KUMUSTA NA ANG MGA MANGGAGAWA?
ni Lorena "Ohyie" Purificacion
Sa lumalalang krisis ng mga mauunlad na bansa, at pag-aagawan sa merkado ng mga higanteng kapitalista na nagresulta ng malawakang tanggalan sa trabaho at pagsasara ng mga pabrika, saan na napunta ang mga manggagawa?
Sa huling datos ng Labor Force Survey (LFS) ng National Statistic office, tinatayang nasa tatlumputpitong milyon ang bilang ngayon ng mga mangggawa. Ang mga ito ay matatagpuan sa mga services (52.2%), agriculture (33 %). at sa industry (14.9%). Kapansin-pansin na napakaliit ng bilang ng mga manggagawa sa pabrika. At marami pa sa hanay na ito ng mga manggagawa ang nasa piketlayn, nakawelga, at mga nasa kasong hindi pa tiyak ang seguridad sa trabaho. Ganunpaman, saan man nahahanay ang mga manggagawang ito, sila ay pare-parehong nagbebenta ng lakas paggawa kapalit ng sahod. Pare-parehong pinagsasamantalahan ng sistema ng lipunan.
Manggagawa ang lumilikha ng yaman ng bansa
Ito ang prestihiyosong pagkilala sa lahat ng mga manggagawa. Sinasabi na kung wala ang mga manggagawa, alang lilitaw na mga nagtataasang gusali, mga naggagandahang landmark, mga tulay at kalsada, walang maisusuot na damit, at hindi makakain kahit pa ang pinakamayamang tao sa mundo. Dahil ang manggagawa ang humahabi at tumatahi sa mga tela at nagtatanim at nag-aani ng pagkain ng mga mararangyang tao. Ngunit ang masaklap, hindi naaangkin ng mga manggagawa ang mga niyari at nilikha nila. Dahil ang lahat ng mga produktong gawa nila ay ibinebenta sa malaking halaga, na hindi kayang bilhin ng sahod ng mga manggagawa.
Mahalaga sa mga kapitalista ang kalidad at husay ng pagkakayari ng bawat produktong dinadala nila sa merkado. Katunayan kahit pa gumastos sila ng milyon-milyong piso para sa promotions at endorsements, balewala lamang sa kanila dahil limpak limpak na tubo ang babalik sa kanila. Pero kung bibisitahin at susuriin ang manggagawang maylikha nito, makikita ang kaawa-awang kalagayan nito.
Pangunahin ang mababang sahod na hindi sapat sa living wage, hindi magandang kundisyon ng lugar na pagawaan, walang katiyakan sa kalusugan at iba pang health benefits, lalo na sa mga manggagawang kababaihan, walang security of tenure o kasiguruhan sa trabaho lalo na mga manggagawang kontrakwal. Panggigipit ng kapitalista o harassment sa pag-uunyon. Lahat ng ito ay ipinagbabawal sa itinadhanang mga batas paggawa. Ngunit sa aktwal na nagaganap, kaylanman ay hindi ginagarantiyahan ng gobyerno ang anumang nakasulat na proteksyon sa mga karapatan ng manggagawa. Bagkus sinasalaula pa ng gobyerno ang mga sagradong batas na pinag-ukulan ng dakilang layunin bilang makatao at may pagpapahalaga sa buhay ng tao.
Katunayan, nauso ang moratorium ng CBA (PAL), pagbawi sa desisyon ng Korte Suprema na dati’y pumapabor sa mga mangagawa ng Philippine Airlines, pagluluwag sa labor-only contracting, pang-aabuso sa paggamit ng assumption of jurisdiction (AJ) at kung anu-ano pang panggigipit sa manggagawa na gamit ang kapangyarihan ng estado.
Ngunit ang nagdudumilat na katotohanang miserable ang kalagayan ng mayorya ng manggagagawa, bakit hindi nila ito makita? Patuloy pa rin silang nagtitiis sa pagsasamantala at pang-aabuso ng mga kapitalista? Patuloy pa rin silang nangunguyapit sa sistema, na pinagtutulungan pa ng gobyerno at mga ganid na kapitalista na ihambalos sa mga kaawa-awang manggagagawa.
Ano ang nararapat gawin upang kumilos at maghangad ng pagbabago ang mga manggagawa?
Maraming balakid sa hinahangad na pagbabago, isang matindi rito ay kapag inatake ng kalam ng sikmura at pakalmahin ang galit ng masa sa pamamagitan ng pananalig na ito ay isang normal lamang na pangyayari sa mga pagsubok ng maylikha.
Totoong mahirap kumilos at magnasa ng isang pagbabago sa hindi tiyak na kaganapan. At matagal nang alam ang sagot o susi sa pagbabago ng lipunan – ang pagkakaisa ng mga manggagawa na itirik ang produksyon, ang pagkakaisa ng masa na agawin ang poder ng estado. Ngunit paano ba ito gagawin? Matagal nang nakita ng mga manggagawa at masa ang kanilang mga sarili na nasa abang kalagayan. Samantalang ang mga mayayaman ay lalong yumayaman dahil sa dugo at pawis ng masa at mga manggagawa. Maunawaan ng mga manggagawa na walang kikilos at tutulong sa kanila kundi mismong sarili nila. Pag-oorganisa ng mga abante at tunay na mulat na organisador sa manggagawa at masa na may kaakibat na pangngalaga sa responsibilidad at tungkulin biilang organisador. Lumikha ng isang sining sa mga kampanya laban sa kapitalismo at maipakita ang lipunang hinahangad natin, ang sosyalismo sa paraang ito ay hindi imahinasyon lamang kundi tunay na magaganap.
Tuwing Mayo Uno, ginugunita ang araw ng manggagawa, at hihimay-himayin muli ang mga kahilingan sa gobyerno na malaon na nating alam na bingi at nagmimistulang inutil ang lahat ng mga naghahalinhinang mga pinuno ng bansa. Ito ay labanan ng uri, kaya iguhit na natin ang hukbo ng manggagawa at masa laban sa mapang-api at mapagsamantalang mga burgis at elitista. Patunayan natin na ang tunay na demokrasya ay ang kagalingan para sa higit na nakakarami.
* Si Lorena "Ohyie" Purificacion ay isang manunulat, makata, at lider-manggagawa. Dati siyang pangulo ng unyon ng mga manggagawa ng Noritake sa Marikina.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento