Huwebes, Mayo 22, 2014

Ika-4 na Kongreso ng NCL, Inilunsad

IKA-4 NA KONGRESO NG NCL, INILUNSAD

Sa temang "Sosyalistang Lipunan, Sagot sa Kahirapan", matagumpay na inilunsad ng National Confederation of Labor (NCL) ang kanilang ika-4 na Kongreso sa Magsaysay Hall ng SSS Building, East Avenue, sa Lungsod Quezon nitong Mayo 22, 2013.

Sa umaga ay nagkaroon ng pagtalakay hinggil sa programa ng SSS, lalo na sa usapin ng social protection. Ang naging tagapagsalita dito ay sina SSS Commissioner Bong Malonzo at Ms. Judy See.

Matapos iyon ay pormal nang binuksan ang Kongreso, kung saan punumpuno ito ng awitin mula sa grupong Chopsuey, at talumpati ng iba't ibang lider-manggagawa. Nagbigay ng Welcome Remarks si Atty Bayani Diwa, sec gen ng NCL. Inspirational talk naman hinggil sa sitwasyon ng uring manggagawa sa kasalukuyan at sosyalismo si Atty. Antonio Paris ng PKP 1930. Si Atty. Ernesto Arellano, pangulo ng NCL, ang nagbigay ng introduksyon sa panauhing pandangal na si DOLE-NCMB Executive Director Reynaldo Ubaldo.

Binigyang-pugay naman ng NCL ang mga taong responsable sa kanilang pagkakatatag bilang organisasyon ng manggagawa. Binigyan nila ng plake ng pagkilala sina Atty. Ibarra Malonzo, Atty. Benjamin Alar, Atty. Gaston Taquio, Ka Dominador "Domeng" Mamangon, Ka Zosimo Carullo, Ka Rey Capa, Ka Angelito "Lolo" Mendoza, at ang pinaslang na si Filemon "Ka Popoy" Lagman. Binigyan din ng plaque of appreciation sina Atty. Ernesto Arellano at Atty. Bayani Diwa.

Dito rin inilunsad ang unang isyu ng kanilang 8-pahinang pahayagang Pingkian. Ayon sa emcee, umabot ng 210 ang bilang ng mga dumalo. Ang mga emcee ay sina Larry de Guzman at Lilibeth Aycardo.

Sa hapon naman ay ang hinggil sa organisasyunal na usapin, tulad ng pag-amyenda sa Saligang Batas, mga resolusyon, at halalan.

Ang mga grupo ng manggagawang bumubuo ng NCL ay ang ATU, CITYNET, KAMPIL, KASAMA, KMM, LAWIN, NFL, NUBCW, OBRERO, SOCIALISTA at UFSW.

Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento