Sabado, Nobyembre 1, 2025

Unang araw ng Nobyembre, 2025

UNANG ARAW NG NOBYEMBRE, 2025

ngayon ang Unang Araw ng Nobyembre
inyo bang ramdam kung may nangyayari?
wala pang nakukulong na salbahe
kurap at tusong pulitiko, GRABE!

'ghost' flood control project ng mga imbi
magmumulto pa ba hanggang Disyembre?
nagtatakipan ba ang mga guilty?
sa ganyan, anong iyong masasabi?

para sa akin, ikulong na iyang
mga kurakot sa pondo ng bayan
baka bumaha muli sa lansangan
ang galit na galit na sambayanan

buti may due process ang mga kupal
pag dukha, kulong agad, di matagal
kung mangyari ang Indonesia't Nepal
dahil iyan sa hustisyang kaybagal

- gregoriovbituinjr.
11.01.2025

Ang emoji, nagsasaya o nagtatawa?

ANG EMOJI, MASAYA O NAGTATAWA?

maselan ang isyu subalit tingnan ang emoji
parang pinagtatawanan ang mga namatayan 
na pamilyang tinokhang, nakatawa ang emoji
"buti nga sa kanila", tila pinagsisigawan

ganyan nilang estilo'y sadyang nakababahalà
nagsasaya nga ba sila o sila'y nagtatawa?
buti pa ang hinlalaki at pusò pagkat tandâ
nito'y batid mo, di tulad ng emoji na HA-HA

maselang isyu, emoji mo'y HA-HA, ano iyan?
parang gustong-gusto nilang pinapaslang ang tao
para bang uhaw sa dugô, wala sa katinuan
gayong editoryal ay isang mahalagang isyu

walang due process, tao'y pinaslang na tila baboy
ang nag-atas ng pagpaslang ngayon na'y nakapiit
habang mga kaanak ngayong Undas nananaghoy
na sana asam na hustisya'y kanilang makamit

- gregoriovbituinjr.
11.01.2025

Bakas ng kahapon

BAKAS NG KAHAPON

narito't naiwan pa ang bakas
ng nakaraan, ng nakalipas
tulad ng kaalaman ng pantas
kung ano ang kakaharaping bukas

sa bakas man ay may tubig-bahâ
dahil sa mga tiwaling sadyâ
na mga kurakot na kuhilà
kayâ ang bayan ay lumuluhà

hanggang ngayon aking naninilay
di basta magpatuloy sa buhay
na sarili lang isiping tunay
kumilos pag di na mapalagay

maging bahagi ng kasaysayan
at mag-iwan ng bakas sa daan
na sa buhay na ito ay minsan
para sa hustisya'y nakilaban

- gregoriovbituinjr.
11.01.2025