Lunes, Mayo 21, 2012

Kamayan Forum: Manggagawa at Kalikasan

KAMAYAN FORUM: MANGGAGAWA AT
KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Malaki ang magagawa ng uring manggagawa para malutas ang pagkasira ng kalikasan sa buong mundo. Ito ang buod ng naganap na talakayan hinggil sa kalikasan sa isang forum kung saan ang tagapagsalita'y mga kinatawan ng manggagawa.

Inilunsad nitong Mayo 18, 2012 ang ika-267 sesyon ng Kamayan para sa Kalikasan Environment Forum sa Kamayan Saisaki Edsa, malapit sa SEC sa Ortigas. Ang paksa ay Labor and Environment, kaya ang mga naimbitahang mga tagapagsalita ay mga lider ng mga organisasyong may kinalaman sa manggagawa at sa paggawa. Nasa ika-23 taon na ang forum na ito, na nagsimula noon pang Marso 1990, at nagpupulong ng tatlong oras tuwing ikatlong Biyernes ng bawat buwan, mula ika-11 ng umaga hanggang ikalawa ng hapon. Fully-sponsored ito ng Triple V na siyang may-ari ng Kamayan Saisaki Restaurant. Sa loob ng 23 taon, tuluy-tuloy na nagtalakayan dito ang iba't ibang indibidwal at grupo hinggil sa usaping pangkapaligiran at pangkalikasan. Pinangunahan ito ng CLEAR (Clear Communicators for the Environment), SALIKA (Saniblakas ng mga Aktibong Lingkod ng Inang Kalikasan), at nitong huli'y ng Green Convergence. Ang ika-267 sesyon ng forum na ito ang ikalawang talakayang hinawakan ng Green Convergence, mula nang sila'y mag-take over noong Abril.

Lima ang naimbitahang tagapagsalita para sa paksang Labor and Environment. Ito'y sina Teody Navea, kinatawan ng manggagawa sa Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), Ka Romy Castillo na ikalawang pangkalahatang kalihim ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Larry Pascua na siyang pangkalahatang kalihim ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Transportasyon (PMT), Val Vibal ng Alyansa ng Manggagawa sa Agrikultura (AMA), at Ding Manuel ng child rights program ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod - National Capital Region-Rizal (KPML-NCRR) na siyang nagtalakay hinggil sa Child Labor and Environment.

Ang limang iyon ay inimbitahan ng inyong lingkod, nang mag-text si Gng. Marie Marciano ng siyang main moderator doon na ang paksa para sa Mayo 18 ay Labor and Environment, at kailangan nila ng speakers. Kaya agad ko namang kinumbida ang lima. Talagang sinadya ko pa ang mga tagapagsalita sa kani-kanilang tanggapan at kinausap thru text at telepono upang matiyak ang kanilang pagdating. Bago ito, noong Abril 20, sa ika-266 sesyon ng Kamayan Forum, iminungkahi ko sa mga moderator nito na dahil Mayo, at Daigdigang Araw ng Paggawa tuwing Mayo Uno, imbitahan ang mga manggagawa upang magsalita hinggil sa kalikasan. Pag-uusapan daw nila. At makaraan ang dalawang linggo, tinext ako ni Ate Marie na Labor and Environment ang main topic at ako ang naatasang magkumbida ng mga tagapagsalita.

Tatlo lamang ang nakarating na speaker. Umatras si Larry Pascua at nag-text siya sa akin na kasabay daw ito sa biglang patawag na pulong ng Executive Committeee ng PMT. Di naman nagkaintindihan sa text kay Val Vibal, dahil ang ginamit ko sa text ay yung chikka sa internet, imbes na load. Wala kasi akong pambili ng load ng mga panahong iyon, at hirap din kung saan makakakuha ng pamasahe papunta sa venue. Buti na lang at kasama ko ang dalawang speaker.

Maagang dumating sa venue ang tatlong speaker. Agad naming isinet-up ni kasamang Ding ang LCD projector at ang laptop para sa powerpoint presentation. Maya-maya'y dumating na ang mga tagapagpadaloy ng programa (moderator) nito na sina Marie Marciano at Noemi Tirona ng Green Convergence.

Sinimulan ang pulong ng ganap na alas-onse ng umaga. Nagsimula ito sa panalangin at sumunod doon ay  ang pambansang awit ng Pilipinas. Ang mga nasa harapan o lamesa ng mga speakers ay sina Prof. Nina Galang ng Environmental Science Institute ng Miriam College at pangulo ng Green Gonvergence, si Teody Navea, si Marie Marciano na siyang main moderator, si Ka Romy Castillo at si Ding Manuel.

Bago ipinakilala ng main moderator ang tatlong tagapagsalita, ipinaliwanag muna niya ang takbo ng tatlong oras na talakayan. Sa unang bahagi, tatalakayin ng mga tagapagsalita ang paksa. Sa ikalawang bahagi, iikot naman ang mikropono sa mga dumalo at nakinig sa mga tagapagsalita, kung saan magbibigay sila ng mga kuro-kuro hinggil sa mga tinalakay ng tagapagsalita, magmungkahi at magtanong. Sa ikatlong bahagi, babalik ang mikropono sa mga tagapagsalita upang sagutin ang mga komento at katanungan sa kanila, kasabay ng pagbibigay ng buod ng main moderator sa naganap na buong forum.

Unang nagtalakay si Teody Navea hinggil sa PMCJ, at ang katatapos lang na asembliya ng PMCJ kung saan siya ay nahalal bilang labor representative. Nabanggit din niya ang bagong buong grupo na pinagsamahan ng iba't ibang organisasyon at pederasyon ng mga manggagawa, ang NAGKAISA, na lumabas sa kalsada noong Araw ng Paggawa, Mayo 1, 2012, sa Mendiola. Sinabi rin ni Teody na mahalaga ang papel ng manggagawa, lalo na sa malalaking grupo tulad ng PMCJ, na nangangampanya para sa climate justice o hustisya sa klima. Nagkomento rin si Teody hinggil sa panukalang Green Jobs ng International Labor Organization.

Sumunod na nagtalakay si Ding Manuel ng KPML-NCRR. Dalawang bahagi ang ginawa niyang presentasyon. Ang unang bahagi ay ipinakita niya ang video kung saan naapektuhan ng bagyong Pedring ang tahanan ng mga batang manggagawa, at pagkakaroon ng 11 evacuation centers na pawang mga basketball courts. Ayon sa video, mahalagang magtulungan ang mga maralita, lalo na sa ganitong mga naganap na kalamidad, na may pag-asa pa, at sa dulo ng video ay ipinakilala ang isang bisyon ng KPML, ang pagkakaroon ng isang Village of Hope kung saan ang lahat ng mamamayan ay nagtatamasa ng kanilang karapatan. Sa ikalawang bahagi, tinalakay ni Ding ang kalagayan ng mga batang manggagawa mula sa limang erya ng KPML na may 3,300+ na batang manggagawa, ayon sa kanilang ginawang profile mula pa noong 2007. Sinabi pa niyang ang environment mismo ng mga batang ito ang nagdulot sa kanila upang maging child laborers - ang environment ng kahirapan.

Tinalakay naman ni Ka Romy na ang tao'y nabubuhay mula sa dalawang bagay - kina Inang Kalikasan at Amang Paggawa. Sinabi pa niyang ang dahilan ng patuloy na pagkasira ng kalikasan ay ang sistemang kapitalismo, dahil sa balangkas nito ng kasakiman sa tubo, at walang patumanggang pagwasak sa kalikasan sa ngalan ng tubo. Sa huli'y sinabi niyang mahalagang palitan na ang sistemang ito ng sistemang sosyalismo upang masagip ang lipunan mula sa patuloy na pagkapariwara sa ngalan ng kapitalistang tubo. Sinabi pa niya, "Capitalism is an infinite project in a finite planet."

Dumako na sa ikalawang bahagi ang forum. Panahon naman upang pakinggan ng mga tagapagsalita ang mga kuru-kuro, pala-palagay, mungkahi at katanungan mula sa mga tagapakinig habang kanilang isinusulat ang mga katanungang sasagutin nila sa ikatlong bahagi. Si Gng. Noemi Tirona, co-moderator ni Ate Marie, ang siyang nagpaikot ng microphone at nag-abot nito sa mga nagsidalo at nakinig sa forum. Marami sa mga dumalo ang sumasang-ayon na ang isang sistemang tulad ng kapitalismo ang siyang dahilan ng patuloy na pagkasira ng kalikasan dahil sa labis nitong paghahangad ng tubo kahit na mawasak pa ang sangkalupaan dahil sa pagmimina, sa pagkalbo ng mga kabundukan. Meron namang nagtalakay hinggil sa environment and engineering. At isang batang babae, na anak ng isa sa mga dumalo, ang kinapanayam ni Ate Noemi. Ang sagot ng bata, marami palang problema sa environment, kasi ang alam lang nila ay ang usok ng mga dyip ang nakakasira sa kalikasan. Pati daw pala mining. At ang kongklusyon ng mayorya, dapat ngang palitan ang sistema ng lipunan kung nais pa nating may maipamanang kalikasan sa susunod na henerasyon.

At sa ikatlong bahagi'y sinagot ng mga tagapagsalita ang ilang mga komento at katanungan sa kanila. Nagbigay na rin sila rito ng kanilang huling pananalita sa nasabing talakayan. Sinabi naman ni Teody na ang mga manggagawa ay mulat na hinggil sa usaping kalikasan. Mas tumampok sa kanilang huling pananalita, lalo na kay Ka Romy, na ipinagdiinan ang pangangailangan ng isang sistemang papalit sa mapanibasib na sistemang kapitalismo - ang sosyalismo. At idinagdag pa niya na noong una'y ayaw dumikit ng mga manggagawa sa mga environmental advocates dahil nais lamang ng mga ito na ayusin ang kalikasan habang nawawalan naman ng trabaho ang mga manggagawa. Na sinagot naman ni Marie na mahalaga talaga ang tayo'y magkausap. Sinagot naman ni Ding ang ilang mga katanungan, tulad ng Village of Hope na dapat talagang maisakatuparan, at ang patuloy na kampanya ng KPML upang maibalik sa eskwelahan ang mga batang manggagawa at nanawagan din siya ng Stop Child Labor, Now!

Binuod ng moderator ang buong forum. Sinabi niyang dapat ang pagbabago'y mag-umpisa muna sa sarili. Nagbigay din ng kanyang pananalita si Prof. Galang, at nag-anyaya na rin siya sa pulong na pangungunahan ng grupong Consumer Rights for Safe Food (CRSF) hinggil sa kampanya laban sa GMO (genetically-modified organisms) na lumalaganap na sa ating mga pananim at pagkain. Isang anti-GMO na talakayan at pulong ang gaganapin sa Environmental Studies Institute (ESI) sa Miriam College sa Hunyo 7, 2012, sa ganap na ikalawa ng hapon.

Nagtapos ang forum bandang ikalawa ng hapon, at naghiwa-hiwalay silang dala ang panibagong pag-asa na ang usaping kalikasan ay tangan-tangan ng manggagawa at hindi nakakaligtaan, na ang papel ng manggagawa para maayos ang kalikasan ay nakasalalay sa pagbabago ng lipunan at pagpapalit ng sistemang pangunahing dahilan ng pagkasira ng kalikasan.

Miyerkules, Abril 18, 2012

Ang mga Manggagawa ng Gelmart - ni Tina Foronda

Ang mga Manggagawa ng Gelmart
ni Tina Foronda

Manggagawa sa ilalim ng pakikibaka!
Gumagawa para kumita!
Gumagawa para may makain!
Gumagawa para sa Pamilya!

Taong 1986, ang Pagawaan ng Gelmart Industries Philippines ay may humigit kumulang pa sa Sampung Libong Manggagawa na ang 90% ay kababaihan at 10% lamang ang kalalakihan. Ang pagawaang ito’y matatagpuan sa South Service Road, ParaƱaque City. Isang pagawaan ng mga panloob na kasuotan.

Ang mga kagamitan nito ay nagmumula pa sa ibang bansa at ang nabuong produkto nito ay pang-export din, sa iba’t ibang bansa pa ito dinadala. 

Maraming manggagawa ang ibinuhos na ang buong buhay, panahon at lakas ng kanyang paggawa sa loob ng pabrika.

Naging mistulang alipin ng buong sistema ng kapitalista, dahil sa kakarampot na sweldo, na hindi makasapat na ipangbuhay sa pamilya at lalong hindi makatugon sa pang-araw-araw na pangunahing pangangailangan.

Ang mga manggagawa ng Gelmart ay may isang samahan o UNYON, ang LAKAS MANGGAGAWA sa GELMART (LMG). Noong 1994 ay si Victor Briz ang nahalal na Pangulo ng nasabing Unyon, at masasabing isang solidong samahan kahit may mga ilan lang na kumakalaban minsan. 

Ang Unyon ng Gelmart ay aktibo sa mga pagkilos mula sa Lokal at Sentrong Pampulitika ng Manggagawa, ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Maipagmamalaki din na isa sila sa pinakaaktibo sa pagkilos lalo na sa mga rally. May mga pagkakataon na rin na naglunsad ng pagkilos ang mga manggagawa sa loob at labas ng pagawaan at ilang beses na ring humantong sa mataas na antas ng pakikipaglaban, (ang mag-strike). 

Unti-unti ng tinatamaan ng matinding krisis ang kompanya dulot na rin ng Globalisasyon at nahirapang makipag-kompetisyon, dahil sa pang-export ang mga produkto nito, at dahil sa Dolyar ang pinanggagalingan ng gastusin nito ay lumala pa dahil sa pagbagsak ng halaga ng dolyar sa piso.

Dahil sa pagbabawas ng mga orders ng mga costumer nila sa ibang bansa, unti-unti na ring isinasara ang ibang Departamento sa loob ng pagawaan. Dinadala nila ang ibang manggagawa sa lugar na kung saan merong gagawin.

Inilipat na sa ibang gawain at departamento ang ilan, kung saan kailangan pa, at ang iba naman ay napilitan nang mag-resign dahil sa hindi makayanang magpalipat-lipat ng trabaho. Hanggang sa umabot na lang ng humigit kumulang sa dalawang libo ang natirang manggagawa noong taong 2005. Tumindi ang hagupit ng delubyo sa pagtuntong ng taong 2006 sa halos dalawang libo pang manggagawa.

Pansamantalang pinwersa na pinagbabakasyon ang karamihan at halos isang porsyento alng ang naiwan sa loob ng planta para magpatuloy sa mga natitira pang hindi natapos na produkto.

Umabot ng anim na buwan ang pansamantalang pagbabakasyon na hanggang sa tuluyan nang nagdeklara ang management na magsasara na ito dahil hindi na raw makayanan na maisalba pa ang kumpanya sa pagkalugi at di na kayang makipag-kompitensya sa ibang malalaking kompanya. 

Nawalan na ng munting kabuhayan at pinagkakakitaan ang mga manggagawa sa Gelmart. Ang iba ay nawalan na ng pag-asa, ngunit ang iba naman ay may mga lakas pa ng loob na makipagsapalaran sa ibang mga pagawaan. Wala mang kasiguraduhan na mapermanente ulit sa trabaho dahil sa hindi na pagreregular ang mga kompanya sa mga manggagawa. Ang dahilan ay bahala na, ang mahalaga ay may pansamantalang pagkukuhanan ng pamatid gutom man lang.

Nahaharap pa rin sa pakikipaglaban ang mga manggagawa dahil sa biglaang pagsasara ng pabrika na hanggang sa ngayon ay hindi pa nababayaran ang mga manggagawa sa matagal na pagseserbisyo at benepisyo ng bawat isa.

Nagkaisa ang mga manggagawa sa pangunguna ng pangulo ng Unyon at ng mga opisyales na magpiket sa labas ng pagawaan upang matiyak na hindi mailabas ang mga kagamitan. 

Bawat gate ay tinayuan ng mga kubol at binabantayan ng dalawampu’t apat na oras kada araw ang mga gate. Nagpapalitan ang mga manggagawa sa pagbabantay. 

Nasa kaso na ang mga usapin. 

Sa Regional Trial Court (RTC) ParaƱaque kasalukuyang nililitis ang kaso. Humaharap ang mga abogado ng Gelmart Management at opisyales ng Unyon, kasama ang ibang miyembro at kaharap din ang abogado ng manggagawa mula sa Sanidad Law Office.

Base sa mga paglilitis, sa mapagbebentahan ng mga ari-arian ng kompanya magmumula ang kabayaran ng mga manggagawa.

Mahigit anim na taon na ang itinatagal ng kaso. Hindi maayos ang isinagawang pag-imbentaryo ng mga makina o kagamitan sa loob ng planta. Sobrang napakababa ng halaga nito at kinailangang ipaulit pa, kung kaya’t napapatagal ang pagbibenta ng lahat ng mga ari-arian.

Sa kasalukuyan ay patuloy parin namang nakikipag-usap ang bahagi ng Gelmart Management, kahit sa labas ng paglilitis at nakikipagtulungan din naman na matapos na ang kaso at makapagbayaran na.

Ang hinihiling lang naman ng manggagawa ay ang sapat na kabayaran.

Ang pamunuan ng unyon ay hindi sumusuko sa pakikipaglaban dahil na rin sa suportang ibinibigay ng kanyang mga miyembro. Lalo’t higit sa Pangulo ng Unyon na si Victor Briz ay matatag at hindi nagpapabaya sa kalagayan. 

Tunay na ang manggagawa ang yaman ng bansa. 

Ipamulat natin sa uring manggagawa na habang ang kapitalista ang naghaharing uri, mananatiling alipin ang manggagawa….

Miyerkules, Hunyo 8, 2011

Mga Muog ng Uri - ni Amado V. Hernandez

MGA MUOG NG URI
ni Amado V. Hernandez

I
Ang iilan ay nagtatag
ng isang pamahalaang pinairal na panlahat:
bumabalangkas ng panuto, naglagay ng mga puno,
            naglagda ng mga batas
at lumikha ng sambuntong kasangkapang mabibisa
            upang ang kapangyarihan ay tahasang ipatupad;
ang saligan at batayan,
ang timbangan at panukat, ang halaga at takalan,
inihanda at binuo, alinsunod sa pinaling
            kaisipan at pananaw,
nagmula man o patungo kahit saan ay hahantong
            sa kung ano, saa't alin ibig nilang dalhin ikaw.

II
Kung bagaman bukambibig
na ang lantay na tuntuni't patakara'y ang matuwid
- pagkakapantay ng lahat sa lahat ng bagay-bagay
            sa samahang pangkapatid -
sa tunay na karanasa'y patumbalik kung maganap
            at sa matang mapansinin ay baligtad ang daigdig
ang lipunang maharlika
na siya ring kakaunting namayani sa simula,
nagkamal ng karapatan sa tibay ng mga muog,
            at naglagda ng tadhana:
"Diyan kayo't dito kami" - utos-haring nababansag
            ng tandisang pagkahati at ng mga uring takda.

III
At sa lunsod itinayo
ang gusali ng talinong maningas ang gintong sulo:
ang sinumang may adhikang mapatampok na mautak,
            magdaan sa kanyang pinto,
ngunit walang magdaraan kundi muna nasusulit
            na ang ulo ay hungkag nga't ang kalupi ay maginto;
bawat isip at paningin
papandaying sapilitan sa kanilang simulain;
bawat pusong walang apoy, sa palalong katapangan
            ay susubha't papandayin
bawat katauhang kutad, sa sugapa ng kamanyang
            ay gagawing di masabi kung bayani o salarin.

IV
Nagtindig ng dalanginan,
isang templong diumano'y nakaukol sa Maykapal,
at nilagyan ng imahen na ang mukha ay babae
            at sa leon ang katawan,
ang sa kanya'y di sumamba't maghugos ng mga alay
            ay malayong makarating sa bayan ng mga banal;
tao'y ganap na tinakot,
iginising na sa lupa'y walang langit, pawang kurus;
at ang taong nangangarap sa hiwagang kaligtasan,
            sa hiwaga napabuklod,
naglimos ng yama't lupa sa Maykapal ng daigdig,
            binili ng ginto't dasal pati buhay na susunod.

V
Upang lubos na maghari,
di sukat ang pananalig, ang alamat at ugali,
nagtayo rin ng hukuman, at hukom na walang puso't
            pawang utak ang pinili,
sa usapi'y katauhan ng may usap ang lagi nang
            batayan ng pasya't hatol: katarungang makauri;
mga batas ang nagbadya:
ang maysala'y lalapatan ng katapat na parusa;
a, kamay ng katarungang kabilanin: isang lambat
            ng matandang inhustisya.
aligasi'y laging huli at kawala ang apahap;
            ang katwira'y sa kalansing ng salapi nakukuha!

VI
Bilang putong na paniil
ng tuntuning pamarusa't batas na ngipin sa ngipin,
bilangguan ay sumipot - isang dambuhalang yungib
            na malupit at malagim,
libingan ng mga buhay na pamuti sa biktimang
kalusuga't katinuan, salarin man o matupling;
ang higanti, sumpa't poot
ng sosyedad ay sa kanyang kalupitan itinampok;
madalas na inuusig kahit walang-walang sala
            ni sa tao ni sa Diyos
bilanggua'y isang kutang parusahan at bitayan
            ng gumawak sa karimlan at naggiba sa bantayog.

VII
Kaya naman kung sumapit
ang araw ng pagtutuos at kalusin na ang labis,
kung ang madlang sinisiil ay mamulat
            at bumangon, ang iila'y napapalis,
at ang mga lumang muog ng gahamang karapata'y
            siyang unang winawasak ng bayanang naghimagsik;
sa abo ng iginuho
na ubaning diwa't buhay ay may bagong itatayo:
bagong templo, bagong muog, ang watawat at tambuli
            ng makulay na pangako,
at ang bayan ay minsan pang lalasingin sa matimyas
            na pag-asa't pananalig ng kanilang bagong puno.

Muntinglupa
Mayo ng 1952

Ang kabaliwan ng kapitalistang sistema - ni Diego Vargas

ANG KABALIWAN NG KAPITALISTANG SISTEMA
ni Diego Vargas

Isang matandang lalaki ang halos ordinaryong tanawin na sa harap ng planta ng Rubberworld sa kahabaan ng Quirino Hi-way sa Novaliches. Hanggang ngayon, halos araw-araw nitong binabaybay ang kalsada, lakad na lang ng lakad. Mapapansin na lang itong hihinto sa harapan ng Rubberworld, biglang titigil at matagal na tutulala sa direksyon ng planta. Hindi siya isang gusgusing taong grasa. Hindi siya ‘yung tipong katatakutan mo kapag nasalubong mo sa daan. “Dati siyang trabahador dito sa Rubber. Malamang daw masyado niyang dinamdam ang pagsara ng pabrika kaya siya nagkaganun, sabi ng ilang nakakakilala sa kanyang tagarito”, sabi ni Ka Gerry Marbida, bise-presidente ng unyon ng manggagawa sa Rubberworld na nakatira sa bungad ng planta.

Nitong nakaraang dalawang buwan, isa pang dating trabahador ng Rubberworld ang biglang lumitaw sa planta. Naroon daw siya upang maningil ng mga pautang niya sa five-six. Oorder ng softdrink sa tindahan at kapag siningil ng tindera, paulit-ulit nitong sasabihing maniningil siya ng kanyang mga pautang. Pagbalik niya kinabukasan, hahanapin pa niya sa tindera ang ‘binili’ niyang softdrink o kape. Para bang ang tindahan pa ngayon ang may utang sa kanya. Mga 40-45 anyos ang babae. Mahigit 20 taon din daw itong namasukan sa Rubberworld. Hindi nila ito nakita ni isang beses sa mga pulong na ipinatawag noon ng unyon sa kasagsagan ng kampanya nito laban sa pagsasara ng kumpanya. “Maka-manedsment kasi ‘yan”, sabi ng mga tagaroon.

Pero isang bagay na ipinagtataka ng mga nakatira roon ay ang katotohanang hindi naman ito nagpapautang noong bukas pa ang planta. Laging mayroong dalang notbuk ang ale ngunit hindi naman ito talaan ng mga singilin. Punung-puno ito ng sulat na hindi mabasa. Parang Latin daw na hindi mo maintindihan.

“Basta na lang siyang lumitaw dito, araw-araw pumupunta rito. Kagalang-galang naman ang itsura niya. Para bang papasok talaga sa trabaho. Uwian pa iyan araw-araw mula Malabon, sabi ng mga nakakakilala sa kanya dito”, dagdag ni Ka Gerry.

Nang marinig ko ang mga kwentong ito, agad na bumalik sa isipan ko ang sinabi ni Karl Marx sa Economic and Philosophical Manuscripts of 1844, isa sa mga unang akda ng ama ng rebolusyonaryong sosyalismo. Sabi ni Marx, “Lalong bumababa ang halaga ng manggagawa sa kabila ng pagdami ng kalakal na kanyang nalilikha.” Ibig ding sabihin, may direktang proporsyon ang halaga ng manggagawa at ang lumolobong halaga ng kalakal na produkto ng kanyang lakas-paggawa. Ang huli’y lalago lamang kung lubos na bubulusok pababa ang una.
Dalawang taon bago nito, sinulat naman ni Friedrich Engels noong 1842 ang The Condition of the Working Class in England na naging mahalagang sanggunian ni Marx sa pagsusulat ng kanyang aklat na nauna nating pinaghalawan. Dito isinalarawan ni Engels ang nasaksihan niyang kalunus-lunos na kundisyon ng mga manggagawa sa England sa panahong namamayagpag ito bilang pinakamakapang-yarihang kapitalistang bansa sa mundo.

Sa panahon na ibayong ipinupundar ng mga kapitalistang Ingles ang mga sangkap para sa mas ibayong industriyalisasyon. Industriyalisasyong nakapundar sa ibayong pagsasamantala sa uring manggagawa. Sa bahagi ng aklat kung saan tinalakay ni Engels ang laganap na child labor at kaso ng mga aksidente sa pabrika ay sinabi niya na “Ilan lamang sa listahan ng mga sakit na dulot ng malupit na kasakiman ng mga kapitalista: Mga kababaihang nababaog, mga batang depormado, kalalakihang nababaldado, mga katawang nagkalasog-lasog, pagkawasak ng buong henerasyong sinalanta ng iba’t ibang sakit at abnormalidad, lahat para lamang umapaw ang bulsa ng mga kapitalista.”

Susi ang akdang ito ni Engels sa pagsulat ni Marx ng Economic and Philosphical Manuscripts of 1844 na bagamat batbat pa ng impluwensya ng ideyalistang pilosopiyang Aleman ay naging susing yugto sa pag-unlad ng kanyang imbestigasyon sa batas ng paggalaw ng kapitalismo na humantong sa pagkakasulat ng Das Kapital mahigit dalawang dekada pagkalipas nito.

Sumagi at ngayo’y nagmistulang multo sa aking isipan ang dalawang aklat na ito dahil matingkad ang mga katotohanang ito hanggang ngayong mahigit 150 taon ang nakalilipas. Ngunit nang una kong marinig ang mga kwento mula sa Rubberworld, isang tanong ang mas bumabagabag: Paano kung nahinto sa paglikha ng mga kalakal ang isang manggagawa? Paano kung biglang nagsara ang pabrika niyang pinapasukan gaya ng Rubberworld? o ng Novelty? o kaya nama’y tinanggal sila ng kapitalista at matagal nang nakawelga, tulad ng nangyari sa BF Metal na pagmamay-ari ni Bayani Fernando.

“Ang direktang debalwasyon ng mundo ng mga tao ay nasa direktang proporsyon sa paglaki naman ng halaga ng mundo ng mga bagay (kalakal).” Ganito halos sinusuma ni Marx ang kalagayan ng tao sa ilalim ng kapitalismo. Ang debalwasyon ng halaga ng tao bilang tao mismo. Ang laganap na dekadenteng kultura ng kamangmangan o kung gusto mo’y kabaliwan. Hindi iiral ang kapitalismo nang wala ang ganitong kundisyon ng pagkabusabos ng tao. Minsan kong naisip na sino ba naman ang hindi masisiraan ng bait halimbawa sa ganitong kalagayan na binayaran ng Adidas si Kobe Bryant ng daang-milyong dolyar sa pag-eendorso ng Adidas, samantalang ang mga manggagawa ng Rubberworld na ilang dekadang lumikha ng produkto ng Adidas ay hindi pa nababayaran ng separation pay mula nang magsara ang kumpanya noong 1995.

Hindi lamang dalawang beses kong naengkwentro ang isang aklat, isang koleksyon ng mga akdang tula, dula at mga kwento noong maligalig na panahon ng mga unang bahagi ng dekada 80. Isang tula rito ang matagal ko nang nakabisado matapos pa lang ang una kong pagbasa nito. Nakalimutan ko na kung sino ang may-akda pero ang maikling tula ay saulado ko pa rin:

Ang Rebolusyon ay awit ng isang baliw sa mundong ang kabaliwan ay paglaya mula sa tanikala ng pagiging alipin.

Tahimik kong susupilin ang mga halakhak sa aking isipan habang sasagi ang larawan ng dalawang dating manggagawa ng Rubberworld.

T’ang ina, kung tutuusin mas baliw pa rin ako kaysa mga taong ito…


Pahayagang Obrero, Blg. 12
Disyembre 2003

* nalathala rin sa aklat na MASO: Katipunan ng Panitikan ng Uring Manggagawa, Blg. 1, Taon 2006, mp. 52-55