Huwag magpalinlang sa maka-kapitalistang rehimeng DU30: TULOY ANG LABAN SA KONTRAKTWALISASYON!
Sabi ni Presidential Communications Sec. Ernie Abella, dumating na raw ang katuparan ng “contractualization must stop” na paulit-ulit na ipinangako ni pangulong Digong kahit pa noong siya ay nangangampanya pa lamang sa pangkapangulo.
Natupad na raw ito sa pagkakalabas ng Department Order 174 (DO174) ni DOLE Secretary Silvestre Bello III. Ang DO174 ay kautusan na nagpapatupad sa Artikulo 106 hanggang 109 ng Batas Paggawa ukol sa contracting and subcontracting.
Mga kauri at kababayan, ito ang pawang kasinungalingan! Hindi totoong pipigilan ng DO174 ang laganap na kontraktwalisasyon. Bakit?
1. SAPAGKAT ANG DO174 AY NAGPAPAHINTULOT, HINDI NAGBABAWAL, SA KONTRAKTWALISASYON. Papayagan pa rin nito ang pagkuha ng mga agency, manpower cooperatives, labor service providers na kumokontrata ng trabaho sa mga tinaguriang “principal employer”.
Tuloy ang ligaya ng mga kapitalistang umuupa sa serbisyo ng mga agency upang makaiwas sa pagbabayad ng tamang pasahod at benepisyo na dapat nilang ibayad sa mareregular nilang mga manggagawa.
Ang ipinagbawal ni Sec. Bello ay ang “labor only contracting” na matagal nang ipinagbabawal ng Batas Paggawa. Kailangan lamang daw tiyaking may substansyal na kapital at may tuwirang kontrol sa mga empleyado ang mga contractor at subcontractor. Marahil sasabihin pa niyang sinunod niya lang ang sinasabi ng Artikulo 106 hanggang 109 ng Batas Paggawa.
Maari niya pang ikatuwirang ligal naman ang kanyang ginawa – katulad din ng mga naunang department order ukol sa kontraktwalisasyon (DO10 at DO18-A) – na pinahintulutan ngunit nilagyan ng regulasyon ang mga pagkokontrata ng paggawa.
Subalit may hindi sinasabi si Sec. Bello. Ayon sa Artikulo 106, ang Kalihim ng Paggawa ay maaring, sa pamamagitan ng karampatang mga regulasyon, mag-restrict o mag-probihit ng pagkokontrata ng manggagawa upang proteksyunan ang mga karapatan ng manggagawa.
Ang prohibisyon – na isang kapangyarihan ng DOLE Secretary – ay mahigit dalawang dekada nang hinihingi ng mga samahan ng mga manggagawa dahil di-maitatangging masamang epekto nito sa karapatan at kabuhayan ng mga empleyado.
• Noong 1996, ang bilang ng mga sahurang manggagawa sa bansa ay nasa 12.649 milyon. Mula dito, may 3.646 milyon ang napapabilang sa mga unyon at may 542,223 ang nagtatamasa ng isang collective bargaining agreement o CBA.
• Matapos ang 18 taon, noong 2014, halos dumoble ang bilang ng wage and salaried workers (22.555 milyon). Ngunit ang may unyon at may CBA ay nangalahati, naging 1.874 na may unyon at 257,405 lamang na may kasunduan sa kanilang employer.
Hinihingi natin ang probisyon o pagbabawal sa pagkokontrata ng paggawa sapagkat pinatatakas nito ang mga employer sa pagbabayad ng tamang benepisyo (nagiging mura ang manggagawa) bukod pa sa nagiging palagiang banta ng gutom at kawalang trabaho sa mga kontraktwal na empleyadong maaring alisan ng kontrata anumang oras (nagiging maamo ang manggagawa). Ang kontraktwalisasyon ay salot sa karapatang mabuhay nang disente’t marangal ang mga manggagawa, laluna sa karapatang mag-unyon at makipag-CBA na kanilang natitirang ligal na depensa laban sa ibayong pang-aabuso ng mga kapitalista.
2. ANG DO174 AY TALIWAS SA KAISAHAN NG MGA LABOR GROUP AT NI PANGULONG DIGONG SA KANILANG PAG-UUSAP NOONG PEBRERO 27 SA MALAKANYANG. Matapos ang ilang beses na pakikipagharap ni Sec. Bello sa halos lahat ng mga labor groups (sa ilalim ng Nagkaisa at KMU), naobliga siyang iharap ang mga lider-manggagawa kay pangulong Digong dahil sa nakitang pag-aatubili niya isabatas ang “prohibisyon” sa kontraktwalisasyon.
Sa naganap na paghaharap, hinamon si pangulong Duterte ni Ka Leody ng BMP na pirmahan ang Executive Order para ipagbawal ang kontraktwalisasyon. Ang kanyang tugon, hindi daw yun uubra, bagamat pumabor siya sa mga kahilingang inihapag ng manggagawa. Kaya’t inutusan niya si Sec. Bello na ilabas ang Department Order na ayon sa napagkasunduang pagbabawal sa kontraktwalisasyon. Subalit noong Marso 15, lumabas ang DO174, na pinahintulutan imbes na ipagbawal ang contracting at subcontracting.
Ang tanong: saan humihiram ng lakas ng loob si Sec. Bello para baliktarin ang pangakong “contractualization must stop” ni pangulong DU30? Walang iba kundi kay Digong mismo. Sapagkat siya ay “alter ego” lamang ng presidente. Maaring tanggalin anumang oras kung hindi na mapapaboran ng pangulo ng bansa.
Ang problema’y pumopostura ang pangulo bilang nyutral at walang kinakampihan sa mga magkatunggali’t nagbabanggaang mga interes sa bansa. Sabi niya noon (inaugural, June 2016), siya ay hindi lamang pangulo ng mga manggagawa Pilipino kundi presidente rin ng mga kapitalista sa Pilipinas.
Subalit ang hindi makita (marahil dahil ayaw tingnan) ng Pangulong DU30, may dalawang kampo sa isyu ng kontraktwalisasyon: may nagsasamantala at may pinagsasamantalahan. Hindi pwedeng maging nyutral. Sapagkat ang pagiging diumano’y nyutral ay peke at pretensyon lamang. Ito ay patagong pagsang-ayon at pagkunsinti sa pagsasamantala ng iilang elitista sa nakararaming masa.
Ngunit kung patuloy na paninindigan ni pangulong Digong ang kanyang postura bilang kampeon ng mga inaapi, hinahamon natin siya para (1) sibakin si DOLE Sec. Bello para mapalitan siya ng totoong makamanggagawang Kalihim at, (2) higit sa lahat, pirmahan ang isang Executive Order na magbabawal sa kontraktwalisasyon alinsunod sa Artikulo 106 ng Batas Paggawa upang magsawalang-bisa sa DO174.
Kung hindi, pinatutunayan lamang nito – sa milyon-milyong masang naniniwala pa rin sa “Change is coming” – na si Rodrigo Duterte ay walang pinag-iba sa nakaraang mga pangulo ng bansa. Siya rin ay tuta ng “oligarkiya”, ng mga kapitalista’t asenderong matagal nang naghahari sa ating Inang Bayan. Nananatiling isang maka-kapitalistang rehimen ang nakaluklok sa Malakanyang!
Mga kamanggagawa! Magkaiba ang “tama” at “mali” sa pagitan ng kapital at paggawa. Ang tama para sa mga kapitalista ay “no union”, “no CBA”, “no wage increase”. Ngunit paanong naitatayo ang unyon at napagkakasunduan ang CBA sa mga kompanya? Dahil sa pagkakaisa ng mga manggagawa. Pagkakaisa sa katumpakan ng ating katuwiran, at higit sa lahat, pagkakaisa sa sama-samang pagkilos para ipagwagi ang ating mga kahilingan. Manggagawa magkaisa! Wakasan ang kontraktwalisasyon!
National Executive Committee,
Bukluran ng Manggagawang Pilipino
Marso 2017
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento