Lunes, Abril 29, 2024

Indian missile, nasa Pinas na

INDIAN MISSILE, NASA PINAS NA

BhraMos supersonic cruise missile na mula sa India
ang dumating sa bansa para raw armas sa gera
mahal man ito, bansa'y naghahanda na talaga
nang sa mundo'y ipakitang tayo'y may pandepensa

upang ipakitang bansa'y di basta makawawa
at di basta makagalaw ang nagbabantang bansa
missile upang ipagtanggol ang tinubuang lupa
habang kapitalista ng armas ay tuwang-tuwa

ang bansa'y nagiging magnet o balani ng sindak
ginawang base ng U.S. na EDCA ang inanak
siyam na base ng Kano sa bansa sinalaksak
habang Pinoy pag nagkadigma'y gagapang sa lusak

missile na iyan ay di naman sa atin tutubos
kundi mangwawasak lang ng mga buhay na kapos
dinadamay lang tayo sa digmaan, inuulos
ng U.S. at Tsinang bawat isa'y nais mapulbos

aralin natin ang kasaysayan ng rebong Ruso
masa'y di sinuportahan ang Tsar sa gera nito
kundi inorganisa nina Lenin ang obrero
upang mapalitan ang sistema nang magkagulo

tungkulin ng manggagawang itayo ang lipunan
nila, di ipagtanggol ang burgesya't mayayaman
dapat labanan ang tuso't elitistang gahaman
na pawang nagsibundatan at pahirap sa bayan

- gregoriovbituinjr.
04.29.2024

* Ulat mula sa pahayagang Abante, Abril 22, 2024, kasabay ng paggunita sa Earth Day

Linggo, Abril 28, 2024

Pinta para sa Kababaihan

PINTA PARA SA KABABAIHAN
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tatlong aktibidad ang dinaluhan ko nitong Abril 26, 2024, araw ng Biyernes. Una'y lumahok ako, kasama ang grupo kong KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod) sa raling pinangunahan ng PMCJ (Philippine Movement for Climate Justice) mula ikasiyam hanggang ikasampu ng umaga. Hinarang kami ng kapulisan sa Morayta. Ang ikalawa'y ang aktibidad ng FDC (Freedom from Debt Coalition) sa CHR (Commission on Human Rights) mula ikasiyam ng umaga hanggang ikalabindalawa ng tanghali. At ikatlo ay ang rali ng KPML, kasama ang Partido Lakas ng Masa - Urban Poor Committee, ZOTO-GMA, at ang grupong Kadamay mula ikatlo hanggang ikalima ng hapon sa harap ng tanggapan ng NHA (National Housing Authority) at sa DHSUD (Department of Human Settlement and Urban Development).

Ang una at ikatlo ay talagang rali. Kaya isang magandang pahinga mula sa rali ang idinaos na aktibidad ng FDC.

Matapos ang unang rali ay tumuloy agad ako sa Liwasang Diokno ng CHR kung saan idinaos ang Art and Painting activity ng Women's Committee ng FDC. Dumating ako roon sa ganap na ikalabing-isa ng umaga. Bagamat nakapagpinta na ako noon, halimbawa, sa mga pader katuwang ang mga kasama sa Climate Walk ng 2014 at 2023, iyon  ang una kong solong painting. Maraming salamat sa pagbibigay ng pagkakataon. Napaisip nga ako na kung kaya ko palang gumawa ng ganoon ay ituloy ko na sa mga libreng oras ko. Tulad ng pagkatha ng tula at maikling kwento ay hasain ko na rin ang aking sarili sa pagguhit ng larawan at pagpinta sa kambas.

Kasama ko sa litrato rito ang batikang pintor na si kasamang Lito Ringor ng ZOTO, habang kinatawan naman ako sa nasabing aktibidad ng XDI (Ex-Political Detainees Initiative) at KPML bilang kanilang sekretaryo heneral.

Kumatha ako ng tula hinggil dito.

PINTA PARA SA KABABAIHAN

buti't dumalo ako sa aktibidad na iyon
ng Women's Committee ng Freedom from Debt Coalition
paksa'y isyung kababaihan at kanilang misyon
at ako'y lumahok sa pagpipintang nilalayon

matapos ang rali sa Morayta hinggil sa klima 
agad nang naglakbay ng ikasampu ng umaga
upang sa Diokno Hall ng CHR ay pumunta
upang aking madaluhan ang doo'y paanyaya

binigyan ng kambas, pintura't pinsel, napaisip
babae't lalaki'y magkatuwang, aking nalirip,
sa paglaya ng uri, ng bayan, at ng daigdig
at nagpinta akong tila makatang nagpapantig

pinasa ko bagamat iyon lang ang nakayanan
una ko mang pinta'y maipagmamalaki naman
dahil mula iyon sa puso, diwa't karanasan
bilang manunulat at abang makata ng bayan

04.28.2024

* mga litratong kuha ng makatang gala sa nasabing aktibidad

Ka Apo Chua, Pambansang Alagad ni Balagtas 2024

KA APO CHUA, PAMBANSANG ALAGAD NI BALAGTAS 2024
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Siyam silang tumanggap ng Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas sa 50th Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) National Writers Congress at Ika-37 Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas. Inilunsad ito sa Gimenez Gallery ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Lungsod Quezon mula ikasiyam ng umaga hanggang ikalima ng hapon ng Abril 27, 2024, araw ng Sabado.

Kayganda ng tema ng nasabing Kongreso ng UMPIL: "Ang Manunulat Bilang Aktibista ng Kapayapaan". 

Isa sa mga nakatanggap dito ang matagal ko nang kakilalang si Ka Apo Chua, dahil siya ang mentor ng Teatro Pabrika, na kasapi ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) na kinilakhan ko na bilang maglulupa at organisador. Ginawaran si Ka Apo ng nasabing parangal sa kategoryang "Critisism in Filipino". Isa pa sa kakilala kong kasama niyang nagawaran ng parangal ay si Dean Jimmwel C. Naval (Fiction in Filipino) na isa sa aking naging mentor sa Palihang Rogelio Sicat (PRS) Batch 15, taon 2022, na proyekto ng Kolehiyo ng Arte at Literatura (KAL) ng UP Diliman.

Ang pito pa sa kanilang nakasama sa Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas ay sina: Antonio A. Aguilar Jr. (Hiligaynon Poetry and Fiction), Generoso B. Alcantara (Essay and Translation), Maria Felisa H. Batacan (Fiction in English), Jim Chiu Hung (Chinese Poetry and Essay), Fatima Lim-Wilson (Poetry in English), Ma. Cecilia Locsin-Nava (Literary History and Translation), at Felice Prudente Sta. Maria (Essay in English). Nagawaran naman ng Gawad Paz Marquez Benitez si Prof. Jerry C. Respeto ng Ateneo, habang pinarangalan ng Gawad Pedro Bukaneg ang The Writer's Bloc, Inc.

Narito ang nakasulat sa libretong inilabas ng UMPIL at binasa ni Prof. Joey Baquiran hinggil kay Prof. Apolonio B. Chua:

"Sa kanyang mga sanaysay at lathalaing nagtatanghal ng malalim na pang-unawa sa kalagayan ng mga manggagawa at manlilikhang-bayan na nadukal sa taos-pusong pakikiisa at matagal na pakikipamuhay sa kanila, at mula sa nagawang malapitang pagsaksi ay nalikom niya ang mga danas at kislap-diwang isinaakda sa mga aklat at panunuring pang-akademya. Napagtagumpayan niyang maipagpatuloy at maisabuhay sa loob at labas ng mga institusyon ang kabang-yaman ng kaalaman sa pamamagitan ng mga publikasyong nagpapatunay ng pananaw-sa-daigdig na makabayan at makatao, nagsusulong ng abanteng pagbabagong taglay ng sektor na tunay na lakas ng lipunang Filipino: ang mga manggagawa at artistang bayan."

Nasaksihan ko rin ang paglulunsad ng UP Press noong 2009 ng labindalawang aklat sa UP Vargas Museum, at isa sa inilunsad doon ang kanyang aklat na "Simulain: Dulambayan ng Manggagawa sa Konteksto ng Militanteng Kilusang Unyonismo (1980-1994). At doon mismo'y binigyan niya ako ng kopya ng aklat, na hanggang ngayon ay aking iniingatan.

Kumatha ako ng tula para kay Ka Apo Chua:

KA APO CHUA, MAGITING NA GURO, MAPAGPALAYA

Ka Apo Chua, mentor ng grupong Teatro Pabrika
sa pagkilos ng obrero'y matagal nakasama
kaya sa pag-awit ng manggagawa sa kalsada
at mga pagtitipon ay hahanga kang talaga

Ka Apo Chua, matanda na subalit malakas
isang guro sa Unibersidad ng Pilipinas
sa kanyang pagsisikap tungo sa malayang bukas
ginawaran ng Pambansang Alagad ni Balagtas

isang parangal na sa UMPIL ay nasaksihan ko
nang inilunsad ang kanilang Pambansang Kongreso
siyam silang mahuhusay na ginawaran nito
pagpupugay sa kanilang siyam, kami'y saludo

kay Ka Apo Chua, taas-kamaong pagpupugay!
sa mga ambag mo sa obrero't bayan, mabuhay!

04.28.2024

* mga litratong kuha ng makatang gala sa ika-50 Kongreso ng UMPIL, Abril 27, 2024
UMPIL - Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas

Martes, Abril 23, 2024

Pulahan

PULAHAN

ako nga ba ay isang pulahan
na dapat lang daw i-redtag naman
ngayon na ba'y isang kasalanan
ang pagkilos nang para sa bayan

may pula nga sa ating bandila
tanda ng magigiting sa bansa
na lumaban para sa paglaya
mula mananakop na Kastila

pula ang kulay ng ating dugo
pula ang dumadaloy sa puso
pag nasugatan tatapang lalo
tinalupa't balat ma'y maghalo

itayo'y makataong lipunan
karapatang pantao'y igalang
pati panlipunang katarungan
prinsipyong iyan ba'y kasalanan

pawis sa noo'y tumatagaktak
ngunit di mapagapang sa lusak
ang tulad kong Spartan na tibak
na di papayag na hinahamak

ay, siyang tunay, pulahan ako
tanda ng mapagpalayang tao
e, ano, pulahan ang tulad ko
babarilin mo ba agad ako

kung ganyan ka, ikaw ang berdugo
pumapatay ng walang proseso
mga halang ang bituka ninyo
kayong bulok nga ang pagkatao

- gregoriovbituinjr.
04.23.2024

* litrato mula sa app game na Word Connect

Lunes, Abril 22, 2024

Kalikasan

KALIKASAN

sino pang magtutulong
kung tayo'y ginagatong
ng klimang urong-sulong
na dulot ay linggatong

sistemang capitalist
bayan na'y tinitikis
isigaw: Climate Justice
wakasan ang Just-Tiis

- gregoriovbituinjr.
04.22.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa Global Climate Strike, Liwasang Aurora, Quezon City Memorial Circle, Setyembre 20, 2019.

Ngayong Earth Day

NGAYONG EARTH DAY

halina't tayo'y magsikilos
para sa kalikasang lubos
at nang masa'y makahulugpos
sa sistemang mapambusabos

kapitalismo'y mapangyurak
dignidad ng tao'y hinamak
dukha'y pinagapang sa lusak
ang kalikasan pa'y winasak

ngayong Earth Day ay magkaisa
upang baguhin ang sistema
dignidad ay bigyang halaga
kapitalismo'y palitan na

protektahan ang sambayanan
hanggang maitayo ng bayan
yaong makataong lipunan
at maayos na daigdigan

- gregoriovbituinjr.
04.22.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa Global Climate Strike, na ginanap sa Liwasang Aurora, Quezon City Memorial Circle, Setyembre 20, 2019.

Linggo, Abril 21, 2024

Pagbabalik

PAGBABALIK

nakabalik na sa Pilipinas,
este Maynila, galing Batangas
upang gampanan ang inaatas
na pagtayo ng sistemang patas

kaya marapat ding isabuhay
ang pangarap na yakap na tunay
kaya patuloy na nagsisikhay
nang lipunang asam ay mataglay

tila lamay ay isang bakasyon
upang tuparin ang nilalayon
ngunit patuloy pa rin sa misyon
ang tibak na ito hanggang ngayon

kaya maghahanda ang makata
kasama'y nakikibakang dukha
upang maisiwalat sa madla
ang yakap na misyon at adhika

- gregoriovbituinjr.
04.21.2024

Lunes, Abril 15, 2024

Pangarap

PANGARAP

pinagsisikapan kong marating
ang lipunang asam ng magiting
tulad ngayon, kahit bagong gising
at ang maybahay ko'y naglalambing

paanong ginhawa'y malalasap
ng pinaglalabang mahihirap
paanong layon ay maging ganap
nang kamtin ang lipunang pangarap

tuloy ang laban ng aktibista
giya ang mga isyu ng masa
patuloy kaming nakikibaka
para sa karapata't hustisya

babaguhin itong nakagisnang
bayan ng tiwali't kabulukan
itayo'y makataong lipunang
sa masa'y dapat may kabuluhan

- gregoriovbituinjr.
04.15.2024    

Sabado, Abril 13, 2024

Bukangliwayway

BUKANGLIWAYWAY

ang pagkasilang ay kapara ng bukangliwayway
ating magulang ay kaysaya't isang bagong araw
pag-uha ng sanggol ay tanda ng pag-asa't buhay
pag narinig ng iba'y palakpak at di palahaw

magsasaka'y gising na bago magbukangliwayway
paparoon na sa bukid kasama ng kalabaw
mag-aararo at magtatanim ng gintong palay
hanggang mag-uhay, pati gulay, okra, bataw, sitaw

manggagawa'y gising na sa pagbubukangliwayway
papasok sa trabaho, may panggabi, may pang-araw
sa pabrika'y binenta ang lakas-paggawang tunay
sa karampot na sahod ang metal ay tinutunaw

O, bukangliwayway, sa bawat aking pagninilay
matapos ang takipsilim, ikaw nama'y lilitaw
upang sambayanan ay gabayan, tula ko'y tulay
sa masa, tanda ng pag-asa't hustisya ay ikaw

- gregoriovbituinjr.
04.13.2024

Huwebes, Abril 11, 2024

Salin wika sa LRT2

SALIN WIKA SA LRT 2

minsang sumakay sa Cubao ng LRT2 
na balak bumaba sa estasyon sa Recto
paskil sa tren ay kinunan ko ng litrato
Ingles ay sinalin sa wikang Filipino

"Keep hands away from the door edge."
"Huwag ilagay ang kamay sa gilid ng pinto."

"Do not lean on train doors."
"Huwag sumandal sa pinto ng tren."

"Emergency brake and door open handle."
"Pangkagipitang preno at tatangnan ng pinto."

"Break cover, turn handle to apply brake..."
"Basagin ang takip, pihitin ang tatangnan para sa preno..."

"...and unlock door in emergency."
"...at para mabuksan ang pinto sa sandali ng kagipitan."

"Emergency use only."
"Gamitin lamang sa sandali ng kagipitan."

"Penalty for improper use."
"May parusa sa hindi wastong paggamit."

maraming salamat sa wastong pagsasalin
na kauna-unawa habang sakay sa tren
pag nabasa ng masa'y talagang susundin
na nasa wikang pambansang talagang atin

- gregoriovbituinjr.
04.11.2024

Gagawin ko't muling gagawin

GAGAWIN KO'T MULING GAGAWIN

gagawin ko't muling gagawin ang pagkatha
pagkat ito na'y misyon ng abang makata
sa buhay na iwi, umakda ng umakda
ng maikling kwento, sanaysay, dagli't tula

gagawin ko't muling gagawin ang magrali
pagkat tibak akong sa bayan nagsisilbi
upang lipunang asam sa madla'y masabi
upang kalagayan ng dukha'y mapabuti

gagawin ko't gagawin ang makapagturo
kung paano sa sistemang bulok mahango
ang dukha't manggagawang laging ginogoyo
ng kapitalistang tuso't trapong hunyango

gagawin kong muli't muli ang makibaka
nang masa'y kamtin ang panlipunang hustisya
sa madla'y patuloy na mag-oorganisa
upang palitan na ang bulok na sistema

gagawin ko't gagawin ang pananaludtod
habang lipunang asam ay tinataguyod
kumayod mang kumayod, kahit walang sahod
magtutugma't sukat nang walang pagkapagod

- gregoriovbituinjr.
04.11.2024

* litrato mula sa app game na Word Connect

Miyerkules, Abril 10, 2024

Larawan ng magigiting

LARAWAN NG MAGIGITING

nakita kong nakapaskil ang isang ulat
sa burol ni Ka RC nang magpunta ako
makasaysayang tagpo yaong nadalumat
kaya sa selpon ay kinunan ng litrato

aba'y magkasama sa Kill VAT Coalition
na tatlong dekada na ang nakararaan
ang nagisnan kong lider ng kilusan noon
sina RC Constantino at Popoy Lagman

mga dagdag sa dokumentasyon at sa blog
upang mabatid ng sunod na salinlahi
kung sino ang mga lider nating matatag
na nilabanan ang burgesyang naghahari

isang pagkakataong di ko pinalampas
nang pinitikan agad sa selpon kamera
ang kinunang litrato'y mahalagang bakas
na sa aklat ng historya'y dapat isama

- gregoriovbituinjr.
04.10.2024

* nakasulat sa caption ng litrato: "Leaders of the Kill VAT Coalition raise their hands to show unity in their struggle against the tax measure. Fourth from right is former guerilla leader Filemon Lagman who announced his plan to join the movement."
* Gayunman, sa inilabas na pahayag sa pahina ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), na nasa kawing na https://www.facebook.com/photo?fbid=738916498412634&set=a.163224469315176
Pinamunuan ni kasamang RC ang multisektoral na koalisyong Sanlakas, at dito ay naging krusyal ang kanyang paglahok sa mga malalapad na pormasyon at mga palikibaka, gaya ng:
- laban sa kontra-mamamayang pagbubuwis (sa mga koalisyong KOMVAT o Koalisyon ng Mamamayan laban sa VAT)...
* litratong kuha ng makatang gala sa burol ni RC, dating pangulo ng Sanlakas, 04.08,2024

Higit tatlong dekadang pagkilos

HIGIT TATLONG DEKADANG PAGKILOS

higit tatlong dekadang pagkilos
higit dalawang dekadang pultaym
yakap na prinsipyo'y sadyang taos
at talagang di na mapaparam

asam ay lipunang makatao
at mabuwag ang sistemang bulok
gagawa nito'y uring obrero
na dudurog din sa trapo't bugok

nawa sa pang-apat na dekada
ay matanaw na rin ang tagumpay
sa mga kasamang nakibaka
ay taaskamaong nagpupugay

di magsasawa, di mapapagod
patuloy pa rin sa adhikain
na parang kalabaw sa pagkayod
nang lipunang pangarap ay kamtin

- gregoriovbituinjr.
04.10.2024

Martes, Abril 9, 2024

Pagpupugay sa mga kasama ngayong Araw ng Kagitingan

PAGPUPUGAY SA MGA KASAMA
NGAYONG ARAW NG KAGITINGAN

pagpupugay sa lahat ng mga kasama
na patuloy at puspusang nakikibaka
upang makamit ang panlipunang hustisya
na kaytagal nang asam ng mayoryang masa

kayo'y mga magigiting na lumalaban
sa laksang katiwalian at kabulukan
ng sistema sa bansang pinamumunuan
ng burgesya, elitista't trapong gahaman

patuloy na bakahin ang ChaCha ng hudas
na nais distrungkahin ang Saligang Batas
upang ariin ng dayo ang Pilipinas
at maraming batas ang kanilang makalas

bakahin ang salot na kontraktwalisasyon
pati banta ng ebiksyon at demolisyon
panlipunang hustisya'y ipaglaban ngayon
at ilunsad ang makauring rebolusyon

sa Araw ng Kagitingan, magpasyang sadya
tayo na'y magkaisa at magsipaghanda
nang sistemang bulok na'y tuluyang mawala
mabuhay kayo, kapwa dukha't manggagawa!

- gregoriovbituinjr.
04.09.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa UST España noong Mayo Uno 2023

Panata

PANATA

gagawin ko / ang lahat ng / makakaya
upang kamtin / nitong masa / ang hustisya
kalaban ang / nang-aapi / sa kanila
aba'y lalo't / mga trapong / palamara

pinanata / sa kapwa ko / maralita
kasama rin / yaong uring / manggagawa
kami rito'y / aktibistang / nakahanda
upang bulok / na sistema'y / maisumpa

kahit ako'y / nakayapak, / lalakarin
ang mahaba't / salimuot / na lakbayin
na malayang / hinaharap / ay tahakin
at lipunang / makatao'y / itatag din

hinahakbang / mang landasi'y / lubak-lubak
ay huwag lang / gagapangin / pa ang lusak
itong iwing / panata ma'y / munti't payak
lunggati kong / dukha'y di na / mahahamak

- gregoriovbituinjr.
04.09.2024

Linggo, Abril 7, 2024

Maglulupa

MAGLULUPA

ako'y isang maglulupang tibak
laging handa kahit mapahamak
basta mapalago ang pinitak
at dukha'y di gumapang sa lusak

diwa'y tuon pa ring tutuparin
yaring yakap naming adhikain
yapak man ay aking tatahakin
upang pinangarap ay marating 

dapat maging matatag palagi
nang sa maling gawa'y makahindi
at sa wastong daan manatili
pag biglang liko'y dapat magsuri

magabok man ang mga lansangan
o mainit ang nilalakaran
tulad namin ay di mapigilang
kumilos tungong lipunang asam

- gregoriovbituinjr.
04.07.2024

Arawang tubo, arawang subo

ARAWANG TUBO, ARAWANG SUBO

sa kapitalista, isip lagi'y arawang tubo
upang mga negosyo nila'y palaging malago
sa dukha, saan ba kukunin ang arawang subo
ginhawa't pagbabago'y asam ng nasisiphayo

ay, kitang-kita pa rin ang tunggalian ng uri
iba ang isip ng dukha't iba ang naghahari
kalagayan nila'y sadyang baligtad at tunggali
lagi nang walang ulam ang malayo sa kawali

paano nga ba babaguhin ang ganyang sitwasyon?
paanong patas na lipunan ay makamtan ngayon?
may lipunang parehas kaya sa dako pa roon?
o dukha na'y maghimagsik upang makamit iyon?

lipunang makatao'y asam naming aktibista
kaya kumikilos upang matulungan ang masa
simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka
malagot ang tanikala ng pagsasamantala

walang magawa ang mga pinunong nailuklok
pinapanatili pa nila ang sistemang bulok
panahon namang ganid na sistema'y mailugmok
at uring manggagawa'y ating ilagay sa tuktok

- gregoriovbituinjr.
04.07.2024

Plastik sa aplaya

PLASTIK SA APLAYA

reyunyon ng angkan malapit sa aplaya
upang salinlahi'y magkakila-kilala
kami'y nagdatinga't kumain ng umaga
hanggang magsimula na ang handang programa

hapon matapos ang programa't mga ulat
ay nagliguan na ang mag-angkan sa dagat
malinis ang buhangin, walang maisumbat
ngunit may natanaw pa ring plastik na kalat

wala namang nakitang coke na boteng plastik
liban sa pulang takip, tatlo ang nahagip
ganito nga marahil sa lugar na liblib
di gaya sa Manila Bay sa plastik hitik

tinipon na lang ang ilang plastik na ito
sa basurahan inilagak na totoo
saanman may kalikasan, kumilos tayo
pamana sa sunod na salinlahi't mundo

- gregoriovbituinjr.
04.07.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa isang dalampasigan, Abtil 6, 2024

Miyerkules, Abril 3, 2024

Ang paskil

ANG PASKIL

habang nakasakay / sa dyip ay nakita
ang paskil sa gitnang / isla ng lansangan
nalitratuhan ko / sa selpon kamera

may pagkilos noon / ang mga babae
pagkat araw iyon / ng kababaihan
ako'y nakiisa't / lumahok sa rali

Abante Babae / yaong nakasulat
bagong samahan ba / yaong naitatag
o isang paraan / na masa'y mamulat

ngayon nga'y patuloy / sa pinapangarap
na sistemang bulok / ay ating mawaksi
at ginhawa'y damhin / ng kapwa mahirap

maitayo natin / ang bagong sistema
at isang lipunang / makataong tunay
na ang mamumuno'y / manggagawa't masa

habang nasa dyip nga'y / aking nalilirip
darating ang araw / masa'y magwawagi
kaya magsikilos, / at huwag mainip

- gregoriovbituinjr.
04.03.2024

* litratong kuha ng makatang gala habang nasa España, Marso 8, 2024

Martes, Abril 2, 2024

Sa ika-236 kaarawan ni Balagtas

SA IKA-236 KAARAWAN NI BALAGTAS

ako'y taospusong nagpupugay
sa dakilang sisne ng Panginay
sa kanyang kaarawan, mabuhay!
sa kanya'y tula ang aking alay

pawang walang kamatayang obra
ang nasa akin ay akda niya
una'y itong Florante at Laura
ikalwa'y Orosman at Zafira

salamat, O, Francisco Balagtas
inspirasyon ka sa nilalandas
tungo sa nasang lipunang patas
at asam na sistemang parehas

mabuhay ka, dakilang makata
kaya tula'y aking kinakatha
na madalas ay alay sa madla
lalo na sa dukha't manggagawa

- gregoriovbituinjr.
04.02.2024

* Francisco Balagtas (Abril 2, 1788 - Pebrero 20, 1862)