PAHAYAG NG PANININDIGAN
LABAN SA KONTRAKTUWALISASYON
Kaming
mga Pangulo ng Unyon, mga opisyales at mga lider-manggagawa buhat sa
iba’t-ibang linya ng industriya dito sa pambansang punong lungsod na
natitipon sa makasaysayang araw na ito, ay buong pagkakaisang
nagpapahayag ng mga sumusunod;
Na,
kinikilala namin na isang malaking problemang kinakaharap ng mga
manggagawa ang patuloy na paglaganap ng kontraktuwal na pag-eempleyo sa
bansa;
Na,
ang kontraktuwalisasyon ang sa kasalukuyan ay pinakamasahol na anyo ng
pagsasamantala sa mga manggagawa sa kabila ng yaman at kaunlarang ating
nalikha at nai-ambag sa bansa;
Na,
naniniwala kaming sa sama-samang lakas ng mga manggagawang organisado
sa mga unyon mas epektibong maipahahayag ang pagtutol sa patuloy na
pananalasa ng kontraktuwalisasyon sa kabuhayan at karapatan ng mga
manggagawang Pilipino;
Na,
umaasa kaming mga nakalagda na sa pamamagitan ng inisyatibang ito na
abutin ang pinakamalaking bilang ng mga unyon sa pamamagitan ng mga
Pangulo nito ay maibabalik ang kumpyansa ng mga manggagawa na ipaglaban
ang mga karapatang ipinagkait ng kasalukuyang sistema ng pag-eempleyo sa
bansa;
Na,
nakahanda kaming pansamantalang isantabi ang anumang apilyasyon sa
anumang sentro, pederasyon at/o anumang pormasyong aming kina-aaniban
upang tiyakin na maisusulong hanggang tagumpay ang laban ng mga
manggagawa kontra sa salot ng iba’t-ibang porma ng kontraktuwalisasyon;
Na,
nakahanda kami na pahigpitin pa ang aming pagkakaisa bilang mga Pangulo
ng Unyon at mga indibidwal na lider upang pangunahan ang pakikipaglaban
para sa proteksyon sa kabuhayan at karapatan ng masang kasapian.
Na,
patuloy kaming magsisikap upang gawing matatag ang aming mga unyon
upang makatugon sa mga kakaharaping pagkilos laban sa
kontraktuwalisasyon ngayon at sa darating pang mga panahon;
Na,
simboliko kaming lumagda sa pahayag na ito bilang patunay ng aming
patuloy na pagyakap sa interes ng manggagawang aming kinakatawan sa
partikular at ng buong uring manggagawa sa pangkalahatan.
UNION PRESIDENTS AGAINST CONTRACTUALIZATION (UPAC)
February 19, 2013
Quezon City
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento