Lunes, Oktubre 21, 2024

Manggagawa naman

MANGGAGAWA NAMAN

banner ay taas-kamaong bitbit
"Manggagawa Naman" yaring sambit
ito ang dapat nating igiit
at sa masa tayo'y magsilapit

sigaw sa mga trapo: Tama Na!
sa masa: Baguhin ang sistema!
labanan ang kuhila, burgesya
at pulitikal na dinastiya

mundo'y binuhay ng manggagawa!
subalit sila pa ang kawawa!
paano kung walang manggagawa?
lahat ng kaunlaran ay wala!

magkapitbisig tayo, kabayan!
at isigaw: "Manggagawa Naman"
at sila'y iluklok natin upang
pamunuan ang pamahalaan

- gregoriovbituinjr.
10.21.2024

Biyernes, Oktubre 18, 2024

Pamatid-gutom

PAMATID-GUTOM

muli, ang inulam ko'y ginisang sardinas
niluto lang dahil ayoko nang lumabas
basta katabi itong mga diksyunaryo
at mga nakapilang babasahing libro

bagamat lata ng sardinas ay kilala
bilang inuulam ng mga nasalanta
halimbawa, nasunugan at nabahaan
pinamimigay ay sardinas at noodles man

pang-evacuation center lang daw ang ganito
subalit huwag mong mamaliitin ito
sapagkat ilang ulit akong nakaraos
upang ako'y magpatuloy pa ring kumilos

di naman madalas, minsan ulam ko'y daing
kaya ibang ulam ay di na hahanapin
tulad ng sardinas, ito pa rin ay isda
ayos lang, basta mabusog at makatula

- gregoriovbituinjr.
10.18.2024

Huwebes, Oktubre 17, 2024

Pangarap

PANGARAP

masasabi mo bang ako'y walang pangarap
dahil di pagyaman ang nasa aking utak
pag yumaman ka na ba'y tapos na ang hirap?
habang pultaym ako't nakikibakang tibak

hindi pansarili ang pinapangarap ko
kundi panlahat, pangkolektibo, pangmundo
na walang bukod o tinatanging kung sino
kundi matayo ang lipunang makatao

iniisip ko nga, bakit dapat mag-angkin?
ng libo-libong ektaryang mga lupain?
upang sarili'y payamanin? pabundatin?
upang magliwaliw? buhay ay pasarapin?

subalit kung ikaw lang at iyong pamilya
ang sasagana at hihiga ka sa pera
ang pinaghirapan mo'y madadala mo ba?
sa hukay, imbes na magkasilbi sa kapwa?

aba'y inyo na ang inyong mga salapi
kung sa pagyaman mo, iba'y maaaglahi
buti pang matayo'y lipunang makauri
para sa manggagawa pag sila'y nagwagi

- gregoriovbituinjr.
10.17.2024

Tinanggal sa trabaho dahil mataba

TINANGGAL SA TRABAHO DAHIL MATABA

nawalan ng trabaho dahil raw mataba
kawalang respeto ito sa manggagawa
ang nangyari sa kanya'y pambihirang sadya
ang ganyang palakad ay talagang kaysama

PBA courtside reporter daw siya noon
nagtrabaho sa pinangarap niyang iyon
subalit matapos ang sampung laro roon
ay wala na siyang iskedyul nang maglaon

may kinuhang mga reporter na baguhan
na maayos din naman ang pangangatawan
wala siyang isyu sa bago't nagsulputan
nagtaka lang siya nang trabaho'y nawalan

ang mga lalaki, pinupuri pa siya
dahil maayos ang pamamahayag niya
ang babaeng lider sa network, ayaw pala
sa kanya dahil raw sa katabaan niya

ay, nakagugulat ang kanyang pagtatapat
ang nangyaring kaplakstikan ay di marapat
diskriminasyon ito kung titingnang sukat
karapatan bilang manggagawa'y inalat

kaisa mo kami, reporter Ira Pablo
mabuti't malakas ang loob mong magkwento
ipaglaban ang karapatan ng obrero
nang matigil na ang patakarang ganito

- gregoriovbituinjr.
10.17.2024

* PBA - Philippine Basketball Association

Martes, Oktubre 15, 2024

Nilay sa hibik ni Doc Ben

NILAY SA HIBIK NI DOC BEN

opo, Doc Ben, tinalikuran ng marami
ang karangyaan sa buhay upang magsilbi
sa bayan, lalo't higit ay sa masang api
at pinagsamantalahan ng tuso't imbi

pinaglilingkuran natin ang mga kapos
nilalabanan ang sistemang umuubos
sa likas-yaman ng bayan, sinong tutubos?
iyang masa bang sama-sama sa pagkilos?

upang itayo ang lipunang makatao
at madurog ang sistemang kapitalismo
upang iluklok ang mula uring obrero
at magkauri'y kumilos ng kolektibo

bakit ba gayon, salat yaong sumasamba
sa dahilan ng kanilang hirap at dusa
marangyang buhay na'y wala sa aktibista
upang ipaglaban ang karapatan nila

salat ay naghahanap ng tagapagligtas
imbes sama-samang ipakita ang lakas
lagi na lang ang hanap ng masa'y mesiyas
imbes kumilos upang sistema'y magwakas

naghahanap din po ako ng tugon, Doc Ben
dahil sistemang bulok ang siyang salarin
na sakaling ito'y mapapalitan natin
dapat na lipunang makatao'y tiyakin

- gregoriovbituinjr.
10.15.2024

Lunes, Oktubre 14, 2024

Manggagawa ang lumikha ng kaunlaran

MANGGAGAWA ANG LUMIKHA NG KAUNLARAN

halina't masdan ang buong kapaligiran
tahanan, gusali, pamilihan, tanggapan,
paaralan, Senado, Kongreso, Simbahan, 
kamay ng manggagawa ang lumikha niyan

manggagawa ang lumikha ng kalunsuran
manggagawa ang lumikha ng kabihasnan
manggagawa ang lumikha ng kaunlaran
manggagawa ang lumikha ng daigdigan

kaya mabuhay kayong mga manggagawa
dahil sa mga kamay ninyong mapagpala
kasama ninyo'y magsasaka't mangingisda
lipunang ito'y pinaunlad at nilikha

maraming salamat sa inyo, pagpupugay!
huwag payagang inaapi kayong husay
ng sistema't dinadala kayo sa hukay
sulong, pagsasamantala'y wakasang tunay!

- gregoriovbituinjr.
10.14.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa ika-20 palapag ng pinagdausan ng isang pagtitipon