Miyerkules, Pebrero 5, 2025

Ang sinumang bayani'y nagsimulang aktibista

ANG SINUMANG BAYANI'Y NAGSIMULANG AKTIBISTA

ang sinumang bayani'y nagsimulang aktibista
ipinaglaban ang kagalingan ng mamamayan
laban sa naghaharing burgesya't oligarkiya
ipinaglaban ang hustisya't paglaya ng bayan

di sila oo lang ng oo't tanggap ang tiwali
nais nilang maitama ang kalagayang mali
bawat pagpapasya nila'y pagbabakasakali
upang mabago lang ang sistemang nakamumuhi

kaapihan ng bayan ay nilarawan sa Noli
at Fili kaya namulat ni Rizal ang marami
dahil doon inakusahan siyang nagrebelde
sa Espanya, binaril sa Bagumbayan, bayani

pinangunahan ni Bonifacio ang Katipunan
at naitatag ang bansa nang sedula'y pinunit
na simula ng himagsikan tungong kalayaan
subalit siya'y pinaslang pati kanyang kapatid

ang misyon niya'y itinuloy ni Macario Sakay
kapanalig ng Katipunan, talagang mahusay
sumuko sa Kano para sa Asembliyang pakay
kasama si Lucio De Vega, sila ay binitay

si Jose Abad Santos, ayon sa kwento ng anak
ay naging tapat sa bayan, pinugutan ng Hapon
kayrami pang lumaban, gamit ma'y pluma o itak
aktibista silang paglaya ng bayan ang misyon

taospusong pagpupugay sa bawat aktibista
na lumaban sa pang-aapi't pagsasamantala
kumikilos upang itayo'y pantay na sistema
isang lipunang manggagawa, gobyerno ng masa

- gregoriovbituinjr.
02.05.2025

Lunes, Pebrero 3, 2025

Mas makapal ang balat ng trapo

MAS MAKAPAL ANG BALAT NG TRAPO

kaytinding banat ni Pooroy sa komiks
siya'y para ring environmentalist
endangered na raw ang mga buwaya
ngunit corrupt politicians ay di pa

balat daw ng buwaya ay makapal
magandang pangsapatos, magtatagal
mas maganda raw ang balat ng trapo
mas makapal, di pa endangered ito

kung babasahin mo'y pulos patama
di lang patawa, mayroong adhika
ang masapol kung sinong masasapol
marahil pati sistemang masahol

natawa man tayo ngunit mabigat
totoo sa buhay ang kanyang banat

- gregoriovbituinjr.
02.03.2025

* mula sa pahayagang Remate, Pebrero 3, 2025, p.3

Resign All!

RESIGN ALL!

dalawang pangunahing pinuno, panagutin!
nagbabalik sa alaala ang nakaraan
nang Resign All ay isinisigaw ng mariin
ng masang umaayaw na sa katiwalian

noon, tanda ko pa, patalsikin ang buwaya
papalit ang buwitre! kaya sigaw: Resign All!
ngayon, dalawang lider dulot sa masa'y dusa
ang dapat nang panagutin ng bayan: Resign All!

badyet para sa karapatan sa kalusugan
ay tinanggal umano, nilagay pang-ayuda
ng mga trapong nais manalo sa halalan
badyet ng bayan, ginapang daw ng dinastiya

pondong milyones, labing-isang araw lang ubos
pati confidential fund, di maipaliwanag
sa bayan kung paano ginamit at ginastos
bayan ba'y mananahimik lang? di ba papalag?

papayag pa ba tayong ganyan ang namumuno?
sa katiwalian na'y talamak at masahol
aba'y wakasan ang ganyang klaseng pamumuno
ay, ang sambayanan ba'y muling magpapabudol?

- gregoriovbituinjr.
02.03.2025

* litratong kuha ng makatang gala sa dinaluhang rali ng sambayanan sa Edsa noong Enero 31, 2025

Linggo, Pebrero 2, 2025

Maganda ang kayumanggi

MAGANDA ANG KAYUMANGGI

maganda ba ang maputi?
kahit pangit ang ugali
pangit ba ang kayumanggi?
na kutis ng ating lahi

di tayo Amerikano
o kaya'y Yuropeyano
tayo nga'y mga Asyano
taga-Pinas na totoo

kaya bakit yuyurakan
ang ating balat, kabayan
kahit kutis natin naman
kayumangging kaligatan

ang kayumanggi'y maganda
lalo't dalagang morena
di ang maputing artista
na madrasta kung umasta

sa puti'y huwag mawili
lalo't mga mapang-api
baka tayo ay magsisi
pagsisisi'y nasa huli

- gregoriovbituinjr.
02.02.2025

Paglutas sa suliranin ng bayan

PAGLUTAS SA SULIRANIN NG BAYAN

kayraming suliranin ng bayan
na dapat mabigyang kalutasan
kayraming masang nahihirapan
pagkatao pa'y niyuyurakan

habang bundat ay humahalakhak
trapong ganid ay indak ng indak
oligarkiya pa'y nanghahamak
dukha'y pinagagapang sa lusak

dinastiya'y dapat nang lipulin
lalo ang oligarkiyang sakim
pati trapong ang ngiti'y malagim
kaya lipunan ay nagdidilim

organisahin ang manggagawa
sila ang hukbong mapagpalaya
uri silang sa burgesya'y banta
ngunit kakampi ng kapwa dukha

ganyang sistema'y di na malunok
ang dukha'y di dapat laging lugmok
ibagsak ang mga nasa tuktok
baguhin na ang sistemang bulok

- gregoriovbituinjr.
02.02.2025

Sabado, Pebrero 1, 2025

Ang mga pakpak nina Daedalus at Icarus

ANG MGA PAKPAK NINA DAEDALUS AT ICARUS

kung nais mong maabot / ang langit sa paglipad
iwan ang mga bagay / na sa iyo'y pabigat
patibayin ang bagwis / upang sa pagpagaspas
ay di masira, baka / tuluyan kang bumagsak

may alamat nga noon / na batid ko pang lubos
hinggil sa kanaisan / ng amang si Daedalus
na gumawa ng pakpak / na talagang maayos
kasama'y kanyang anak / na ngalan ay Icarus

gawa ang pakpak mula / pagkit at balahibo
nais nilang takasan / ang piitan sa Creto
habang bilin ng ama'y / huwag taasang todo
ang paglipad, sa araw / matunaw na totoo

subaiit di sinunod / ni Icarus ang ama
sa taas ng paglipad / ay bumulusok siya
pagkat pagkit sa pakpak / ay natunaw talaga
at kamatayan niya'y / natamo kapagdaka

- gregoriovbituinjr.
02.01.2025

* litrato mula sa google

Biyernes, Enero 31, 2025

Mga kasabihan sa buhay

MGA KASABIHAN SA BUHAY

bawat suliranin / ay may kalutasan
at bawat pagsubok / ay may kasagutan
basta matuto lang / tayong makilaban
sa sinumang puno / ng katiwalian

ating kaakibat / ang pakikibaka
nang mabago iyang / bulok na sistema
sa ating pagbaka'y / dapat wakasan na
iyang pang-aapi'y / pagsasamantala

may karapatan din / kahit maralita
dukha man, di dapat / na kinakawawa
kung maluklok natin / iyang manggagawa
may pagbabago na't / uunlad ang bansa

mandarayang trapo'y / indak lang ng indak
bundat na burgesya'y / panay ang halakhak
habang karaniwang / tao'y hinahamak
ng trapo't kuhilang / dapat lang ibagsak

- gregoriovbituinjr.
01.31.2025

Miyerkules, Enero 29, 2025

Timawa

TIMAWA

Dalawampu't apat Pahalang: Patay-gutom
aba'y TIMAWA yaong lumabas na tugon
ngunit ang timawa sa ating kasaysayan
ay yaong lumaya na sa kaalipinan

panggitnang uri sa uripon at tumao
mandirigma sa lipunang piyudalismo
iyan ang timawa sa historya ng bansa
ngunit ngayon, timawa ang mga kawawa

bakit nangyaring salita'y nagbagong anyo
kaningningan ng salita'y biglang naglaho
ang mga timawa'y malayang tao dati
ngayon, salitang ito'y nawalan ng silbi

timawa'y nagugutom na't namamalimos
ang malayang mandirigma'y naghihikahos
uring kabalyero'y nawalan na ng dangal
malaya nga subalit parang nasa kural

- gregoriovbituinjr.
01.29.2025

* mula sa pahayagang Bulgar, Enero 29, 2025, p.8
* uripon - alipin; tumao - maharlika

Wakasan ang dinastiya

WAKASAN ANG DINASTIYA

karaniwang kasabihang alam sa pamilya:
"The family that prays together, stays together!"
ngayon, may kasabihan hinggil sa dinastiya:
ang "The family that runs together, robs together!"

paalala mula sa Barangay Mambubulgar
hinggil sa pamilyang tumatakbo sa halalan
wakasan na ang dinastiyang nakakaasar
kung sila na naman ang mananalo sa bayan

iisang pamilya, tumatakbong sabay-sabay
ang ama ay gobernador, ang ina ay mayor
anak pa'y kongresista, di ka ba nauumay
may tatlo pang nais sabay-sabay magsenador

pare-parehong apelyido, iisang mukha
serbisyong publiko na'y pampamilyang negosyo
pinalakas ang ayuda para sa dalita
upang mahamig lang ang boto ng mga ito

dapat wakasan ang dinastiya't elitista
sapagkat di lang kanila ang kinabukasan
manggagawa naman, at di na trapong pamilya
itayo na natin ang makataong lipunan

- gregoriovbituinjr.
01.29.2025

* mula sa pahayagang Bulgar, 01.28.2025, p.5

Lunes, Enero 27, 2025

Masdan mo ang kapaligiran

MASDAN MO ANG KAPALIGIRAN

pamagat ng awit ng ASIN:
"Masdan mo ang kapaligiran"
lupa, dagat at papawirin
ay pansinin, di lang pagmasdan

saanman ay bawal magkalat
isang mahalagang programa
Reduce, Reuse, Recycle dapat
saanman tayo nakatira

atin ding papaghiwalayin
ang nabubulok, di mabulok
at huwag paghalu-haluin
ihiwalay ang binubukbok

para sa kapakanan natin
at ng kapwa, maging malusog
paligid ay ating linisin
basura'y di rin sinusunog

awit ng ASIN ay kaysarap
pakinggan, sa kaibuturan
ay nanunuot itong ganap
tagos sa puso, diwa't laman

- gregoriovbituinjr.
01.27.2025

Akap

AKAP

aakapin mo pa ba ang isang sistema
kung sagad-sagarin nang mapagsamantala
o iyon ay agad-agad mong isusuka
tulad ng ayuda para sa pulitika

aakapin mo pa ba ang sistemang trapo
at magkautang na loob sa mga ito
nais nilang bilhin ang iyong pagkatao
upang iboto mo sila't sila'y manalo

lalo't kilong bigas ay kinakailangan
nang pamilya'y di magutom o mahirapan
trapo'y sinasamantala ang karukhaan
ng maralita na turing nila'y bayaran

kung mga trapo ay ganito ang pagtingin
sa mga maralita, kaybaba ng turing
ah, maralita'y dapat maghimagsik na rin
nang lipunang makatao'y itatag man din

- gregoriovbituinjr.
01.27.2025

* litrato mula sa fb page ng BMP

Linggo, Enero 26, 2025

Tapwe

TAPWE

tapwe ang sinukli sa akin sa botika
subalit ang perang sinukli'y kakaiba
dati may tao sa pera, ngayon wala na
bayani'y napalitan ng hayop talaga

tapwe o singkwenta na salitang pabalbal
na sinasabi rin namang ito'y kolokyal
tapwe ang tawag noon ng banal at bungal
polymer notes na ngayon ang pinaiiral

subalit bakit nga tinanggal ang litrato
ng mga bayani at nawala ang tao
kasaysayan ba'y balewala nang totoo?
tulad sa eskwelahan nang tinanggal ito?

komersyalismo na ang nais pairalin?
kaya historya'y unti-unting papatayin?
kita na sa tapwe kung pakakaisipin
di na tao kundi hayop na'y kilalanin?

- gregoriovbituinjr.
01.26.2025

Martes, Enero 21, 2025

Sana'y wala nang EJK

SANA'Y WALA NANG EJK

sana, pag-salvage ay mawala na
at walang sinasalbahe sana
sana due process ay umiral pa
sana walang short cut sa hustisya

extrajudicial killings, itigil
paraang ganito'y mapaniil
pagkat due process ay sinusupil
sana ito'y tuluyang mapigil

sinuman ang maysala, kasuhan
at ikulong ang napatunayan
huwag idaan sa pamamaslang
pagkat lahat ay may karapatan

pairalin ang wastong proseso
at hanapin kung anong totoo
ang kriminal ay ikalaboso
ang inosente'y palayain mo

pairalin due process sa bansa
ngunit kung papatayin kang sadya
ng mga pusakal o sugapa
sarili'y ipagtanggol mong kusa

- gregoriovbituinjr.
01.21.2025

Biyernes, Enero 17, 2025

Isa na namang kasabihan

ISA NA NAMANG KASABIHAN

animo'y makatang nagsalita
yaong kolumnista sa balita:
"Sa matuwid na pangangasiwa,
mabubura ang 'tamang hinala'!"

makabuluhan ang kasabihan
sa mga isyu niyang tinuran
paano ba pagtitiwalaan
ng madla iyang pamahalaan

tatlong ayuda'y tinurang kagyat
ang TUPAD, A.I.C.S. at AKAP
baka magamit ng trapong bundat
sa pulitika't kunwang paglingap

upang manalo lang sa eleksyon
lalong magkaroon ang mayroon
paano pipigilan ang gayon?
talagang ito'y malaking hamon

gahamang trapo'y dapat iwaksi
dangal ng dukha'y h'wag ipagbili
subalit kung sa gutom sakbibi
dalita ba'y ating masisisi?

paano tutulungan ang dukha
kung walang ayudang mapapala
lipunang ito'y palitang sadya
ito ang aking nasasadiwa

- gregoriovbituinjr.
01.17.2025

* mula sa kolum sa pahayagang Pang-Masa, Enero 17, 2025, p.3
* TUPAD - Tulong Pangkabuhayan sa Disadvantage
* AICS - Assistance to Individuals in Crisis
* AKAP - Ayuda para sa Kinakapos Ang Kita Program

Martes, Enero 14, 2025

Nilay sa munting silid

NILAY SA MUNTING SILID

nagninilay sa munting silid
dito'y di ako nauumid
bagamat minsan nasasamid
minsan may luhang nangingilid

kayraming napagninilayan
pawang isyu't paksang anuman
o kaya'y mga karanasan
pati hirap ng kalooban

sa mga sulatin ko'y paksa:
may hustisya pa ba sa bansa
para sa manggagawa't dukha
sa kababaihan at bata

bakit ba ang sistema'y bulok
at gahaman ang nasa tuktok
ito'y isang malaking dagok
ang ganito'y di ko malunok

kaya dapat pa ring kumilos
nang ganyang sistema'y matapos
wakasan ang pambubusabos
at sitwasyong kalunos-lunos

- gregoriovbituinjr.
01.14.2025

Dugtungang haiku, hay naku

DUGTUNGANG HAIKU, HAY NAKU

ang magsasaka
at uring manggagawa,
nakikibaka

kanilang asam
ang bulok na sistema'y
dapat maparam

makatang ito
ay katha ng katha ng
haiku, hay naku

pagkat tungkulin
niyang buhay ng masa'y
paksang tulain

kamuhi-muhi
iyang kapitalismong
dapat mapawi

ah, ibagsak na
ang kuhilang burgesya't
kapitalista

walang susuko
lipunang makatao'y
ating itayo

- gregoriovbituinjr.
01.14.2025

* ang haiku ay tulang Hapones na may pantigang 5-7-5

Sabado, Enero 11, 2025

Kasaysayan

KASAYSAYAN

bilin ni Oriang sa kabataan:
matakot kayo sa kasaysayan
walang lihim na di nabubunyag

isang patnubay ang kanyang bilin
tungkulin sa bayan ay ayusin
at gawain nati'y paghusayin

sa kasaysayan tayo'y matuto
para sa kapakanan ng tao
huwag ulitin ang mali nito

si Gat Andres na ating bayani
tulad nina Rizal at Mabini
nagawa sa bayan ay kayrami

O, kasaysayan, isinulat ka
para sa bayan, para sa masa
di para sa mapagsamantala

- gregoriovbituinjr.
01.11.2025

Huwebes, Enero 9, 2025

'Buwayang' Kandidato

'BUWAYANG' KANDIDATO

sa komiks ni Kimpoy sa dyaryong Bulgar
natanong ang isang botante roon
na bakit daw 'buwayang' kandidato
ang sinusuportahan gayong sila
ang sanhi bakit mahirap ang bayan

sagot agad sa kanya ng botante:
'sa pagkatao nila'y walang paki
pagkat ang mahalaga lang sa akin
ay donasyon nila't mga ayuda
nang sariling pamilya'y di gutumin'

ganyan di ba ang pananaw ni Kimpoy?
na kumatha ng komiks na naroon?
na marahil sa isip din ng madla
kaya walang bago sa pulitika
pagkat sa trapo sila umaasa

kung sumasalamin iyon sa masa
aba'y Bayan Ko, saan ka papunta?

- gregoriovbituinjr.
01.09.2025

* larawan mula sa pahayagang Bulgar, 9 Enero 2025, p.5

Miyerkules, Enero 1, 2025

Bagong Taon, Lumang Sistema

BAGONG TAON, LUMANG SISTEMA

dumatal ang Bagong Taon, wala pa ring nagbago
maliban sa petsa, hirap pa rin ang mga tao
tingnan mo't bilihin ay kaytaas pa rin ng presyo
iyang kamatis nga, bawat piraso'y sampung piso

Bagong Taon, kapitalismo pa rin ang sistema
nariyan pa rin ang pulitikal na dinastiya
ang pondo ng serbisyo publiko'y binawasan pa
habang nilakihan ang badyet para sa ayuda

di pa rin itinataas ang sahod ng obrero
habang kita ng negosyante'y kaylaking totoo
mandarambong pa rin ang mga nangungunang trapo
wala pang kampanyahan, nangangampanya nang todo

Bagong Taon, may nagbago ba sa buhay ng dukha?
pagsasamantalahan pa rin ba ang manggagawa?
Bagong Taon, anong nagbago? wala, wala, WALA!
aba'y Bagong Taon, Lumang Sistema pa ring sadya!

subalit panata ko, tuloy pa ring mangangarap
na itatayo ang lipunang walang naghihirap
ginhawa ng bawat mamamayan ay malalasap
isang lipunang pagkakapantay ang lalaganap

- gregoriovbituinjr.
01.01.2025