Biyernes, Mayo 2, 2014

SWAC - Solidarity of Workers Against Contractualization

Mayo 1, 2014 - Dumalo sa unang pagkakataon sa paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa ang mga kasapi, tagasuporta at tagapagtaguyod ng SWAC o Solidarity of Workers Against Contractualization. Sila'y nagmartsa mula Welcome Rotonda hanggang Mendiola.

Layunin nilang organisahin ang mga manggagawang kontraktwal na pinahihirapan ng salot na sistema ng kontraktwalisasyon, na imbes na maging regular ang mga manggagawa ay umiiwas ang mga kapitalista't may-ari ng kompanya sa pagbibigay ng benepisyo sa kanilang mga manggagawa.

Para sa anumang katanungan hinggil sa SWAC, mangyaring makipag-ugnayan sa telepono blg. 4345478, at hanapin si Gie Relova.

Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.


Martes, Abril 22, 2014

Ang Guro at ang Araw ng Paggawa - ni Ramon B. Miranda


Ang Guro at ang Araw ng Paggawa
ni Ramon B. Miranda

Mayo Uno – Ang Pandaigdigang Araw ng mga Manggagawa sa buong mundo. Sa tuwing sasapit ang araw na ito, milyun-milyong manggagawa sa buong daigdig ang naglulunsad ng mga iba't ibang aktibidades upang ipagdiwang ang araw na ito. Ilan sa mga ito ay ang pagsasagawa ng rali, kilos-protesta, dayalog at marami pang iba.

Bakit nga ba ipinagdiriwang ang araw na ito? Ayon sa pananaliksik ng mga eksperto sa paggawa, ginugunita sa araw na ito ang mga sakripisyo ng mga martir na manggagawang namatay sa Haymarket Square sa Chicago nang magsagawa sila ng isang sama-samang pagkilos noong Mayo 1886 para ipaglaban ang pagsasabatas ng walong oras na paggawa. 

Naging inspirasyon ng mga manggagawa sa buong daigdig ang pagkilos na iyon upang mapababa sa walo ang oras paggawa na dati-rati’y umaabot ng labingdalawa (12) o mahigit pa noong nakaraang mga panahon. 

Dito sa Pilipinas, pinangunahan ng Union Obrera Democratica de Filipinas ang unang pagdiriwang ng Mayo Uno na nilahukan ng 100,000 manggagawang Pilipino mula sa iba’t ibang pagawaan.

Sa ating mga kaguruan, nararapat din bang makiisa tayo sa pagdiriwang ng Araw ng Paggawa? Maraming mga guro ang nagsasabing hindi naman daw sila manggagawa, bakit sila makikiisa sa pagdiriwang ng Araw ng Paggawa? Ayon pa sa kanila, may sariling laban ang guro na kaiba sa laban ng mga manggagawa. Ilan lamang ito sa mga kadahilanan kung bakit ang ilang mga guro ay napakakunat ng paglahok sa pakikibaka ng uring manggagawa.

Bilang mga guro, nararapat lamang tayong lumahok sa pagdiriwang ng Araw ng Paggawa sapagkat tayong mga guro ay nabibilang din sa uring manggagawa. Bilang paglilinaw, ang mga manggagawa ay walang pribadong pag-aari sa kasangkapan sa produksyon upang makalikha ng iba’t ibang produkto na kailangan niya at ng sangkatauhan. Wala siyang pag-aari kundi ang kanyang sariling lakas na ibinebenta upang magtrabaho sa mga nagkalat na pagawaan. Sa pamamagitan ng pagbebenta ng kanyang pag-aaring lakas-paggawa, binibigyan naman siya ng kapitalista ng bayad na kung tawagin ay sahod na siyang ginagamit niya sa kanyang pang-araw-araw na pangangailangan upang mabuhay.  

Katulad ng mga manggagawa, ang mga guro ay walang pribadong pag-aari tulad ng paaralan o iba't ibang institusyon na may kinalaman sa edukasyon. Ang tanging pag-aari natin ay ang ating kaalaman sa pagtururo upang humubog ng mga mag-aaral para maging mabuting mamamayan sa hinaharap. Ang kaalamang ito ang ating ibinibenta sa mga naglipanang may-ari ng mga paaralan o pamantasan sa ating bansa. Ang tanging hinihingi nating kapalit sa pagbebenta ng kaalaman ay ang tinatawag na sahod. Ano ngayon ang kaibahan natin sa manggagawa? Hindi ba’t kabilang din tayo sa uring manggagawa?

Ang mga manggagawa at mga guro ay nagpapagod at nagpapawis upang mabuhay bilang tao. Kung ikaw ay may-ari ng isang pagawaan, hindi ka na manggagawa, ang tawag na sa iyo ay kapitalista. Kung ikaw ay isang guro na nagmamay-ari ng isang paaralan o pamantasan, ang tawag rin sa iyo ay kapitalista. Maaring mabibilang lang sa daliri ang mga kapitalisang edukador na nagtuturo sa paaralan o pamantasan sa dahilang ang tanging layunin ng kapitalista ay paghahangad na lumaki ang kanyang tubo. 

Ngunit lagi’t lagi nating tatandaan, “Mawawala ang kapitalista pero ang manggagawa kailanma’y hindi mawawala. Mawawala ang mga kapitalistang edukador ngunit ang mga guro ay mananatili.”

Tayong mga guro ay may kaparehong laban sa katulad nang nangyayari sa hanay ng mga manggagawa. Kung inyong matatandaan, naipanalo nating mga guro ang laban sa 6 Hours Teaching Load na dati-rati’y umaabot sa 8 oras at umaabot pa ng 12 hanggang 16 na oras, lalo na ang mga nagtuturo sa mga probinsiya. Manipestasyon lamang ito na hindi tayo hiwalay sa laban ng manggagawa dahil aminin man natin o hindi, tayo ay nabibilang sa “Uring Manggagawa”.

* Si Ginoong Ramon B. Miranda ay guro, makata at manunulat. Siya ay guro sa Arellano High School sa Doroteo Jose St., sa Sta. Cruz, Maynila. Isa rin siya sa mga opisyal ng pambansang grupong Teachers Dignity Coalition (TDC), at isa sa mga haligi ng AtingGuro Partylist.

Huwebes, Abril 17, 2014

Forum ng manggagawa hinggil sa ASEAN Economic Integration, inilunsad sa Marikina

Inilunsad ng WFTU - Phils (World Federation of Trade Unions - Philippine chapter) ang isang napakahalagang pulong-talakayan (forum) hinggil sa ASEAN Economic Integration (AEI) na ginanap sa Shoe Hall ng Marikina City Hall nitong Abril 15, 2014, araw ng Martes, mula ika-3:00 ng hapon hanggang ika-7:00 ng gabi. Ang mga pangunahing tagapagsalita ay sina Ka Sonny Melencio, pangulo ng Partido Lakas ng Masa (PLM), at Ka Rasti Delizo ng Sanlakas. Ang tagapagpadaloy naman ng nasabing pulong-talakayan ay si Ka Leody de Guzman ng BMP. Dumalo rito ang mga kinatawan ng iba't ibang grupong kasapi ng WFTU sa Pilipinas, tulad ng BMP (Bukluran ng Manggagawang Pilipino), Katipunan, NATU (National Alliance of Trade Unions), TUPAS (Trade Unions of the Philippines and Allied Services), Socialista, KASAMA, KUA (Kilusan ng Uring Anakpawis), Proletaryong Rebolusyonaryong Kilusan (PRK), at Cavite Group.

Nagbigay naman ng kanilang reaksyon o pananaw sina Ka Egay Bilayon ng PNR at pangulo rin ng ICLS (International Center for Labor Solidarity), Ka Raul ng Katipunan, Ka Danny ng PRK, Ka Blessy ng Socialista, Ka Josie ng PM, Ka Larry de Guzman ng Kasama-NCR, Ka Gerry Puyat ng KUA, at Ka Rodel Atienza ng BMP. Nagbigay naman ng mga makabagbag-damdaming awiting manggagawa ang grupong ChopSuey sa pangunguna nina Josie sa pag-awit at Ojie Tan sa pagtugtog ng gitara. Ang nag-isponsor naman ng meryenda ng mga dumalo ay ang Marikina Workers Affairs Office.

(Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.)

 

Sabado, Marso 8, 2014

Maikling Kwento sa Buhay at Pakikibaka ni Ka Romy Castillo


Maikling Kwento sa Buhay
at Pakikibaka ni Ka Romy Castillo

Mga kasama at Kapatid sa Paggawa,

Si Ka Romy Castillo, 62 taong gulang, biyudo (ang asawa’y pumanaw noong Disyembre 2012) at may 2 anak (isang babae at isang lalaki), taga-Escalante, Negros Occidental, ang kasalukuyang secretary general ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Noong 1987, naging manggagawa siya ng Philippine Blooming Mills Inc. na matatagpuan sa Brgy. Rosario, Pasig, Metro Manila. Noong 1979, naging bise president ng Philippine Blooming Mills Employees Union - National Federation of Labor Unions (PBMEU-NAFLU). Isa sa tagapagtatag ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang kanyang unyong pinamumunuan na may 2,600 kasapian noong Mayo Uno 1980 sa Araneta Coliseum. Nang taon ding iyon, naging chairman siya ng KMU Area 2 na sumasaklaw sa Mandaluyong, Pasig, Marikina at Rizal.

Isa siya sa 34 na mga opisyales at lider ng PBMEU na nagpasyang kumilos ng buong panahon sa Kilusang Paggawa nang ganap na magsara ang kanilang pabrika noong 1981. Aktibo niyang kinondena ang Arrest and Search Order (ASO), Preventive Detention Action (PDA) at crackdown ng pasistang diktadurang rehimen ni Marcos sa KMU noong Agosto 13, 1983.

Isa siya sa maraming lider-manggagawa na inaresto, kinulong ng pasistang rehimen ni Marcos noong Hulyo 1984. Siya at apat pang kasama (Antipolo 5) ay isa't kalahating taong ikinulong ng militar sa Camp Bagong Diwa matapos ang nakaririmarim na tortyur sa kanila. Sa loob ng piitan ay nakaranas siya ng iba’t ibang uri ng tortyur, tulad ng water cure, electric shock, at pagkuryente mismo sa kanyang ari na muntik na niyang ikabaog.

Nakalaya siya matapos ang EDSA People’s Power Uprising noong Pebrero 1986. Paglaya ay agad na siyang kumilos at natalaga bilang organisador at lider-manggagawa at ipinadala sa iba't ibang bansa, tulad ng Japan, Germany at Netherlands sa Europa para sa gawaing pakikipagkapatiran sa mga manggagawa / organisasyon ng mga manggagawa sa iba’t ibang bansa sa Europa.

Pagbalik niya sa Pilipinas ay aktibong kumilos bilang kasapi ng KMU Central Committee. At noong 1989 ay nahalal siya bilang chairman ng KMU National Capital Region (KMU-NCR) chapter.

Noong 1992-93, sa panahon ng panloob na tunggaliang pang-organisasyon sa KMU na humantong sa split ng KMU-NCR chapter sa KMU-national ay tumindig siya sa tama at totoo! At nanawagan siya ng pagtatakwil sa mga Maoista at Stalinista. Naging Founding Chairman siya ng BMP sa Konggreso ng Pagtatatag nito noong Setyembre 14, 1993 sa Ultra, sa Lungsod ng Pasig. Nanungkulan siya bilang Chairman ng Bukluran ng Manggagawa para sa Pagbabago (ang dating ibig sabihin ng BMP) hanggang 1996.

Muli siyang natalaga sa Labor International Work para ilinaw sa mga organisasyon ng mga manggagawa sa iba’t ibang bansa ang Kritik sa Globalisasyon at paninindigan ng BMP laban sa Asia Pacific Economic Forum (APEC) at Globalisasyon (ang patakarang liberalisasyon, deregulasyon, pribatisasyon at labor flexibility) at panawagang SLAM APEC. Depensahan ang Uri, Ipaglaban ang Bayan! Ang Laban ng Bayan ay Laban ng Uri! No to Agression in East Timor! Peace, Not War!

Aktibo din siya sa kampanya at pakikibaka para sa dagdag sahod ng mga manggagawa at pagtatayo ng Lawin-35, Kilusang Roll Back (KRB) at electoral na mga pakikibaka at pagtatayo ng Partido ng Manggagawa (PM). Kampanya laban sa dayaan, pagpapatalsik kay GMA, at panukalang pagtatayo ng transitional government noong 1998-2006. Pakikibaka ng mga manggagawa ng TEMIC, BLTB, PALEA at MERALCO. Nanawagan ng hustisya laban sa patraydor na pagpaslang sa chairman ng BMP na si Ka Popoy Lagman matapos ang EDSA Dos o kudeta ni GMA kay Erap at kasagsagan ng paghahanda ng Kongreso ng PM noong Pebrero 12, 2001. Nahalal siya rito na myembro ng Central Committee ng PM.

Hunyo 2011 nang magtungo si Ka Romy sa Malaysia bilang bisita ng Parti Sosialis Malaysia (PSM). Naging kinatawan siya roon bilang secretary general ng Partido Lakas ng Masa (PLM).  Pauwi na siya sa Pilipinas noong Hunyo 30 nang siya ay kinuha sa airport at ikinulong ng ilang araw ng Malaysian Government kasama ang 30 pang aktibistang Malaysian. Napalaya siya noong Hulyo 7, 2011 at agad na pinabalik sa Pilipinas.

Si Ka Romy ay magaling na tagapagsalita sa entablado, magaling tumangan ng pulong, hindi diktador, tinitiyak niya na nakakapagsalita ang lahat ng panid, at pinakamahalaga ay ang pagtitiyakniya na ang demokrasya ang nangingibabaw, hindi ang brasuhan, palakasan ng boses (literal) at panggagapang sa mga decision maker. Tunay siyang maginoo at magaling na lider.

Nang buhayin at paaktibuhin ng DOLE ang Tripartismo noong 2007 at nang magpasya ang BMP na magpadalo ng kinatawan dito, siya ang itinalagang opisyal na kinatawan ng BMP sa NTIPC hanggang sa kasalukuyan. Hindi na nga lamang siya nakakadalo sa mga patawag na meeting ng NTIPC dahil sa kanyang karamdaman sa kasalukuyan.

Nahalal si Ka Romy bilang secretary general ng BMP sa ginanap na ika-6 na Kongreso nito noong Nobyembre 26-27 2011 sa Calamba, Laguna.

Si Ka Romy ay dinapuan ng kanser sa baga. Nang madiskubre ay Stage 4 na. Nagpapa-chemo theraphy siya ngunit magastos. Baka sakaling siya'y mailigtas. Kaya kailangan niya ng tulong ng sinuman.

Ang BMP ay maglulunsad ng Benefit Concert para sa kanya sa Marso 9, 2014 sa General Trias, Cavite at sa Marso 17, 2014 sa Homer's Restaurant sa Lungsod Quezon. Sa mga nagnanais tumulong at makakuha ng tiket para sa konsyerto, mangyaring kontakin si Tina sa BMP ofc sa hatinig blg. 436-4307.

(Ito'y pinagsamang detalye mula kina Ka Ronnie Luna, Ka Gem de Guzman at Greg Bituin Jr.)

Miyerkules, Marso 5, 2014

Piket sa Embahada ng Malaysia, Isinagawa ng mga Manggagawa

PIKET SA EMBAHADA NG MALAYSIA, ISINAGAWA NG MGA MANGGAGAWA

Naglunsad kanina ng piket sa harapan ng Malaysian Embassy ang grupong BMP, kasama ang mga grupong Socialista, Kasama at Katipunan bilang protesta sa umano'y panggigipit sa NUBE (National Union of Bank Employees) sa Malaysia. Nanawagan sila sa Prime Minister ng Malaysia na igalang ang karapatan ng mga manggagawa, lalo na ang mga kasapi ng NUBE. Ang BMP, Socialista, Kasama at Katipunan ay pawang mga kasapi sa WFTU (World Federation of Trade Unions). (Ulat at litrato ni Greg Bituin Jr.)









Martes, Marso 4, 2014

BMP at NAGKAISA, Nagpiket sa ERC

BMP AT NAGKAISA, NAGPIKET SA ERC

Marso 4, 2014, Martes - Nagpiket ang iba't ibang grupo ng manggagawa sa ilalim ng koalisyong NAGKAISA sa harapan ng tanggapan ng Energy Regulatory Commission (ERC) upang iprotesta ang dagdag na namang singil sa kuryente. Nagprotesta ang grupong BMP, APL, SENTRO, PM, PALEA, KPML, PLM, GPNAI at iba pa upang ipakita ang galit ng manggagawa at maralita sa panibago na namang pahirap sa masa. Dumating din doon si Akbayan Party list rep. Walden Bello. Bago matapos ang piket ay nagsagawa sila ng die in o paghiga sa kalsada habang kanilang isinisigaw na ibaba na ang presyo ng kuryente at baguhin na ang pamamalakad sa ERC. (Ulat at litrato ni Greg Bituin Jr.)








Biyernes, Nobyembre 8, 2013

NAGKAISA Statement - Pork Barrel Regime a bane to Filipino workers

NAGKAISA Statement
November 7, 2013

Contact Persons: 
Leody De Guzman (BMP) – 09205200672 
Joshua Mata (APL) – 09177942431

Pork Barrel Regime a bane to Filipino workers

Official numbers and figures tell no lies—pork barrel, which include the Palace's Special Purpose Fund (SPF) and Congress' Priority Development Assistance Fund (PDAF)--has reached all-time highs under the administration of President Benigno Aquino III. SPF, which are funds under the discretion of Mr. Aquino, is set to be pegged at more than P400 billion in 2014 and out of that, PDAF will be pegged at P25 billion.

The public coffer is overflowing with money, yet this huge amount of money is spent upon the discretion of whoever sits in Malacanang, with no transparency and direct engagement with the people in determining government projects. Such ill-transparency and fiscal dictatorship is ridiculously upheld through Mr. Aquino's Disbursement Acceleration Program (DAP), a rip off from former dictator Marcos' decree (PD 1177 of 1977) which seeks to fast track government spending, but again, under the discretion of one person that is the President, making him the chef of quick fry pork.

This has been the system in past administrations, and this, in the eye of Filipino workers, is the legacy of Mr. Aquino—the leader of the current Pork Barrel Regime fueled by the undemocratic spending of our hard-earned money.

With Mr. Aquino defending and upholding the pork barrel system in his nationally televised public address, and with him hitting anti-pork groups, we in Nagkaisa—the biggest labor coalition in the Philippines—join in the people's call of scrapping ALL forms of pork barrel which, as government records show, is a major source of corruption in government.

We also the demand the filing of criminal cases against all government officials who have benefited, directly or indirectly, from the pork barrel. Justice and law enforcement must know no influence or position, and it must be dispensed without delay. Officials who determine the budget under the current system, such as Budget secretary Florencio Abad, Senate President Franklin Drilon, and House Speaker Sonny Belmonte must also be held accountable for crafting pork-filled budgets.

Instead of a Pork Barrel Regime, we want a government built upon genuine democracy, wherein working Filipinos who automatically pay their taxes are engaged in budgeting and policy making. Such participative budgeting system, in our view, is a major step toward combating corruption.

Finally, we in Nagkaisa demand the government to allocate our money, in the most transparent and democratic way, to social services and real jobs creation especially since the Filipino worker is getting poorer due to contractual labor and small wage.

Scrap all pork! Filipino workers, unite for a democratic, transparent, and accountable government! ###

NAGKAISA is the broadest coalition of labor groups in the Philippines to date composed of labor centers, federations and national unions, which include the Alliance of Filipino Workers (AFW), affiliates of the Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), members of SENTRO, Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Confederation of Independent Unions in the Public Sector (CIU), Federation of Free Workers (FFW), Manggagawa para sa Kalayaan ng Bayan (MAKABAYAN), National Federation of Labor Unions (NAFLU), National Mines and Allied Workers’ Union (NAMAWU), National Confederation of Labor (NCL), Philippine Airlines Employees Association (PALEA), Philippine Government Employees Association (PGEA), Partido ng Manggagawa (PM), Public Services Labor Independent Confederation (PSLINK), Philippine Transport and General Workers Organization (PTGWO), Technical Education and Skills Development Authority-Association of Concerned Employees (TESDA-ACE).