Martes, Mayo 4, 2021

Pahayag ng KPML sa Araw ng Paggawa 2021

KPML
Press Statement
Mayo Uno, 2021

SIGAW NG MARALITA NGAYONG MAYO UNO:
KABUHAYAN, KALUSUGAN, KARAPATAN, KALIGTASAN, IPAGLABAN!

Ang pambansang samahan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay mahigpit na nakikiisa sa lahat ng manggagawa sa buong daigdig sa pagdiriwan ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa.

KABUHAYAN. Trabaho, hindi tanggalan! Ito ang panawagan ng manggagawa, lalo na ngayong may pandemya ay biglang nagsarahan ang maraming pabrika dahil hindi na pinalabas ang mga tao sa panahon ng community quarantine, na nagdulot ng pagkawala ng trabaho. O kung may trabaho man, ang mga regular na manggagawa ay hindi na pinapapasok, kundi pawang mga kontraktwal na ang nagtatrabaho. Ang pandemya'y naging pagkakataon para sa mga ganid na kapitalista na tanggalin ang mga regular na manggagawa sa ngalan ng kontraktwalisasyon. Dahil sa kakulangan ng ayuda, na sinasabi ng pamahalaan ay halos nasaid na ang badyet nito, bagamat nasa P19 Bilyong piso ang badyet ng NTF-ELCAC (National Task Force To End Local Communist Armed Conflict), na dapat tanggalin sa kanila upang gamiting pang-ayuda sa mamamayan sa panahon ng pandemya. Sayang lang na nagagamit ang badyet na ito sa kawalanghiyaan at pangre-redtag.

KALUSUGAN. Sa ngayong mahigit nang isang taon ng pananalasa ng COVID-19 sa buong mundo, pumangalawa ang Pilipinas sa Southeast Asia sa may pinakamaraming tinamaan ng COVID-19 na umabot na ng mahigit isang milyon, kasunod ng Indonesia. Patuloy pa rin ang tila hindi maayos na tugon ng rehimeng Duterte sa pandemyang ito kaya umabot ng isang milyong katao ang tinamaan ng COVID-19. Ang aming panawagan: Libreng mass testing at bakuna para sa lahat!

KARAPATAN. Dapat ipaglaban ng mamamayan ang kanilang karapatan laban sa kapalpakan ng pamahalaan. At dahil sa mga kapalpakang ito, nag-inisyatiba ang mamamayan sa pamamagitan ng mga community pantry upang kahit paano'y makatulong sa masa. Manipestasyon ng kapalpakan ng gobyerno kaya kumilos na ang mamamayan. Karapatan ng mamamayan na humingi ng ayuda sa panahong nawalan sila ng pinagkakakitaan dahil hindi na sila pinayagang makalabas ng bahay dahil sa community quarantine na ipinatutupad.

KALIGTASAN. Dapat tiyakin ang kaligtasan ng mamamayan, at mapigilan na ang sunud-sunod na naaapektuhan ng coronavirus at ang lumalalang kagutuman sanhi ng sunud-sunod na lockdown na pumipigil sa mga tao upang magtrabaho at magkaroon ng pagkakakitaan. Hindi sapat ang bakuna lang para sa lahat. Isama sa ayuda ang mga bitaminang kinakailangan ng katawan. Tiyakin ding kumakain ng sapat na pagkaing masustansya ang mamamayan upang hindi magkasakit. Dapat matulungan ang mga magsasaka upang mas umunlad pa ang kanilang paraan ng pagsasaka, at matulungan din ang ating mga mangingisda bagamat nag-iingat na silang pumunta sa West Philippine Sea upang mangisda. Tiyakin ding hindi mawawalan ng trabaho ang mga manggagawa. Maglunsad din tayo ng urban farming upang balang araw ay may mapipitas tayong gulay at protas na makakain.

Kaya ngayong Mayo Uno, sigaw ng maralita, KABUHAYAN, KALUSUGAN, KARAPATAN, KALIGTASAN, IPAGLABAN!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento