DUTERTE, PALPAK SA HARAP NG MATINDING PANDEMIKO
isinulat ni: Kathy P. Unan
Ika-dose ng Marso nang unang ianunsyo ng pangulong Duterte ang pagsasapatupad ng community quarantine sa National Capital Region bilang tugon sa banta ng COVID-19 sa bansa. Kaakibat ng nasabing community quarantine ang pagsuspinde ng klase, pagbawal ng mga pagtitipon, pagsuspinde ng trabaho sa karamihan ng mga opisina ng pamahalaan, at paghikayat na sumunod ang pribadong sektor sa flexible work arrangement upang malimit ang galaw ng mga tao sa Maynila at maiwasan ang malawakang pagkahawa sa COVID-19, ang sakit na dala-dala ng bagong virus.
Lumobo ang bilang na ito sa 142 matapos ang apat na araw at inanunsyo ng Pangulong Duterte ang isang Luzon-wide “enhanced community quarantine”. Kasama nito ang mas matinding mga pagbabawal tulad ng pagsasatupad ng curfew, pagsuspindi ng trabaho maliban sa mga may kinalaman sa pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan at sa pagbebenta ng pagkain, at pagsara ng mga pampublikong transportasyon sa kabuuan ng Luzon; ang mga hindi susunod sa polisiyang mamalagi muna sa sari-sariling tahanan ay maaaring dakipin ng pulis o militar na agarang namobilisa ng presidente upang ipatupad ang effective “lockdown”. Tila naging modelo ng pamahalaan ang mga polisiyang unang ipinatupad sa Tsina kung saan unang kumalat ang virus.
Kapansin-pansin sa mga anunsyo ng pangulo ang hindi pagbanggit ng mga probisyong medikal upang sugpuin ang paglaganap ng COVID-19 sa bansa. Ito ay sa gitna ng apela ng mga ospital para sa karagdagang pera, pasilidad at kagamitan at sa gitna nang natukoy nang kakulangan sa testing kits para sa COVID-19. Wala ring imik ang presidente tungkol sa mga manggagawang lubusang maapektuhan ng kawalan ng trabaho sa panahon ng lockdown; pinasa na lang nito ang responsibilidad ng pagbigay ng kagyat na tulong sa lokal na pamahalaan. Sa halip, pinaka-litaw sa lahat ng anunsyo ng pangulo ang pagpapalawak ng presensya ng pulis at militar sa ating pamayanan. Dahil dito, naging maigting ang hinaing ng marami na magbigay ang Pangulo ng “solusyong medikal, hindi militar”.
Ngunit sa halip na palakasin ang ating sistemang pang-medikal, lalo lang pinaiigting at pinapalawak ng pamahalang Duterte ang kapangyarihan ng militar bilang tugon sa paglaganap ng COVID-19. Ang taktikang ito ng pangulo na sumandal sa pwersang militar para sugpuin ang kahit anong kinikilala niyang problema ay hindi na bago. Nakita na natin ito sa pagpatupad ng Martial Law sa Mindanao at sa pekeng War on Drugs. Nakikita natin ito sa bawat pagtalaga ng retiradong heneral sa kaniyang gabinete. Ngayon, ang nakatalagang mamuno sa pagpapatupad ng National Action Plan laban sa COVID-19 ay hindi ang kalihim ng Kagawarang Pangkalusugan, na siyang dapat ay may alam sa isang krisis medikal, kung hindi ang kalihim ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa, ang dating Major General Lorenzana, ang kalihim ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal, ang retiridong Heneral Año, ang kalihim ng DSWD, retiridong Lt. Gen. Bautista, at ang mga pinuno ng miltar at kapulisan.
Lalong hindi na bago sa atin ang retorika ng pangulo. Kahit ang suliranin laban sa COVID-19 ay hinahalintulad niya sa “digmaan” kung saan ang Coronavirus ay, sa kaniyang sariling salita, nagsisilbing “invisible enemy”.
Mahalagang maintindihan na ang pagtalaga ng pangulo sa virus bilang kalaban ay taktika lamang upang mabigyang-katwiran ang paggamit niya ng pwersa. Pilit na pilit ni Duterteng ipakitang may ginagawa siya kahit wala naman talagang nalulutas na problema ang pwersang ito. Kailan ba mapapatay ng baril ang isang virus?
At ngayong hirap na nga itong sugpuin ang COVID-19, humingi na naman ang pangulo ng emergency powers na sa porma at itsura ay pagbabalik lamang sa batas militar.
Napasa man ang batas para bigyan ng “special powers” ang pangulo, napasa ito nang alinsunod sa kagustuhan ng senado na mailimita ang kapangyarihang nakalagay sa bersyong unang naihain ng pamalahaan. Natanggal ang mga probisyon na magbibigay ng kapangyarihan sa pangulong mamahala ng kung anumang korporasyon at mga batayang serbisyo, arbitrayong maglipat ng pondo ng gobyerno mula sa isang proyekto patungo sa iba, at pagkukulong at pagmumulta ng mga hindi susunod sa gobyerno.
Ngunit lumipas na lang ang ilang araw at hindi pa rin natutugunan ng pamahalaang Duterte ang pangangailangan ng mga ospital, mga frontliners, at mga ordinaryong mamamayang ngayon ay naghihirap dahil sa kawalan ng trabaho.
Mapapatanong ka na lang - para saan ba talaga ang nabigay na emergency powers sa ating kinauukulan? Bakit ang bagal bagal pa rin ng pagdating ng serbisyong kinakailangan ng mamamayan?
Klarong-klaro. Ang Presidente natin ay isang inutil na macho-pasista na hanggang pananakot at salita lang. Dumadami ang mga taong nakikita ang katotohanang ito. Alam ito ng pangulo, at dahil alam niya ito, sasandal at sasandalan niya ang pwersang militar at kapulisan upang manatili ang hawak niya sa kapangyarihan. Walang pinag-iba si Duterte sa ibang mga pulitikong gumawa nito.
Ngunit kailangan niya, at kailangan natin, tandaan – hindi natatakot ang virus sa mga baril at batuta na dala nila. Ang tanging makakatalo sa COVID-19 ay gamot at doktor. Ngunit bunga ng hindi kahandaan ng gubyernong tugunan ang tunay na pangangailangan ng mamamayan, gagawin niya nalang ang tanging bagay na sanay na sanay na siyang gamitin: pahirapan ang ordinaryong mamamayan at uring manggagawa. ##
APRIL 1, 2020
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento