BAKIT DAPAT NATIN TUTULAN ANG PAREX (PASIG RIVER EXPRESSWAY)?
Habang rumaragasa ang COVID-19 sa nakalipas na dalawang taon, naging abala ang San Miguel Corporation (SMC) Infrastructure sa pagtulak ng dambuhalang proyektong sa wari nito ay paiikliin ang biyahe mula Manila hanggang Rizal sa loob ng 15 minuto. Magsisilbi rin umano itong ugnay ng hilaga at timog na lalong magpapabilis sa mga biyahe sa mga lugar dito. Ang proyektong ito ay ang Pasig River Expressway Project o PAREX. Babaybayin nito ang 19.37 kilometrong kahabaan ng Ilog Pasig na tatagos sa mga siyudad ng Maynila, Mandaluyong, Makati, Pasig at Taguig. Pero ang PAREX ay hindi lamang usaping trapiko. Maaaring magdulot ito ng panandaliang tugon sa problema sa trapiko pero sa huli mas lalamang ang perwisyong dulot ng PAREX kaysa benepisyo.
MGA DAHILAN
1. DEMOLISYON AT SAPILITANG PAGLIKAS. Upang itayo ang PAREX, kakailanganin nitong matiyak ang akses ng mga eksipo (equipment). Nanganganib ang mga komunidad maralita na maaaring tukuying daanan para sa mga kasangkapan sa pagtatayo ng expressway. Demolisyon at sapilitang paglilikas ang ibig sabihin nito. Marami sa mga komunidad maralita ang matatagpuan sa kahabaan ng Ilog Pasig.
2. PAGPATAY SA ILOG PASIG. Ilang dekada na ang tinagal ng mga insiyatiba para buhayin ang Ilog Pasig mula pa sa panahon ni dating pangulong Fidel V. Ramos hanggang sa kasalukuyan. Bagaman malaki-laki pa ang kailangang gawin, malayo na ang inunlad ng pagpapasigla ng Ilog Pasig. Tatabunan ng PAREX ang Ilog Pasig sa kahabaan kung saan ito itatayo. Maaari itong ikamatay ng mga halaman at hayop dahil sa pagkawala ng init mula sa araw. Magsasagawa din ng dredging ang SMC na tinuring na paglilinis ng ilog. Bukod sa wawasakin ang mga lamang tubig dahil sa dredging, malaking katanungan kung saan iimbakin at itatapon ang mahigit 54,000 toneladang dredge materials.
3. PAGLALA NG POLUSYON. Taliwas sa sinasabi ng SMC Infractructure, hindi bababa ang pagbuga ng maruruming hangin tulad ng carbon dioxide kapag naitayo ang PAREX. Bagkus, dahil sa pagdagsa ng mga sasakyan ay lalala ang polusyon sa hangin. Lubhang peligroso ito sa mga kabahayan at komunidad na katabi ng itatayong expressway. Bukod sa usok, isang problema rin ang ingay o noise pollution.
4. PAGLALA NG GHG EMISSIONS, PAGLALA NG KRISIS SA KLIMA. Sa sariling pagtaya ng SMC, aabot sa 63,000 tonelada ang ibubugang carbon dioxide sa pagtatayo pa lang ng PAREX. Mas tataas pa ito kapag dinagsa at dinaanan na ito ng libu-libong sasakyan. Ang sobra-sobrang konsentrasyon ng carbon dioxide sa himpapawid ay pangunahing dahilan ng pag-init ng planeta o global warming, Mababalewala ang pagsusumikap ng kapwa pambansa at lokal na pamahalaan na pababain ang greenhouse gas emissions (GHG) dahil sa mga proyektong tulad ng PAREX.
5. PELIGROSO SA LINDOL. Sa sariling pag-aaral ng SMC, hindi nito matiyak ang kaligtasan ng mga dadaan sa PAREX kapag tumama ang malakas na lindol tulad noong Intensity IX 1968 Casiguran Earthquake at 1990 Luzon Earthquake. Itatayo ang PAREX sa liquefaction hazard area o lugar na malambot o lumalambot ang lupa. Wala mang lindol, peligroso ang PAREX dahil sa mismong pagtatayuan nito.
6. WAWASAKIN ANG MGA MAKASAYSAYANG GUSALI. Mismo ang SMC ang nagtukoy na may 15 historical sites ang nasa loob ng 1 km radius ng PAREX pero hindi nito binabanggit alin dito ang direktang tatamaan. May tatlong historical sites ang dadaanan ng PAREX, hindi kasama rito ang Intramuros na nasa ruta rin ng proyekto.
7. PAGLABAG SA PHILIPPINE ENVIRONMENT IMPACT STATEMENT (EIS) SYSTEM. Depektibo at kapos ang environmental impact statement (EIS) na ginawa ng San Miguel Corporation para sa PAREX. Imbes na maglinaw kung paano tutugunan ang nakikitang epekto ng PAREX sa kalikasan at komunidad, mas maraming isyu ang hindi nasasagot tulad ng usapin ng lindol, pagbaha, alikabok, epekto sa Ilog Pasig, atbp. Bukod sa laman ng EIS, depektibo rin ang naging proseso na magtitiyak ng makabuluhang paglahok ng mga stakeholders halimbawa na dito ang ginawang online public hearing kung saan naka-mute ang mga participants at walang opsyon na makapagpahayag ng saloobin dahil "disabled" ang chatbox.
* MAY ALTERNATIBA. Hindi totoo na walang alternatiba at ang tanging pagtatayo lamang ng PAREX ang solusyon nila sa problema sa trapiko. Ilan sa mga alterbatiba ay ang pagpapaunlad at pagpapalawig ng Pasig Watercraft Transport, pagpapaunlad ng public transport system sa Metro Manila, kasama na yung mga railway system at pagtatayo ng 20-kilometrong bike route sa tabi ng Ilog Pasig.
Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento