WALANG PINAG-IBA
anumang tae, walang pinag-iba
alam na alam nga iyan ng masa
sa doktor lamang sila nagkaiba
na batayan ng sakit o siyensya
sa disenyo ni Tarantadong Kalbo
na isa sa aking mga idolo
na mangguguhit o mandidibuho
natumbok ang problema sa bayan ko
wala sa oligarkiya't burgesya
o sa kapitalista't dinastiya
ang pag-asa ng masang nagdurusa
kundi sa bayan kong nagkakaisa
at kay Tarantadong Kalbo, salamat
na dinibuho'y nakapagmumulat
na basura, tae't burgesyang bundat
sa ating lipunan ay nakakalat
panahon na ngang linisin ang bayan
mula sa mga tiwali't gahaman
dapat magkaisa ng sambayanan
at tuluyang baguhin ang lipunan
- gregoriovbituinjr.
09.20.2025
* litrato mula sa fb page ni Tarantadong Kalbo sa kawing na: https://www.facebook.com/photo/?fbid=1305984484314392&set=a.562746088638239
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento