Martes, Abril 26, 2022

Pagsagip

PAGSAGIP

tila ba tayo'y muling nabigo
pag nahalal ay trapong hunyango
tila ba pangarap ay gumuho
pagkat trapo muli ang naupo

wala na bang iba? tanong nila
sino bang sisisihin ng masa?
kaya naboto'y binoto nila!
anong aral dito'y makukuha?

may tumatakbong lider-obrero
upang mamuno bilang Pangulo
gusto kaya ng tao'y di trapo?
o gusto'y bata ng bilyonaryo?

tumakbo ang lider-manggagawa
may dalang plataporma't adhika
para sa nakararaming dukha
platapormang pantulong sa madla

sana'y masagip ang bayang sawi
laban sa bulok na naghahari
subukan naman di trapo kundi
lider-manggagawa'y ipagwagi

- gregoriovbituinjr.
04.26.2022

No to UniThieves!

NO TO UNITHIEVES!

ayoko sa pagkakaisa ng mandarambong
ayoko sa pagkakaisa ng sinungaling
ayoko sa pagkakaisa ng magnanakaw
ayoko sa pagkakaisa ng mga praning

ayokong iisahan tayo ng mandarambong
ayokong iisahan tayo ng sinungaling
ayokong iisahan tayo ng magnanakaw
ayokong iisahan tayo ng mga praning

kawawa lang ang bayan sa mga mandarambong
kawawa ang bayan sa pinunong sinungaling
huwag nating iboto ang mga magnanakaw
na pag sila'y nanalo, matutuwa ang praning

huwag nating hayaang bayan ay mapahamak
sa kandidatong mandarambong at sinungaling
na sarili lamang ang laging laman ng utak
huwag tayong padaya sa mga trapo't praning

No to UniThieves! Huwag naman sa mandarambong!
No to UniThieves! Huwag naman sa sinungaling!
No to UniThieves! Huwag naman sa magnanakaw!
Mayroon naman diyang matino't magagaling!

- gregoriovbituinjr.
04.26.2023

Kalat ng istiker

KALAT NG ISTIKER

mga tinanggal na papel
mula sa laksang istiker
kalat matapos magpaskil
sa mga poste at pader

mga basurang tinipon
na di sa daan tinapon
kung tutuusin, repleksyon
nitong kandidato ngayon

mabuting pamamahala
ay tatak ng manggagawa
na may magandang adhika
sa kalikasan at madla

pulos papel sa halalan
kalat ng pinagdikitan
ang bag muna'y basurahan
responsable ako riyan

habang tuloy sa pagdikit
istiker ay pinapagkit
nang madla'y makitang pilit
kandidato nating giit

pag basurahan nakita
saka sa bag tanggalin na
ang natipon kong basura
ganyan, munti kong sistema

- gregoriovbituinjr.
04.26.2022

Pagtatak

PAGTATAK

pitong tshirt yaong tinatakan
pagawang silkscreen na'y bininyagan
anong ganda ng kinalabasan
pulang letra'y tatak sa likuran

dahil harap ay Luke Espiritu
na itim naman ang tatak nito
itinatak natin ang numero't
pangalan ng ating kandidato

tila polyester ang tela niyon
telang plastik pag kinapa iyon
di gaya ng koton nang hinagod
pintura'y di bumakat sa likod

silkscreen na iyon ay pinagawa
bilang ambag sa ating adhika
na ipanalo ang manggagawà
at ang plataporma nilang akda

halina't kayo'y magpatatak din
nasa opis ang gamit na silkscreen
tshirt sa Inyo, hagod sa akin
libre lang, tshirt na'y inyong dalhin

- gregoriovbituinjr.
04.26.2022

Lunes, Abril 25, 2022

It's my time, huwag kang bastos

IT'S MY TIME, HUWAG KANG BASTOS

napuruhan ni Attorney ang dalawa pang attorney
"It's my time, huwag kang bastos!" sa isa'y kanyang sinabi
nakita iyon ng taumbayan sa isang debate
na balitaktakan ay maaanghang at matitindi
naupakan ni Espiritu sina Gadon at Roque

di pa tapos magsalita si Attorney Espiritu
ay sumabat na si Gadon na tingin sa iba'y bobo
si Gadon na tingin sa sarili'y magaling at bibo
siyang mahilig magmura sa tao ng tanginamo
ay napatahimik ng mahusay na lider-obrero

bukod kay suspended lawyer Gadon na kilalang bastos
may Isa pang abogadong sa debate'y nakatuos
kay Roque, "And now you're singing Aleluya and praise Marcos"
si Attorney Espiritu'y matindi ring bumatikos
napanganga ang madla't siya'y hinangaan ng lubos

dalawang pro-Marcos ay nagkaroon ng katapat na
sa panayam kay Espiritu ng C.N.N., si Pia
Hontiveros, bilang ng like sa twitter n'ya'y tumaas pa
komento'y bakit "huwag kang bastos, singing Aleluya"
"We have to expose these people for their lies," anya kay Pia

sana si Ka Luke Espiritu sa Senado'y maupo
nang maisakatuparan ang kanyang ipinangako
bilang na ang araw ng manpower agencies, ay, opo
dapat parasayt o lintang ahensyang ito'y maglaho
walang ambag sa produksyon, sa obrero:y sipsip-dugo

- gregoriovbituinjr.
04.25.2022

Sabado, Abril 23, 2022

Istikering sa Manda

ISTIKERING SA MANDA

nagdidikit pa rin ng istiker sa Mandaluyong
pag may bakanteng poste't pader, didikitan iyon
mga naiwang lider ay di basta makasulong
dahil matatanda't halos kaedaran ni Ninong

ngunit handa pa ring tumulong, ituloy ang laban
ng namayapang matanda't kami'y narito naman
para sa katiyakan nila sa paninirahan
nag-usap-usap dahil sa darating na botohan

may iilang nakuhang dapat ikabit na poster
subalit mas marami ang mga dalang istiker
naghahanap ng poste't mga didikitang pader
basta tanghali o hapon, dikit lang ng istiker

dalawang klaseng istiker ang sa bag ay dala ko
ang national minimum wage na sevenfifty peso
at kandidato sa Senado, Ka Luke Espiritu
isyu't lider-manggagawang nais maipanalo

kayrami ng istiker na kailangang maubos
at mauubos lamang iyon kung tayo'y kikilos
may kasama man o mag-isa ay gawin nang lubos
maging alisto lang pag may kalabang mangangalos

- gregoriovbituinjr.
04.23.2022

Biyernes, Abril 22, 2022

Oplan Dikit sa Cubao

OPLAN DIKIT SA CUBAO

nagsagawa ako ng solong Oplan Dikit
ng mga istiker sa kalsadang malapit
sa inuuwian, katawan na'y pinilit
lalo't kayraming istiker na ipapagkit

dalawang klaseng istiker ang mga ito
isa'y minimum wage na sevenfifty peso
across the board sa lahat ng rehiyon dito
at Attorney Luke Espiritu sa Senado

talagang dapat ang mga ito'y maubos
mauubos ito kung talagang kikilos
upang kandidato'y ikampanya ng taos
sa puso upang sila'y ipanalong lubos

habang naglalakad-lakad dito sa Cubao
solo-solong nagdidikit, kayod-kalabaw
ambag upang sila'y maipagwaging tunay
at makapwesto sila'y maganda nang pakay

- gregoriovbituinjr.
04.22.2022




Miyerkules, Abril 20, 2022

Sa pamamaril kina Ka Leody

SA PAMAMARIL KINA KA LEODY

nakabibigla ang mga naganap
habang sila ay nakikipag-usap
sa mga katutubo't nagsisikap
malutas ang isyung kinakaharap
ngunit buhay nila'y puntiryang ganap

pinagbabaril sina Ka Leody
ng kung sinong di pa natin masabi
natamaan ay ang kanyang katabi
kung nagawa sa magpe-presidente
lalong magagawa sa masang api

ayon sa ulat ay nangyari iyon
sa Barangay Butong, Quezon, Bukidnon
sa tribu ng Manobo-Pulangiyon
lima ang sugatan sa mga iyon
buti't walang namatay sa naroon

pinagtangkaan ang kanilang buhay
ng kung sinong mga nais mang-agaw
ng lupang ninunong talagang pakay
bago iyon ay niralihang tunay
ang minahan, isyu iyong lumitaw

walang negosasyon, sadyang madugo
pag patungkol na sa lupang ninuno
na nais maagaw sa katutubo
isyung dapat ngang malutas ng buo
buti't walang namatay, salamat po

ingat kayo diyan, mga kasama
sa patuloy ninyong pangangampanya
sana, biktima'y kamtin ang hustisya
sinumang maysala'y mapanagot pa
isyu'y mapag-usapan, malutas na

- gregoriovbituinjr.
04.20.2022

* mga litrato mula sa fb

Sabado, Abril 16, 2022

Pantatak

 PANTATAK

silkscreen o pantatak sa tshirt ay ipinagawa
ng maralita upang sa opis magtatak sadya
na ambag sa kandidato ng uring manggagawa
nang makilala sila't magkapag-asa ang madla

pag-asang di makita sa nagdaang mga trapo
na laging ipinapako ang pangako sa tao
sistemang neoliberal ay patuloy pang todo
na imbes magserbisyo, una lagi ang negosyo

simpleng ambag ng mga maralita ang pantatak
ng tshirt, kahit dukha'y patuloy na hinahamak
minamata ng matapobre, gapang na sa lusak
dukhang masipag ngunit gutom, sigat na'y nag-antak

magdala ng pulang tshirt, pantatak sagot namin
ganyan ang maralitang sama-sama sa layunin
sa mumunting kakayahan nag-aambagan pa rin
upang ipagwagi ang mga kandidato natin

- gregoriovbituinjr.
04.16.2022

Biyernes, Abril 15, 2022

Paglilingkod

PAGLILINGKOD

isyu ng bayan ang talagang dapat salalayan
ng paglilingkod para sa kapakanan ng tanan
bakit di isyu ng trapo't elitistang gahaman?
dahil di negosyo ang maglingkod sa sambayanan

mabuting pamamahala, trabaho, edukasyon
pantay na sahod ng manggagawa sa buong nasyon
kalusugan at karapatan, pangunahing layon
pag kamtin, balang araw, kami sa inyo'y lilingon

di lang usapin ang pagbangon ng agrikultura
kundi kagalingan din ng buhay ng magsasaka
at ng manggagawang nagpaunlad ng ekonomya
ng bayan, nawa'y kamtin ang panlipunang hustisya

O, Kandidato, sa Kongreso man o sa Senado
gobernador o meyor ng lungsod o probinsya n'yo
sa sambayanan sana'y maglingkod kayong totoo
di sa kapitalista, di sa elitista't trapo

kung sakaling kayo'y manalo, gawin ang marapat
sa mamamayan kayo'y magsilbing tunay at tapat
di para sa interes ng ilan kundi ng lahat
dahil diyan kami sa inyo'y magpapasalamat

- gregoriovbituinjr.
04.15.2022

Leyon

LEYON

minsan, katulad ko'y umaangil na leyon
sa harapan ng sumisingasing na dragon
kung lumaban, nag-iisip ng mahinahon
upang bayan ay makasama sa pagbangon

haharapin anumang dumatal na sigwa
at paghahandaan ang darating na digma
kakabakahin ang trapo't tusong kuhila
na sa bayan ay mang-aapi't kakawawa

habang sinusuri ang sistemang gahaman
bakit laksa'y dukha, mayaman ay iilan
pinagpala lang ba'y iilan sa lipunan?
aba'y dapat baguhin ang sistemang ganyan!

itayo ang isang lipunang makatao
para sa lahat, dukha man sila't obrero
lingkod bayan ay di sa trapo magserbisyo
kundi sa sambayanan, karaniwang tao

buhay ko na'y inalay para sa pangarap
lipunang patas, di lipunang mapagpanggap
baguhin ang sistema't iahon sa hirap
ang madla't sama tayong kumilos ng ganap

dignidad ng tao ang siyang pangunahin
upang panlipunang hustisya'y ating kamtin
ang dignidad ng paggawa'y iangat natin
ito'y sadyang pangarap na dapat tuparin

- gregoriovbituinjr.
04.15.2022

KaLeWa

KALEWA

isang lider-manggagawa, KA LEody de Guzman
at WAlden Bello, propesor, aktibistang palaban
mahuhusay na lider, pambato ng sambayanan
silang ating kasangga, ipanalo sa halalan

di makakanan, KaLeWa - Ka Leody at Walden
na bagong pulitika naman ang dala sa atin
di trapo, di elitista, sila'y kauri natin
sistemang pantay, lipunang patas ang adhikain

baguhin ang sistemang bulok ang kanilang misyon
makakanang sistemang diktador, tapusin ngayon
kamtin ang hustisyang panlipunan ang nilalayon
wawakasan din ang salot na kontraktwalisasyon

wawakasan pati neoliberal na sistema
kung saan patuloy na bundat ang kapitalista
habang pahirap ng pahirap ang buhay ng masa
misyon ng KaLeWa ay dapat matupad talaga

para sa uri, para sa bayan, para sa bansa
para sa magsasaka, manininda, manggagawa
para sa kababaihan, kabataan, at dukha
tara, ating ipanalo ang tandem na KaLeWa

- gregoriovbituinjr.
04.16.2022

Huwebes, Abril 14, 2022

Ka Walden

KA WALDEN

numero dos si Ka Walden Bello
para sa pagka-Bise Pangulo
propesor, magaling, matalino
aktibista, palabang totoo

ah, kailangan siya ng bayan
adhika'y baguhin ang lipunan
walang mahirap, walang mayaman
sebisyo'y panlahat, di sa ilan

librong isinulat na'y kayrami
isyung pandaigdig, may sinabi
iba't takot makipag-debate
sa kanya, katwira'y matitindi

sa mali'y matinding bumatikos
di basta sumasama sa agos
kilala rin siyang anti-Marcos
siya ang kasangga nating lubos

ating kandidato, si Ka Walden
sa kanya, ang karapatan natin
ay ipinaglalabang mariin
tara, siya'y ipanalo natin

- gregoriovbituinjr.
04.14.2022

Kalbaryo ng pagmamahal

KALBARYO NG PAGMAMAHAL

mahal na araw, mahal na kuryente, pagmamahal
ng pangunahing bilihin, talagang nagmamahal
tila ba bulsa't sikmura ng masa'y binubuntal
ng matinding dagok ng kapitalistang garapal

ah, patuloy ang kalbaryong ito ng maralita,
ng konsyumer, ng mababang sahod na manggagawa
pagmamahalang ito'y di maipagkakaila
sa bawat konsyumer ng kuryente'y kasumpa-sumpa

doon sa tapat ng Meralco'y kayraming lumahok
sa Kalbaryo ng mga Konsyumer, kaytinding dagok
na pasan-pasan na talagang nakapagpalugmok
sa buhay ng masang ang ginhawa'y di na maarok

O, Meralco, hanggang kailan mo pahihihirapan
sa mahal mong kuryente ang kawawang mamamayan
O, mamamayan, magkapitbisig tayo't labanan
ang ganitong kasakiman sa tubo ng iilan

- gregoriovbituinjr.
04.14.2022

* litratong kuha ng makatang gala sa tapat ng tanggapan ng Meralco sa Ortigas, 04.13.2022

Miyerkules, Abril 13, 2022

Hibik sa Meralco

HIBIK SA MERALCO

aba'y kaytindi't mayroon na namang dagdag-singil
ang Meralco, aray ko po, ngayong buwan ng Abril
kada kilowatt-hour, higit limampung sentimo
kaya mamamayan talaga'y napapa-aray ko
di magkandaugaga, kaybaba naman ng sahod
kulang na lang yata'y magmakaawa't manikluhod
huwag kayong ganyan, dupang kayong kapitalista
bundat na kayo'y pinahihirapan pa ang masa
kandakuba na para may pambayad lang sa inyo
e, di naman tumataas ang sahod ng obrero
O, Meralco, babaan n'yo ang singil sa kuryente
parang masa'y lagi na lang ninyong sinasalbahe
O, mamamayan, galit nati'y ipakita naman
at ganyang bulok na sistema'y dapat nang palitan

- gregoriovbituinjr.
04.13.2022

* isyu batay sa balita sa Inquirer na may pamagat na:
Meralco rate hike in April biggest so far this year

Huwag magpabudol sa mandarambong

HUWAG MAGPABUDOL SA MANDARAMBONG

huwag hayaan sa kamay ng mandarambong
ang kinabukasan ng ating mga anak
pakatandaan natin kung nais isulong
ang magandang bukas ng ating mga anak

Budol-Budol Muli? aba'y maawa kayo
sa kakarampot na ayudang ibibigay
limang kilong bigas o limang daang piso
boto n'yo'y sa mandarambong pa iaalay

pera'y tanggapin ngunit iboto ang tama
para sa kaaya-ayang kinabukasan
huwag padala sa pangako ng kuhila
na paulit-ulit lamang tuwing halalan

ang pagboto sa trapo'y punong walang lilim
kahirapan ng bayan ay di nilulutas
pagboto sa mandarambong, kapara'y lagim
huwag magpabudol sa mga talipandas

tama na, sobra na ang mga trapong salot
huwag hayaan sa kamay ng mandarambong
ang bukas ng mga anak, nakakatakot
kung mabubudol muli ng mga ulupong

- gregoriovbituinjr.
04.13.2022

Martes, Abril 12, 2022

Sa Pulang Araw ng Paggawa

SA PULANG ARAW NG PAGGAWA

dalawang linggo pa ang Pulang Araw ng Paggawa
halina't papulahin itong araw na dakila
pula nating kamiseta ay atin nang ihanda
pulang araw na ito'y ipagdiwang nating sadya

ang Mayo Uno'y pulang araw na makasaysayan
kung saan manggagawa'y nagkaisang ipaglaban
ang paggawang otso-oras sa mga bayan-bayan
at pangarap na ito'y naipagwaging tuluyan

dati'y labing-anim na oras o katorse oras
dose oras na paggawa, na nakitang di patas
tulog lang ang pahinga, wala kasi noong batas
hinggil sa pagtatrabaho kung hanggang ilang oras

sa Haymarket Square, malaking rali sa Chicago
Mayo Uno nang simulan upang maipanalo
ang walong oras na paggawang nais ng obrero
hanggang hiling na otso-oras ay maipanalo

kaya pag Mayo Uno, manggagawa'y nakapula
dahil sa panalong dakila'y naging tradisyon na
sa Pulang Araw ng Paggawa, halina't magpula
kasaysayan itong dapat nating ipaalala

- gregoriovbituinjr.
04.12.2022

Linggo, Abril 10, 2022

Atty. Luke para Senador

ATTY. LUKE PARA SENADOR

kasangga ng dukha't obrero
si Attorney Luke Espiritu
palaban man ay makatao
ilagay natin sa Senado

abogado ng manggagawa
at kakampi ng maralita
lider-obrerong may adhika
para sa bayan at sa madla

makatarungan ang mithiin
para sa manggagawa natin
manpower agencies, buwagin
sapagkat linta lang sa atin

anong buti ng nilalayon
upang obrero'y makabangon
salot na kontraktwalisasyon
ay tuluyang wakasan ngayon

ang manggagawa'y nagtitiis
sa lintang manpower agencies
nanipsip ng kanilang pawis
na dapat talagang maalis

kaya pag siya ay nanalo
katapusan ng lintang ito
iboto, Ka Luke Espiritu
ilagay natin sa Senado

- gregoriovbituinjr.
04.10.2022

Sinong iboboto mo?

SINONG IBOBOTO MO?

sinong iBoBoto Mo? ang tanong nila sa akin
syempre, 'yung di mandarambong o sa bayan, may krimen
di mula sa pamilya ng pahirap na rehimen
syempre, 'yung magaling, at sa masa'y may pusong angkin

syempre, pulang manggagawa, di pulang magnanakaw
syempre, 'yung kasangga ng magsasaka araw-araw
ng mga manggagawang talagang kayod-kalabaw
ng mga dukhang sa dusa't hirap na'y sumisigaw

syempre, 'yung karapatang pantao'y nirerespeto
at hustisyang panlipunan ay kakamting totoo
syempre, 'yung di mayabang, palamura, barumbado
at di rin mandarambong, hunyango, gahaman, trapo

kailangan natin ng pangulong di pumapatay
ng inosenteng tao't kabataang walang malay
pangulong matino, pamamalakad ay mahusay
kapakanan ng masa ang sa kanya'y unang tunay

may pambihirang pagkakataon sa kasaysayan
na di trapo yaong tumatakbo sa panguluhan
kundi lider-manggagawa, Ka Leody de Guzman
ngayon na ang tamang panahon, Manggagawa Naman!

- gregoriovbituinjr.
04.10.2022

Sabado, Abril 9, 2022

Manpower agencies ay mga parasite

MANPOWER AGENCIES AY MGA PARASITE

kay Ka Luke Espiritu, priority legislation
pag nanalong Senador sa halalang ito ngayon
buwagin lahat ng manpower agencies na iyon
extra layer lang itong walang silbi sa produksyon

tinawag niyang mga parasayt ito o linta
pagkat kontraktwal ay mananatiling kontraktwal nga
sa ahensya kunwa ang trabaho ng manggagawa
di sa kumpanyang kaytagal pinagsilbihang sadya

parasayt o linta ang mga manpower agencies
na nabubuhay lang sa pagsagpang sa ibang pawis
ang trilateral work arrangement ay iskemang daplis
na sa kontraktwalisasyon, obrero'y nagtitiis

mga manpower agencies ay bakit nga ba linta?
dahil nagkukunwaring employer ng manggagawa
pag nagtanggal, sasabihin ng kumpanyang kuhila
di nila trabahador ang nasabing manggagawa

sinagkaan ang employer-employee relationship
nang dugo't pawis ng obrero'y kanilang masipsip
manpower agencies ay lintang walang kahulilip
sa salot na ito, manggagawa'y dapat masagip

manpower agencies ay walang ambag sa produksyon
kundi manipsip ng dugo ng paggawa ang layon
ang pagbuwag sa manpower agencies ang solusyon
upang wakasan ang salot na kontraktwalisasyon

kung manalo sa Senado si Ka Luke Espiritu
isusulong niya ang Security of Tenure Law
mga manggagawa'y maging regular sa trabaho
may disenteng sahod, karapatang demokratiko

- gregoriovbituinjr.
04.09.2022

* panoorin ang sinabi ni Ka Luke Espiritu kaharap ang iba pang senatoriables sa

Mahal na tubig

MAHAL NA TUBIG

nagmamahal na ang tubig ngayon
dahil na rin sa pribatisasyon
anong ating dapat maging aksyon
upang taas ng presyo'y may tugon

nais ng ating mga pambato
sa halalan kung sila'y manalo
tanggalin sa kamay ng pribado
iyang serbisyong para sa tao

pamurahin ang presyo ng tubig
upang masa'y di naman mabikig
sa presyong sa madla'y mapanglupig
kita ng kapitalista'y liglig

kitang siksik, liglig, umaapaw
masa'y tinarakan ng balaraw
kaymahal ng tubig araw-araw
mga negosyante'y tubong lugaw

tapusin na iyang kamahalan
at paglingkuran naman ang bayan
iboto, Ka Leody de Guzman
bilang Pangulo, ating sandigan

buong line-up nila'y ipagwagi
ipanalo sila'y ating mithi
upang sistemang bulok ay hindi
na mamayagpag o manatili

- gregoriovbituinjr.
04.09.2022

Biyernes, Abril 8, 2022

Kuryenteng mahal

KURYENTENG MAHAL

presyo ng kuryente sa bansa'y talagang kaytaas
sa Asya, pangalawa'y Japan, una'y Pilipinas
paano ba natin ito agarang malulutas
yumayaman lang ang kapitalistang balasubas

masa'y kawawa sa mahal na presyo ng kuryente
anong ginawa ng gobyernong parang walang silbi
di ba nila ramdam? ang bayan na'y sinasalbahe
negosyante ng kuryente pa ang kinukunsinti

kumikita ba ang gobyerno sa kuryenteng mahal
kaya walang magawa, masa man ay umatungal
labis-labis na ang kamahalang nakasasakal
para bang dibdib ng masa'y tinarakan ng punyal

tama na, sobra na, presyo ng kuryente'y ibaba
upang di masyadong mabigatan ang maralita
kung magpapatuloy ang ganito, kawawang bansa
pagkat ang gobyerno palang ito'y walang magawa

dapat na magsilbi kang tunay, O, pamahalaan
pamurahin ang kuryenteng gamit ng sambayanan
kaming mga konsyumer dapat ninyong protektahan
price control sa kuryente'y inyong ipatupad naman

- gregoriovbituinjr.
04.08.2022
* binasa't binigkas ng makatang gala sa pagkilos sa harap ng tanggapan ng ERC (Energy Regulatory Commission)

Huwebes, Abril 7, 2022

Abril 7 - World Health Day

ABRIL 7 - WORLD HEALTH DAY

ikapito ng Abril ay ating ginugunita
Pandaigdigang Araw ng Kalusugan ng madla
dapat walang maiiwan kahit kaawa-awa
lalo't nag-pandemya, kayraming buhay ang nawala

ngayong World Health Day ay nais nating maiparating
sa kinauukulan ang ating mga hinaing
na sa pansitan sana'y huwag matulog, humimbing
kundi kalusugan ng bayan ay dingging matining

universal health care ay ipatupad at pondohan
pandemya sa kalusuga't kahirapan, wakasan
panlaban sa virus ay tiyakin sa mamamayan
pagpapagamot at gamot sana'y di magmahalan

tarang magbedyetaryan, kumain ng bungang hinog
at magsikain ng mga gulay na pampalusog
nang lumakas ang katawan, lumitaw ang alindog
malabanan ang sakit, ubo, tibi, kanser, usog

World Health Day sa bawat bansa'y dapat alalahanin
sakit ng kalingkingan, dama ng katawan natin
ang gamot ay pamurahin, agham ay paunlarin
nakasaad sa universal health care sana'y tupdin

- gregoriovbituinjr.
04.07.2022

Miyerkules, Abril 6, 2022

Tarp na baligtad

TARP NA BALIGTAD

bakit tarp ay baligtad, takot kaya sila roon?
takot dahil pambáto roo'y trapong mandarambong?
malakas daw sa surbey, baka manalong malutong?
maaari sanang maiayos ang tarp na iyon

aba'y naglagay nga ng tarp ng Manggagawa Naman
ngunit baligtad, parang sa araw lang pananggalang
aba'y ginawa lang trapal sa naroong tindahan
nadaanan ko lang ito kaya nilitratuhan

ito kaya'y simbolo ng tákot ng maralita?
sa punong bayan nila, na dala'y trapong kuhila
tila ba kandidato natin ay kaawa-awa
gayong kandidato'y kauri nating mga dukha

nasa lungsod iyon ng namumunong dinastiya
takot pa ang masa, na baka raw matukoy sila
baka sila'y di bigyan ni mayora ng ayuda
ganitong sistemang trapo'y dapat lang wakasan na

kung paniwala'y tama, huwag padala sa takot
dapat tapusin na ang panahong buktot-baluktot
wakasan na iyang dinastiya, trapo't kurakot
kung di ngayon, kailan pa sistema'y malalagot?

- gregoriovbituinjr.
04.06.2022

Makasaysayang pagtakbo

MAKASAYSAYANG PAGTAKBO

makasaysayang pagkakataon para sa bayan
ang pagtakbong Pangulo ni Ka Leody de Guzman
di trapo, di bilyonaryo, at di rin nagpayaman
subalit marangal, matino, Manggagawa Naman!

dati, tumatakbo'y mula sa dinastiya't trapo
walang pagpilian ang mamamayang bumoboto
kaya halalan ay itinuring na parang sirko
maboboto basta sumayaw lang ang kandidato

subalit bigla nang naiba ang ihip ng hangin
ang isyu ng masa'y naging mahalagang usapin
nang tumakbo ang lider-obrerong kasangga natin
bilang Pangulo ng bansa, sistema'y nayanig din

trapo'y kinabahan nang ilampaso sa debate
yaong pasayaw-kendeng na nais mag-presidente
di na tuloy dumadalo sa debate ang peste
este, ang kupal, este, ang magnanakaw, salbahe!

kaya, manggagawa, iboto ang ating kauri
si Ka Leody de Guzman ay ating ipagwagi
Manggagawa ang gawing Pangulo ng bansa't lahi
upang makamit na ang pagbabagong minimithi

- gregoriovbituinjr.
04.06.2022

Martes, Abril 5, 2022

Tagaktak ng pawis

TAGAKTAK NG PAWIS

laging tumatagaktak ang pawis n'yo, manggagawa
hangga't patuloy ang ikot ng mundong pinagpala
ng inyong mga bisig sa patuloy na paglikha
ng pagkain at produktong kailangan ng madla

O, manggagawa, nilikha ninyo ang kaunlaran
kung wala kayo'y walang mga tulay at lansangan
walang gusali ng Senado, Kongreso, Simbahan
walang mall, palengke, palaruan, at Malakanyang

patuloy na nagpapagal sa arawang trabaho
para sa pamilya'y lagi nang nagsasakripisyo
kayod pa rin ng kayod kahit kaybaba ng sweldo
na di naman makasapat para sa pamilya n'yo

pinagpala n'yong kamay ang bumuhay sa lipunan
kayong tagapaglikha ng ekonomya ng bayan
subalit patuloy na pinagsasamantalahan
ng bulok na sistemang kapitalismong sukaban

O, manggagawa, kayo ang dahilan ng pag-unlad
ng mundo, ng bansa, ng nagniningningang siyudad
ngunit ang lakas-paggawa n'yo'y di sapat ang bayad
binabarat lagi't ninanakawan ng dignidad

kayo'y lalaya lamang pag ibinigwas ang maso
upang durugin ang mapang-aping kapitalismo
itayo ang pangarap n'yong lipunang makatao
lipunang pantay, patas, at sa kapwa'y may respeto

- gregoriovbituinjr.
04.05.2022

Sabado, Abril 2, 2022

Manggagawa at si Balagtas

MANGGAGAWA AT SI BALAGTAS

nais ng obrero'y / lipunang parehas
tulad ng pangarap / ng ating Balagtas
walang mang-aapi, / ang lahat ay patas
at ang kahirapa'y / hanapan ng lunas

araw ni Balagtas / at Abril Dos ito
Florante at Laura'y / muling binasa ko
ang hustisya'y dapat / ipaglabang todo
laban sa katulad / ni Konde Adolfo

lipunang parehas, / bayang makatwiran
na ang kalakaran / ay makatarungan
tulad ng obrero / na ang inaasam
ay lipunang patas / at may katatagan

sistemang palalo't / mapagsamantala
pati pang-aapi't / bisyong naglipana
ay pawang nilikha / ng tusong burgesya
bunsod ng pribadong / pag-aari nila

manggagawa'y dapat / nang magkapitbisig
nang sistemang bulok / talaga'y malupig
mapagsamantala'y / dapat nang mausig
sistema'y palitan / ang kanilang tindig

kaya ngayong araw / ng dakilang pantas
na kilala nating / makatang Balagtas
obrero'y kaisa / sa asam na bukas
kikilos nang kamtin / ang lipunang patas

- gregoriovbituinjr.
04.02.2022 (ika-234 kaarawan ni Balagtas)