Huwebes, Abril 17, 2025

Walang pag-aari

WALANG PAG-AARI

pribadong pag-aari ang ugat ng kahirapan
at isa iyang katotohanang matutuklasan
pag pinag-aralan ang ekonomya at lipunan
katotohanang dapat tumagos sa sambayanan

subalit di iyan tinatanggap ng mga sakim
sa kapangyarihan at ng may budhing maiitim
tulad ng trapo't kapitalistang dulot ay lagim
kasamaan at kadilimang karima-rimarim

bago pa si Marx ay mayroon nang Marcus Aurelius
noong unang panahon ay batid na nilang lubos
pribadong pag-aari'y sanhi ng pambubusabos
at pagyurak ng dangal ng mga dukha't hikahos

halina't katotohanang ito'y ipalaganap
baguhin na ang sistema nang malutas ang hirap
magagawa kung patuloy tayong magsusumikap
upang ating kamtin ang ginhawang pinapangarap

- gregoriovbituinjr.
04.17.2025

Martes, Abril 15, 2025

Bastos na kandidato sia

BASTOS NA KANDIDATO SIA

may bastos na kandidato
na ngayon ay tumatakbo
na vlogger ang sinisisi
imbes na kanyang sarili

binastos ang solo parent
na nais na makasiping
tila para siyang praning
eh, abogado pa man din

parang may toyo sa utak
nang-aapi't nanghahamak
di batid ang Safe Space Act
dapat kasuhan ang tunggak

sino siya? Ian Sia?
iyan siya, bastos siya!
di dapat iboto Sia
ng mamamayan, ng masa

- gregoriovbituinjr.
04.15.2025

* litrato mula sa Philippine Star, Abril 14, 2025, p.C2

Miyerkules, Abril 9, 2025

Bastos na pulitiko, huwag iboto

BASTOS NA PULITIKO, HUWAG IBOTO

bastos na pulitiko 
na walang pagkatao
huwag SIA iboto
di dapat ipanalo

ang tulad niyang bastos
sa etika ay kapos
ay dapat kinakalos
nang di tularang lubos

tila ba puso'y halang
sapagkat walang galang
nasa puso't isipan
ay pawang kalaswaan

ang mga trapong ulol
na ugali'y masahol
ay dapat pinupukol
ng bato ng pagtutol

ang tulad niya'y praning 
na mababa ang tingin
sa mga solo parent
abogadong libugin

akala'y macho siya
ay wala palang kwenta
ang pagkatao niya
lalo't bastos talaga

- gregoriovbituinjr.
04.09.2025

* sinulat sa Araw ng Kagitingan, Abril 9, 2025
* editoryal mula sa Bulgar, Abril 8, 2025. p.3