STATEMENT OF HOMENET PHILIPPINES
May 1, 2021
PAGSAGIP NG MGA BUHAY AT KABUHAYAN:
PANAWAGAN NG MGA MANGGAGAWANG IMPORMAL,
SOCIAL PROTECTION PARA SA LAHAT!
Ang pandemya na ating kasalukuyang nararanasan ay isang malaking hamon para sa buhay at kabuhayan ng mga Pilipino, partikular na sa mga bulnerableng manggagawa sa bansa. Sa gitna ng pag-urong ng ekonomiya at kaliwa’t kanang mga lockdown, ay marami ring mga Pilipino ang nawalan ng trabaho, kasama na ang mga street vendors, jeepney at tricycle drivers, home-based workers, non-corporate construction workers at mga maliliit na mga negosyante na umaasa lamang sa kakarampot na kinikita mula sa pamamasada at pagtitinda. Ang krisis na ito ay di maikakailang patuloy na nagdudulot ng kagutuman at matinding kahirapan sa maraming manggagawa at kanilang mga pamilya.
Ang tugon ng gobyerno sa kasalukuyan ay sobrang kapos upang masolusyunan ang mga isyu na dulot ng pandemya. Dahil dito ay napipilitan ang mga mahihirap na manggagawa na ilagay sa peligro ang kanilang kalusugan para lamang may maipakain sa kanilang pamilya. Bukod pa rito ay dagdag rin sa problema ang mahirap na sistema at pag akses ng serbisyong medikal sa bansa. Kapag sila ay nagkasakit , hindi sila maasikaso ng isang health care system kung saan maging ang mayayaman ay nahihirapang kumuha ng agarang serbisyo. Kung sumusubok silang ibangon muli ang kanilang mga kabuhayan para makaahon sa sobrang paghihirap, wala o halos wala ang mga rekurso sa produksyon na pwede nilang magamit.
Sa panahon ng ganitong kagipitan, kinakailangan ng agaran at komprehensibong pag aksyon kalakip ang isang whole-of-society approach mula sa gobyerno. Bukod sa pangunahing responsibilidad ito ng estado, ay ito rin ang may hawak sa mga resources na pwedeng pakilusin o gamitin.
Karapatan ng bawat mamamayan ang maproteksyunan laban sa mga life-cycle risks (pagbubuntis, katandaan, pagkamatay), economic risks (kawalan ng trabaho), social at governance risks, at environmental/disaster risks, lalo na sa gitna ng krisis na ating kinakaharap.
Ngunit ang mga manggagawang impormal ay madalas na napag iiwanan sa mga polisiya, programa, at sistema ng social protection. Hindi sila kwalipikado para sa 4Ps at iba pang mga porma ng social assistance. Kumpara sa pormal na sektor at mga indigent, laging kulang na kulang ang bilang ng mga impormal na manggagawa pagdating sa pag mi-miyembro sa Philhealth, bagamat naipasa na ang Universal Health Care Act na naggagarantiya ng awtomatik Philhealth membership sa lahat ng Pilipino. Hindi rin sila nakakarehistro at wala ring pormal na empleyo kung kaya’t hindi regular na nakapag-aambag sa Social Security System. Pagdating naman sa sektor ng manggagawang pormal, bagamat mayroong malinaw na social security benefits(tulad ng sickness, maternity, disability, retirement, death, funeral, employee’s compensation, at unemployment insurance), ang pagbagsak ng ekonomiya ay nagdulot sa sapilitang paghinto ng karamihan na ipagpatuloy ang kanilang regular na kontribusyon sa kadahilanang hindi sapat ang kinikita.
Malinaw na nasa disbentahe ang mga manggagawa sa impormal na ekonomiya. Ang mga organisasyong kasapi ng Homenet Philippines ay nananawagan at nagsusulong ng mga sumusunod na puntos bilang parte ng prayoriti agenda tungo sa progresibong realisasyon ng social protection para sa lahat. Para matugunan itong mga panawagang ito, kinakailangan ng pinansyal na alokasyon. Panahon na para singilin ang gobyerno sa mga serbisyo at mga resources na mayroon ito para maisalba ang bansa, lalong lalo na ang mga mahihirap. Sa halip na umasa lamang sa indirektang buwis na ipinapataw sa mga produkto at serbisyo kung saan ang malaking porsyento ay sinasagot ng mga nasa laylayan, kailangang singilin ang mga mayayamang ang kinakamal na tubo ay konkretong manipestasyon sa sobrang hindi pagkakapantay-pantay ng ating lipunan. Dapat na magkaroon ng direktang buwis na tatawaging ‘solidarity taxes’ na sasagutin ng mga mayayaman, partikular ng mga may ari-ariang umaabot ng isang daang milyong piso at pataas. Pwede ring magpataw ng buwis sa mga produkto ng iba’t ibang industriyang nag-eemploy ng maraming impormal na manggagawa na maaring magpondo para sa kasiguruhan ng kanilang social protection.
EMERGENCY AT SOCIAL ASSISTANCE PARA SA MGA MANGGAGAWANG IMPORMAL SA GITNA NG PANDEMYA
1. Siguruhin ang pantay-pantay na akses sa sapat na cash assistance sa pamamagitan ng pagpapatupad ng sistemakong pagrerehistro na iminumungkahi sa Magna Carta of Workers in the Informal Economy (MACWIE) bill para maisakatwiran ang cash distribution.
2. Siguruhin ang pantay-pantay na akses sa minimum wage na di bababa ng sampung araw sa pamamagitan ng TUPAD cash for work at iba pang similar na mga programa.
3. Suportahan ang produksyon, pagproseso, at distribusyon ng pagkain sa pamamagitan ng pag-organisa ng community gardens, pantries, kitchens, community-supported agriculture, digital marketing platforms katulong ang LGU at iba pang may taya.
4. Palawakin ang gender-responsive na akses sa mga resources na makapaglilikha ng mas maraming oportunidad sa - at sa pagpapalakas ng kabuhayan;
a) Maglaan ng pondo para sa mga indibidwal na manggagawa para maka-akses ng micro-loans/maliliit na pautang (Php50,000 to Php300,000) na walang pataw na interes o kolateral, at working capital grant (Php100,000 to 1,000,000 kada grupo) naman para sa mga rehistradong informal sector group enterprises.
b) Maglaan ng pautang at kaginhawaan sa buwis para sa mga MSMEs.
c) SIguruhin ang akses sa inklusibong serbisyong pampinansyal sa pagtalaga ng suportang teknikal para sa mga village savings at loan associations (VSLAs) at iba pang katulad na mga inisyatiba sa grassroots level.
d) Pahintulutan ang mga manggagawang impormal sa paggamit ng mga pampublikong espasyo kung saan pwede maglako at magtinda ng mga produkto.
e) Magtatag ng isang malawakang programang makapag-eemploy at makapag-rerekrut ng mga manggagawang impormal sa mga serbisyong pampubliko tulad ng contact tracing, pagtatayo ng mga pasilidad pang quarantine at mga istrukturang pang DRRM, pag-repair ng mga napinsalang mga bahay at gusali, pag-aalaga sa mga pasyente, bata, at mga nakatatanda sa mga komunidad, atbp.
f) Pahintulutan ang tatlumpung porsyentong (30%) kota para sa impormal na sektor pagdating sa mga mga public procurement programs.
g) Tugunan ang isyu ng unpaid care work ng kababaihan sa pamamagitan ng pagkilala, pagbawas, pagredistribyut, at pagbibigay representasyon, pati ang pamamahagi ng mga pangunahin at esensyal na mga utilities tulad ng malinis at naiinom na tubig, elektrisidad), pati na rin mga serbisyo tulad ng pag-aalaga sa mga bata at nakatatanda at iba pang serbisyong pangkomunidad.
h) Maglaan ng karagdagang akses para sa mga manggagawang impormal upang mapalakas ang kasanayan at mapaunlad ang negosyo sa pamamagitan ng pag organisa ng mga libreng training activities, kasama ang paggamit ng internet o iba pang online na mga plataporma para sa pag-market ng produkto o serbisyo.
i) Pagkakaroon ng business registration at tax payments sa pamamagitan ng mga one-stop registration facilities o mabilisang pag isyu ng online permit, at sa paraan ng pagpapasimple ng mga sistemang pambuwis at pagiging abot-kaya ng mga ito para sa uring manggagawa.
PANGKALAHATANG KALUSUGAN PARA SA MGA MANGGAGAWANG IMPORMAL AT KANILANG MGA PAMILYA
1. Siguruhin ang rehistrasyon ng mga manggagawang impormal sa Philhealth, kung saan kulang na kulang ang kanilang representasyon, upang mapakinabangan ang awtomatik na membership at mga benepisyong nakasaad sa Universal Health Care Act na dapat ay prayoridad at may sapat na pagpopondo.
2. Bigyan ng prayoridad ang libreng pagbabakuna ng mga ,manggagawang impormal na economic frontliners, tulad ng mga driver at vendor.
3. Bigyan ng pagsasanay ang mga organisasyon ng manggagawang impormal sa mga komunidad para magsagawa ng mga kampanya sa pagbibigay impormasyon at kamalayan tungkol sa covid, partikular sa mga gawi upang ito ay maiwasan, pagbabakuna, paggamot at iba pang entitlements na nakasaad sa batas.
SOCIAL SECURITY PARA SA LAHAT NG EDAD
1. Para maging makatarungan at pantay-pantay ang trato, maglaan ng subsidiya para sa kontribusyon ng mga manggagawang impormal sa SSS (30% tulad ng nangyayari sa Thailand o higit pa) para maging abot-kaya. (Ito ay sa kadahilanang ang mga manggagawa sa pormal na sektor ay nagbabayad ng mas mababa dahil ang mas malaking bahagdan ng kanilang kontribusyon ay nanggagaling sa mga employer, na wala ang mga impormal na manggagawa dahil enrolled sila sa SSS bilang mga self-employed.
2. I-institusyonalisa ang mga abot-kayang payment arrangements na partikular na dinisenyo para sa iba’t ibang sub-sektor ng mga manggagawang impormal (subcontracted and self-employed home-based workers, vendors, farmers and rural workers, non-corporate construction workers, atbp.) depende sa kani-kanilang mga konteksto. Ang ganitong mga arrangements ay dapat sinusuri at ginagabayan ng mga mabubuting halimbawa ng iba pang mga bansa.
3. I-akredit ang mga kooperatiba, micro-finance institutions, fair trade groups, at iba pang mga solidarity-based na organisasyon ng mga manggagawang impormal para mapadali at mapalawak ang mga kampanya sa membership at para rin magsilbing mga collective agents.
4. I-amend ng SSS Law para mareporma ang SSS Commission na maging isang tunay at malayang body na pangangasiwaan ng mga representatibo ng bawat kategorya ng mga nakaseguro na miyembro, kabilang ang mga manggagawa’t employer sa impormal na sektor.
5. Maglaan ng mga benepisyo sa kawalan ng trabaho (unemployment insurance) para sa mga manggagawang impormal na self-contributing.
6. Taasan at bigyan ng Employee Compensation benefits, lalo na ang mga kasong may kaugnay sa COVID na galing sa mga pinakabulnerableng grupo, kabilang ang mga manggagawang impormal na nawalan ng pagkakakitaan.
7. Siguruhin ang implementasyon ng Expanded Maternity Leave Law upang masaklaw ang mga kababaihan sa impormal na ekonomiya.
8. Ipagkaloob ang adisyunal na Php1,000 sa SSS pensyon at itaas pa ang benepisyo sa pensyon para sa mga miyembro ng SSS.
9. Dagdagan para man lang maging Php1,000 ang social pension para makasama sa saklaw ang lahat ng mga senior citizens, at maging tunay itong pangkalahatan.
SIGURUHIN NA ANG MGA KARAPATAN NG MGA MANGGAGAWANG IMPORMAL, KARAMIHAN AY NAILAHAD SA TAAS, AT PADALIIN ANG KANILANG TRANSISYON TUNGO SA PORMALIDAD SA PAMAMAGITAN NG PAGPASA AT PAGPAPATUPAD NG MAGNA CARTA OF WORKERS IN THE INFORMAL ECONOMY (MACWIE), KUNG HINDI MAN SA KASALUKUYANG KONGRESO, AY MAGING KAGYAT NA PANAWAGAN SA SUSUNOD BILANG ISYUNG ELEKTORAL SA 2022.