manggagawa dahil malaki na rin ang naiambag namin para yumaman ka. Sobrang kaapihan na ang ginagawa mo sa amin. We are now aware of our rights. Our time to act has come!

Manggagawa ng Philippine Finecrafts, tumindig ka! Magkaisa tayo at wag matakot! Ipaglaban natin ang ating dignidad at karapatan!

-ANTI-SWEATSHOP ALLIANCE OF THE PHILIPPINES (ASAP)

Sabado, Agosto 16, 2014

34 na manggagawang pinaslang sa Marikana, South Africa, ginunita

34 na manggagawang pinaslang sa Marikana, South Africa, ginunita

Nakiisa sa paggunita sa mga pinaslang na manggagawang minero sa Marikana, South Africa ang ilang kasapi ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Agosto 16, 2012 nang pinaslang ng mga pulis ang mga nagwewelgang manggagawang ang tanging hiling ay itaas ang kanilang sahod. Ang buong pangyayari ay ipinalabas sa dokumentaryong "Miners Shot Down" na dinirihe ni Rehad Desai. 

Malaki ang nagawa ng media upang makunan ng actual video ang ilang araw na welga bago ang masaker, ang aktwal na masaker, ang pagbaril ng mga pulis, ang mga naghambalang na mga bangkay, ang panayam sa Commission of Inquiry, at ilang mga panayam sa mga abogado ng minahan at mga lider-manggagawa. Kasama rin sa dokumentaryo ang mismong police footages. Naganap ito sa kabundukan ng Marikana, at ang may-ari o namamahala ng minahan ay ang Lonmin Mining Property.

Ayon sa ilang balita, nagkataong naroon ang direktor na si Rehad Desai upang kunan lamang ang welga ng mga manggagawa ng Lonmin, na ang nais lamang ay gumawa ng pelikula o dokumentaryo hinggil sa di-pantay na pamamalakad na kinakaharap ng mga pamayanang minerong nagmimina ng platinum. Ngunit hindi niya inaasahan ang mga sumunod na mga pangyayari, lalo na nang pagbabarilin ng mga pulis ang mga minero. Ngunit naroon si Desai na nakakuha ng totoong larawan ng buong pangyayari. Sa isang panayam kay Desai, sinabi niya, “I couldn’t ignore it, it was much too big, much too dramatic and upsetting for me. I had to do something for these miners. I just felt that I had to give them a voice. If authority strikes in such a brutal fashion, artists have to pick a side and indicate which side they’re on. (Hindi ko ito maipagwawalang-bahala, napakalaki nito, sobrang nakakaiyak, at napakasakit para sa akin. Dapat akong may gawin sa mga minerong ito. Dapat ko silang bigyan ng boses. Kung kayang pumaslang ng ganito kabrutal ang mga awtoridad, dapat pumili ng papanigan ang mga nasa sining at ipakita nila kung saan silang panig naroon.)”

Ang naganap na masaker ay front page sa lahat ng pahayagan sa Katimugang Aprika, tulad din nang pinag-usapan ang naganap noong masaker sa Hacienda Luisita at sa Maguindanao. Ang Marikana strike massacre ang kauna-unahang trahedya sa South Africa matapos ang Apartheid.

Ilang araw bago ang masaker sa Marikana ay ipinalabas ang panayam sa mga minero, pulitiko, abogado at ilang tao mula sa Farlam Commission of Inquiry. Nais ng mga manggagawa, na makikita sa kanilang mga kayumangging plakard ang panawagan nilang maitaas ang sahod at hiniling nilang R12,500 isang buwan ang kanilang matanggap. Direktor ng kumpanyang Lonmin ang ngayon ay deputy president ng South Africa na si Cyril Ramaphosa. Ipinakita rin sa dokumentaryo ang labanan sa pagitan ng dalawang malalaking samahan ng manggagawa sa minahan - ang Association of Mineworkers and Construction Union (AMCU) at ang National Union of Mineworkers (NUM). Ang mga minero sa welgang iyon ay hindi pinaboran ng NUM, kaya ang inasahan ng minero ay ang AMCU.

Kitang-kita ang ebidensya. Kitang-kita kung paano pinagbabaril ng mga pulis ang 34 na minero. Wika nga ng isang komentarista, "Yes, the police are that hardened, yes the miners are that desperate, yes the capitalists are that greedy. (Oo, napakatigas ng mga pulis, oo, napakadesperado na ng mga minero, oo, napakasakim ng mga kapitalista.)

Ang Agosto 16 ay itinanghal na Global Day of Remembrance bilang paggunita sa mga manggagawang pinaslang sa Marikana.

Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.
Ito ang poster ng dokumentaryong "Miners Shot Down" na umaabot ng 90 minuto.

Huwebes, Agosto 14, 2014

Ang makabagbag-damdaming dokumentaryong "Miners Shot Down"

ANG MAKABAGBAG-DAMDAMING DOKUMENTARYONG "MINERS SHOT DOWN"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tatlumpu't apat na minero ang pinaslang habang nagwewelga at humihiling na itaas ang sahod nilang mga manggagawa. Hindi ibinigay ang kahilingan nila. Ang ibinigay sa kanila: bala. Agosto 16, 2012, sa Marikana, South Africa.

Ikalawa ng hapon, Agosto 13, 2014, Miyerkules, ay naroon na ako sa LEARN Workers House sa Brgy. Laging Handa sa Lungsod Quezon upang manood ng dokumentaryong "Miners Shot Down". Ang film showing na ito, batay sa imbitasyong nakita ko sa facebook, ay pinangunahan ng mga grupong SENTRO, Task Force Detainees of the Philippines (TFDP), Alyansa Tigil Mina (ATM), Lilac, Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), at Philippine Miserior Partnership Inc. (PMPI). Nasa 25 katao kaming mga nanood nito. Nagsimula ang palabas bandang ikalawa't kalahati ng hapon at natapos ng ikaapat ng hapon.

Nakapukaw ng aking pansin sa imbitasyon ang "Watch actual footage of how South African police forces massacred striking miners demanding better wages". Kasabay ng film showing na ito ang isa pang talakayan, na pinangunahan ng BMP hinggil sa Gaza, ngunit nakadalo na ako ng talakayan hinggil sa paksang iyon. Kaya ang film showing ng "Miners Shot Down" ang pinuntahan ko. Napakahalaga ng isyung ito na hindi ko dapat mapalampas. Minsan lang ito at baka hindi ko na mapanood.

Ang "Miners Shot Down" ay isang dokumentaryong dinirihe ni Rehad Desai. Malaki ang nagawa ng media upang makunan ng actual video ang ilang araw na welga bago ang masaker, ang aktwal na masaker, ang pagbaril ng mga pulis, ang mga naghambalang na mga bangkay, ang panayam sa Commission of Inquiry, at ilang mga panayam sa mga abogado ng minahan at mga lider-manggagawa. Kasama rin sa dokumentaryo ang mismong police footages. Naganap ito sa kabundukan ng Marikana, at ang may-ari o namamahala ng minahan ay ang Lonmin Mining Property.

Kaya minsan mapapaisip ka. Paano nila nakunan ang aktwal na masaker? Gayong sa Pilipinas, halimbawa, ang dalawang masaker sa Nobyembre - ang masaker ng pitong manggagawa sa Hacienda Luisita habang nagwewelga noong Nobyembre 16, 2004, at ang masaker ng dalawampu't anim (26) na sibiliyan at tatlumpu't dalawang (32) manggagawang mamamahayag noong Nobyembre 23, 2009 sa Maguindanao, lumabas lang ang balita matapos mangyari ang masaker. Natural iyon dahil wala pang nangyayari.

Ayon sa ilang balita, nagkataong naroon ang direktor na si Rehad Desai upang kunan lamang ang welga ng mga manggagawa ng Lonmin, na ang nais lamang ay gumawa ng pelikula o dokumentaryo hinggil sa di-pantay na pamamalakad na kinakaharap ng mga pamayanang minerong nagmimina ng platinum. Ngunit hindi niya inaasahan ang mga sumunod na mga pangyayari, lalo na nang pagbabarilin ng mga pulis ang mga minero. Ngunit naroon si Desai na nakakuha ng totoong larawan ng buong pangyayari. Sa isang panayam kay Desai, sinabi niya, “I couldn’t ignore it, it was much too big, much too dramatic and upsetting for me. I had to do something for these miners. I just felt that I had to give them a voice. If authority strikes in such a brutal fashion, artists have to pick a side and indicate which side they’re on. (Hindi ko ito maipagwawalang-bahala, napakalaki nito, sobrang nakakaiyak, at napakasakit para sa akin. Dapat akong may gawin sa mga minerong ito. Dapat ko silang bigyan ng boses. Kung kayang pumaslang ng ganito kabrutal ang mga awtoridad, dapat pumili ng papanigan ang mga nasa sining at ipakita nila kung saan silang panig naroon.)”

Ang naganap na masaker ay front page sa lahat ng pahayagan sa Katimugang Aprika, tulad din nang pinag-usapan ang naganap noong masaker sa Hacienda Luisita at sa Maguindanao. Ang Marikana strike massacre ang kauna-unahang trahedya sa South Africa matapos ang Apartheid.

Ilang araw bago ang masaker sa Marikana ay ipinalabas ang panayam sa mga minero, pulitiko, abogado at ilang tao mula sa Farlam Commission of Inquiry. Nais ng mga manggagawa, na makikita sa kanilang mga kayumangging plakard ang panawagan nilang maitaas ang sahod at hiniling nilang R12,500 isang buwan ang kanilang matanggap. Direktor ng kumpanyang Lonmin ang ngayon ay deputy president ng South Africa na si Cyril Ramaphosa. Ipinakita rin sa dokumentaryo ang labanan sa pagitan ng dalawang malalaking samahan ng manggagawa sa minahan - ang Association of Mineworkers and Construction Union (AMCU) at ang National Union of Mineworkers (NUM). Ang mga minero sa welgang iyon ay hindi pinaboran ng NUM, kaya ang inasahan ng minero ay ang AMCU.

Kitang-kita ang ebidensya. Kitang-kita kung paano pinagbabaril ng mga pulis ang 34 na minero. Wika nga ng isang komentarista, "Yes, the police are that hardened, yes the miners are that desperate, yes the capitalists are that greedy. (Oo, napakatigas ng mga pulis, oo, napakadesperado na ng mga minero, oo, napakasakim ng mga kapitalista.)

Ayon sa aming talakayan matapos ang film showing, ang Lonmin Mining Property ng South Africa ay pag-aari ng kumpanyang Glencore, na siya rin umanong may-ari ng Sagittarius Mines sa Tampakan, South Cotabato dito sa bansa. May batas sa South Cotabato na bawal ang open-pit mining o yaong pagbutas sa lupa, dahil na rin sa maraming dahilan, tulad ng biodibersidad pagkat maraming ilahas (species) ang namumuhay rito, narito ang pinagkukunan ng tubig ng buong South Cotabato na masisira pag natuloy ang pagmimina rito, at nakasasagabal din ang minahang ito sa karapatan ng mga katutubong B'laan. May naganap na ring dalawang masaker doon sa Tampakan - ang Kapeon masaker at ang Preay masaker, kung saan ang mga pamilyang ito ay pinaslang dahil sa pagpoprotesta laban sa pagkakaroon ng minahan sa Tampakan.

Ang Agosto 16 ay itinanghal na Global Day of Remembrance bilang paggunita sa mga manggagawang pinaslang sa Marikana. Kaya magkakaroon din ng pagkilos sa Tampakan sa araw na ito, pagpapalabas din doon ng "Miners Shot Down" at talakayan. 

Bago ito, may pagkilos din dito sa Pambansang Punong Rehiyon (NCR) sa Agosto 15, araw ng Biyernes, sa harap ng tanggapan ng Glencore sa Ortigas Center. Walang pasok sa Glencore pag araw ng Sabado at Linggo kaya ginawang Biyernes ang pagkilos. Ang ilan sa mga panawagang napag-usapan sa talakayan: "Glencore is world class human rights abuser!", "Justice for Marikana and Tampakan victims!", "Glencore, Out of Tampakan, Now!", "Justice for Marikana mine workers in South Africa! Justice for Tampakan anti-mining leaders!", at "Stop the Impunity! Treaty Now!" Nais ko palang idagdag, "Raise the mining workers wages in Marikana!" dahil ang isyu talaga ng mga manggagawa rito ay itaas ang kanilang sahod.

Samahan natin ang mga manggagawa sa minahan ng Marikana, South Africa sa paggunita sa trahedyang ito sa Agosto 16, 2014. Marahil ay kahit sa pagtitirik ng kandila katabi ang mga plakard sa isang mataong lugar.

Inirerekomenda kong panoorin din ito ng mga manggagawa, at mag-iskedyul na rin ng film showing ang iba't ibang grupo ng manggagawa hinggil dito.

Miyerkules, Agosto 6, 2014

Pagpaslang sa mga Palestino sa Gaza, kinondena ng mga manggagawa

PAGPASLANG SA MGA PALESTINO SA GAZA, KINONDENA NG MGA MANGGAGAWA

Agosto 6, 2014 - Inilunsad ng mga manggagawa ang isang pagkilos sa Boy Scouts Circle sa Timog Avenue sa Lungsod Quezon bilang protesta sa nangyayaring pagpaslang sa mga sibilyang Palestino sa Gaza.

Lumahok sa pagkilos na ito ang Alliance of Progressive Labor (APL) - SENTRO, Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Partido ng Manggagawa (PM), Socialista - National Confederation of Labor (NCL), NAGKAISA, Coalition Against Trafficking in Women - Asia Pacific (CATW-AP), Sanlakas, Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), at marami pang iba. Nagkakaisa nilang tinuligsa ang nangyayaring masaker ng mga sibilyang Palestino sa Gaza. Nakikipagkaisa sila sa lahat ng manggagawa sa daigdig na nanawagang dapat nang itigil ang karahasan laban sa mga Palestino.

Nauna rito'y idinaos muna ang isang maikling talakayan sa conference room ng Alliance of Progressive Labor (APL). Ang pangunahing tagapagsalita rito ay si Herbert Docena, kung saan ipinaliwanag niya ang tunggalian sa pagitan ng mga Israeli at Palestino, pati na ang kasaysayan ng labanang ito, ang paghahati sa teritoryo ng lupa noong 1947, ang 1967 six-days war, ano ang Zionismo, ang Hamas, at iba pa.

Ipinakita rin ni Docena ang pahayag ng iba't ibang unyon ng manggagawang Palestino, tulad ng Palestinian General Federation of Trade Unions - Gaza, General Union of Palestinian Workers, at sinusuportahan ng Congress of South African Trade Unions.

Nagsimula ang talakayan bandang ikaapat at kalahati ng hapon. Matapos iyon ay nagtungo sila sa Boy Scouts Circle ng ikaanim ng gabi. 

Napadaan din sa pagkilos na iyon ang artistang si Kylie Padilla, na anak ng aktor na si Robin Padilla. Doon ay ipinahayag niyang nasasaktan siya sa nangyayaring pagkamatay ng mga sibilyan, lalo na ng mga bata, sa Gaza dahil sa ginagawang opensiba ng Israel laban sa mga Palestino, at nanawagan din siyang matigil na ang karahasan doon.

Bandang ikapito na ng gabi nang matapos ang pagkilos.

Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.

Martes, Hulyo 29, 2014

Ang grupong MASO (MAnggagawang SOsyalista) sa SONA 2014

ANG GRUPONG MASO (MANGGAGAWANG SOSYALISTA) SA SONA 2014

Lunes, Hulyo 28, 2014 - Kasabay sa araw ng SONA (State of the Nation Address) ni Pangulong Noynoy Aquino, nagsagawa ng malawakang pagkilos ang iba't ibang grupong sosyalista sa bansa, na nagsama-sama bilang grupong MASO (Manggagawang Sosyalista) upang ipanawagan ang pagpapatalsik kay Noynoy Aquino sa pwesto, dahil umano sa kawalan ng malasakit ng asenderong si Noynoy sa mga manggagawa, bagkus ay promotor pa ito ng kontraktwalisasyon na pasakit sa mga manggagawa.

Kasabay nila sa rali patungong Batasang Pambansa ang mga grupong Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), SANLAKAS, Partido Lakas ng Masa (PLM), Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Metro Manila Vendors Alliance (MMVA), Zone One Tondo Organization (SM-ZOTO), Aniban ng Manggagawa sa Agrikultura (AMA), SUPER-Federation, Piglas Kabataan (PK), Makabayan-Pilipinas, Koalisyon Pabahay Pilipinas (KPP), atbp. Dala ng malaking bulto ng BMP ang isang higanteng streamer na de-gulong na may panawagang "Aquino, Patalsikin! Itakwil ang Kurap at Elitistang Rehimen!" at malaking dilaw na krus na yari sa kahoy na nakasulat ang "Pasakit sa Manggagawa - BMP" at "Patalsikin!" Kasabay din ng grupong MASO ang mga grupong nasa ilalim ng Freedom from Debt Coalition (FDC) at Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ).

Binasa ng kinatawan ng MASO sa programa sa itaas ng isang trak ang kanilang pahayag at ang kanilang paninindigan at panawagang itakwil na ang gobyerno ng mga kapitalista, at itayo ang isang gobyerno ng uring manggagawa.

Ang grupong MASO, batay sa kanilang inilathalang pahayag at streamer, ay binubuo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), KASAMA, KMM, KATIPUNAN, National Confederation of Labor (NCL), Kilusang Uring Anakpawis (KUA), National Alliance of Trade Unions (NATU), Nagkakaisang Manggagawa sa Calabarzon (NMC), Nagkakaisang Sosyalista (NS), Proletaryong Rebolusyonaryong Kilusan (PRK),  SOCIALISTA, at Solidarity of Unions in the Philippines for Empowerment and Reforms (SUPER).

Ang SONA ay ginaganap tuwing ikaapat na Lunes ng Hulyo.

Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.
Ang tagapagsalita ng MASO habang binabasa ang kanilang pahayag.