Martes, Setyembre 2, 2025

Ang Setyembre Dos sa kasaysayan

ANG SETYEMBRE DOS SA KASAYSAYAN

ang Setyembre Dos sa kasaysayan:
pormal na ang pagsuko ng Japan
at ang Ikalawang Daigdigang
Digmaa'y tuluyang nawakasan

namatay ang bayani ng Byetnam
at unang pangulong si Ho Chi Minh
nakaligtas sa nasunog na jet
ang naging presidente ng U.S.

may isang daang O.F.W. 
ang napauwi galing Kuwait
na tumakas sa kanilang amo
na kondisyon sa trabaho'y pangit

kayrami nang namatay sa dengue
anang ulat ng Department of Health
ulat na ito'y sadyang kaytindi
sa namatayan ay anong kaysakit

limang daan ang sa Iloilo
tatlong daang katao sa Bicol
at pitumpu naman mula sa Cebu
ay, nakamamatay iyang lamok

nadagdag pa sa mga balita
C.D. bidyo't Jose Pidal acoount
at may pahabol pang kasabihan:
huwag bukas kung kaya na ngayon

- gregoriovbituinjr.
09.02.2025

* mga datos mula sa pahayagang Pang-Masa, p.4

Lipunang malaya't matinô

LIPUNANG MALAYA'T MATINÔ

pangarap ko'y malaya't matinong lipunan
umiiral ay patas at makatarungan
na walang api't pinagsasamantalahan
ng dinastiya, oligarkiya't gahaman

pangarap ko'y lipunang matino't malayà
kung saan walang trapo't burgesyang kuhilà
sa anumang pakikibaka'y laging handâ
kumikilos kasama ng obrero't dukhâ

pangarap ko'y lipunang malaya't matinô
na lahat ng lahi't bansa'y nagkakasundô
umiiral ay di pagkaganid sa gintô
kundi pakikipagkapwa sa buong mundô

lipunang matino't malaya ang pangarap
na makamit na bawat isa'y lumilingap
sa kanyang kapwa, kaya tayo na'y magsikap
na abutin ang kaytayog mang alapaap

- gregoriovbituinjr.
09.02.2025

Lunes, Setyembre 1, 2025

Bansa ng 7,641 kapuluan

BANSA NG 7,641 KAPULUAN

mula pitong libo, isang daan at pitong isla
ang kapuluan sa ating bansa'y nadagdagan pa
pitong libo, animnaraan, apatnapu't isa
ayon sa bagong datos na nakalap ng NAMRIA

si Charlene Gonzales ay agad naalala natin
noong sa Miss Universe pageant siya ay tanungin
Ilan ang isla sa Pilipinas, na sinagot din
ng tanong, "High tide or low tide?" ang sagot ba'y kaygaling?

dagdag na limang daan, tatlumpu't apat na pulô
kapag taog ba o high tide ay agad naglalahò?
buti't mga bagong isla'y natukoy, naiturò
ng NAMRIA, bilang ng mga pulô na'y nabuô

limang daan tatlumpu't apat na pulo'y nasaan?
sa satellite images doon natin malalaman
nais kong marating ang mga bagong islang iyan
upang sa sanaysay, kwento't tula'y mailarawan

- gregoriovbituinjr.
09.01.2025

* ulat at litrato mula sa kawing na: https://www.facebook.com/share/1FrewfMduj/ 
* NAMRIA - National Mapping and Resource Information Authority, sentrong ahensya sa Pilipinas hinggil sa pagmamapa ng mga lupa sa bansa