PAGDALO SA UNANG ARAW NG PASINAYÀ 2026
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.
Dalawang mahahalagang okasyon ang aking pinuntahan ngayong araw, Pebrero 7, 2026. Una's sa 2nd Tour of Historic Pasig, na tinalakay sa naunang sanaysay. Nakaalis ako roon sa Bahay na Tisa sa ganap na 1:45 pm kung saan kami kumain.
At ang ikalawa'y itong Pasinayà 2026, na isang pambansang aktibidad dahil Buwan ng Sining. Halos 3:15 pm na ako nakarating sa Cultural Center of the Philippines (CCP). Mahal din ang pamasahe sa traysikel at nais akong singilin ng P100 patungong CCP galing sa kanto ng Vito Cruz at Taft. Mabuti't hawak ko ang P50 ko, at sinabi ng barker na hanggang Roxas Blvd. iyon at hindi na tatawid. Kaya P50 ang binayaran ko sa traysikel.
Tinawid ko na ang Roxas Blvd. patungong CCP at hinanap agad ang Tanghalang Ignacio Jimenez. Sa rehistrasyon ay dapat mag-ambag kahit magkano. P50 na papel ang inambag ko, at mabuti't pulos barya ang nasa bulsa ko.
Gayunpaman, hindi ko na naabutan ang puntirya kong daluhan ng ikalawa ng hapon - "Ang Babae Bilang Makata" ni Agatha Palencia Bagares sa lugar-palihan na Pandayan B. Ang naabutan ko'y "Anong sey/say mo? Ang Sining ng Pagsasalin" ng Kagawaran ng Filipino ng University of Asia and the Pacific ng ikatlo ng hapon. At ang sumunod na palihan ng ikaapat ng hapon na pinamagatang "Write and Draw: A Komiks Workshop" nina Bambi at Roland Amago, o tinatawag nilang Amagination.
Bagamat di ko naabutan ang pagtatanghal ng "Ang Babae Bilang Makata" ay napakapalad kong nadaluhan ang "Open Mic Session with Ricky Lee" ng ikalima ng hapon sa Tanghalang Ignacio Gimenez auditorium. Doon ay binigkas ng labintatlong katao ang mga nagustuhan nilang excerpt o maiikling sanaysay na nagustuhan at nakaantig sa kanila sa pagbasa ng mga aklat ni Ricky Lee.
Sa ganyan ko binuo ang araw ko. Dalang aktibidad, dalawang mahahalagang aral sa akin. Maraming salamat.
naglakbay-aral sa makasaysayang Pasig
ang aking dinaluhan ng buong umaga
mula roon sa Bahay na Tisa sa Pasig
ay bumiyahe agad patungong C.C.P.
upang madaluhan naman ang Pasinaya
na pawang aktibidad sa Buwan ng Sining
nais kong ipakita ang aking suporta
bilang abang makata't isang malikhain
manunulat ng kwento, sanaysay at tula
nais suportahan ang ibang manlilikha
sa sining, tula man, dula't iba pang akda
sa aking panonood ay natutong sadya
mabuhay ang Pasinaya Twenty-Twenty Six
kayraming aktibidad na talagang siksik
tunay na inspirasyon sa aking panitik
nang makalikha ng akdang nakasasabik
02.07.2026






Walang komento:
Mag-post ng isang Komento