Sabado, Agosto 30, 2025

SMARTER na pagpaplano

SMARTER NA PAGPAPLANO

Specific - tiyak ang plano, detalyado
Measurable - nasukat kung kayang matupad
Attainable - kayang abutin ang adhika
Realistic - makatotohanan sa gawa
Time-bound - kayang gawin sa panahong tinakda
Evaluate - pagtatasa ng mga nagawa
Reward - natamong tagumpay ang gantimpala

Siguraduhing plano'y tapat sa layunin
Magkaisa ang pamunua't myembro natin
Aktibidad ay sama-sama nating gawin
Reklamo'y sinusuri't agad lulutasin
Tutok sa detalye't pinag-usapang sadya
Ebalwasyon sa kalagaya'y ginagawa
Respeto't makipagkapwa'y di nawawala

- gregoriovbituinjr.
08.27.2025

* litrato mula sa google

Miyerkules, Agosto 27, 2025

Soneto sa PANTHER

SONETO SA PANTHER

Participation - lumalahok ang bawat kasapian
Accountability - bawat isa'y may pananagutan
Non-discrimination - walang sinuman ang naiiwan
Transparency - walang tinatago sa masa't samahan
Human dignity - paggalang sa dignidad ng sinuman
Empowerment - pagsakapangyarihan ng mamamayan
Rule of law - iginagalang ang mga batas ng bayan

Pagpaplano ng samahan upang kamtin ang layunin
Ay ginagawa ng seryoso't pananagutan natin
Nangangarap ng makataong lipunang dapat kamtin
Tagumpay ng samahan ay lagi nating iisipin
Habang hindi pinababayaan ang pamilya natin
Edukasyon ng bawat kasapi ay ating planuhin
Respeto sa batas at sa bawat isa'y ating gawin

- gregoriovbituinjr.
08.27.2025

* ang soneto ay tulang may sukat at tugma, at binubuo ng 14 pantig bawat taludtod
* ang PANTHER ay isa sa mga prinsipyo ng karapatang pantao

Lunes, Agosto 25, 2025

Sa pambansang araw ng mga bayani

SA PAMBANSANG ARAW NG MGA BAYANI

di lang sina Jacinto, Andres, Luna't Rizal
ang mga bayaning dapat nating itanghal
sa kasalukuyan, maraming mararangal
na kaylaking ambag sa bayan, nagpapagal

kayraming bayaning mga walang pangalan
na talaga namang naglingkod din sa bayan
uring manggagawa at taong karaniwan
sa bawat bansa'y tagapaglikha ng yaman

nariyan ang mga mangingisda, pesante
nariyan ang ating mga ina, babae
aktibista muna bago naging bayani
ngunit di ang mga pulitikong salbahe

ang mga O.F.W. ay bayani rin
na remittances ang ambag sa bayan natin
di man sila kilala'y dapat ding purihin
na mga inambag ay di dapat limutin

ang uring manggagawa ang tagapaglikha
nitong ekonomya't mga yaman ng bansa
mangingisda't magsasaka'y tagapaglikha
nitong mga pagkain sa hapag ng madla

sa lahat ng mga bayani, pagpupugay!
tunay na magigiting, mabuhay! Mabuhay!
nagawa ninyo sa bayan ay gintong lantay
na sa pamilya't bayan ay ambag na tunay

- gregoriovbituinjr.
08.25.2025

Sabado, Agosto 23, 2025

Sa Buwan ng Kasaysayan

SA BUWAN NG KASAYSAYAN

patuloy lamang tayong magbasa
ng mga aklat sa kasaysayan
baka may mabatid pa ang masa
na nakatago pang kaalaman

tara, mandirigma't magigiting
o makabagong Katipunero
panlipunang sistema'y aralin
bakit ang daigdig ay ganito

mga digmaan ay anong dami
nais manakop ng ibang bansa
bakit may mga bansang salbahe
nangapital versus manggagawa

asendero versus magsasaka
pananakop versus tamang asal
elitista't mga dinastiya
versus masang kanilang nasakal

kasaysayan ay di lang si Andres
Bonifacio o Rizal, bayani
kundi pati masang ginagahis
sinasamantala't inaapi

dapat lamang baguhin ang bulok
na sistema, kaya pag-aralan
ang kasaysayan ng nasa tuktok
ng gumagawa't nasa laylayan

- gregoriovbituinjr.
08.23.2025

Biyernes, Agosto 22, 2025

Free! Free Palestine!

FREE! FREE PALESTINE!

"Mula ilog hanggang dagat 
lalaya rin ang Palestine!"
panawagan itong sukat
niyong laya ang mithiin

ang lupaing Palestinian
ay inagaw ng Israel
sinakop ng mapanlinlang
at buhong na mapaniil

Palestino'y itinaboy
sa sarili nilang lupa
dugo nila'y isinaboy
dyenosidyo'y sadyang banta

Free! Free Palestine! ang hiyaw
ng Pilipino tulad ko
pagkat animo'y balaraw
ang itinarak ng Hudyo

sa kanilang mga dibdib
umalingasaw ang dugo
sugat man ay di maglangib
sa laya sana tumungo

- gregoriovbituinjr.
08.22.2025

* litratong kuha noong Agosto 21, 2025
* salamat sa kasamang kumuha ng litrato

Huwebes, Agosto 21, 2025

Munting aklat ng salin

MUNTING AKLAT NG SALIN

di pa ako umaabot na magpalimos
kaya nagbebenta ng munting gawang aklat
pultaym na tibak ay pulos diskarteng lubos
danas man ay hikahos, nakapagmumulat

bagamat paghihinagpis pa rin ay dama
sa pagkawala ng natatanging pag-ibig 
patuloy ang pagkilos at pakikibaka
sa kabila ng pagkatulala't ligalig 

maubos sana at mabasa rin ng bayan
ang munti kong aklat ng mga isinalin
kong tula ng mga makatang Palestinian
bilang ambag upang lumaya ang Palestine

mula sa kuko ng buhong na mananakop
nag-ala-Nazi sa inagawan ng lupa
Palestino'y inapi, Hudyo'y asal hayop
upang buong lahing Palestino'y mapuksa

mula ilog hanggang dagat ay lalaya rin
ang Palestine mula sa bawat paniniil
kuha na kayo ng aklat kong isinalin
habang umaasang dyenosidyo'y mapigil

- gregoriovbituinjr.
08.21.2025

* kinatha sa anibersaryo ng Plaza Miranda bombing at pagpaslang kay Ninoy sa tarmak

Linggo, Agosto 17, 2025

Necessary o necessity, sa RA 12216 (NHA Act of 2025)

NECESSARY O NECESSITY, SA RA 12216 (NHA ACT OF 2025)

Nagkakamali rin pala ng kopya ang nagtipa ng batas na Republic Act 12216 o National Housing Authority Act of 2025. Necessary ba o necessity ang tama?

Sa kawing na:https://lawphil.net/statutes/repacts/ra2025/ra_12216_2025.html, nakasulat ay: That the Authority shall have the power to summarily eject and dismantle, without the NECESSARY of judicial order...

Habang sa kawing na: https://lawphil.net/statutes/repacts/ra2025/pdf/ra_12216_2025.pdf, nakasulat naman ay: That the Authority shall have the power to summarily eject and dismantle, without the NECESSITY of judicial order...

Kapwa ito matatagpuan sa Seksyon 6, numero IV, titik d, ikalawang talata (Section 6, number IV, letter d, second paragraph).

Napakatinding probisyon pa naman ito pagkat ang probisyong ito ang pinag-uusapan ng mga maralita na tatama sa kanila, lalo na yaong mga nasa relokasyon na hindi nakakabayad sa NHA. Alin ba ang tama: necessary o necessity?

Una kong nakita at nabasa ang naka-pdf file, subalit dahil mahaba upang kopyahin upang ilagay sa polyeto, discussion paper, o diyaryo ng samahan, naghanap pa ako sa internet ng mismong teksto nito, kaya nakopya ko (cut and paste) ay yaong may NECESSARY, imbes na yaong may NECESSITY. Mabuti na lang at napansin ko.

Para kasing barok na Ingles ang "without the NECESSARY of judicial order", na kung ito ay tama, dapat ay "without the NECESSARY judicial order," wala nang "of".

Bagamat halos magkapareho ng kahulugan pag isinalin sa wikang Filipino, "nang hindi KINAKAILANGAN ng kaayusang panghukuman", mas maganda pang basahin at maliwanag ang grammar o balarila ng pariralang "without the NECESSITY of judicial order".

Kaya ang gamitin po natin, o basahin natin ay yaong naka-pdf file na talagang may pirma ng pangulo sa dulong pahina. Palagay ko, mas ito ang tama.

- gregoriovbituinjr.
08.17.2025