Lunes, Nobyembre 8, 2021

Climate Justice Now!

CLIMATE JUSTICE NOW!

sa pangwalong anibersaryo ng bagyong Yolanda
sa panawagang Climate Justice ay nakikiisa
lalo't COP26 sa Glasgow ay nagaganap pa
kayraming delegadong tinatalakay ang klima

bakit nakiisa ako sa gayong panawagan
isa ako sa nakapunta noon sa Tacloban
nang sumamang magbigay ng relief goods ang samahan
sa mga nasalanta ng Yolanda't namatayan

at isang taon matapos iyon, ako'y nagpasya
sa mahabang lakaran, ang Climate Walk, ay sumama
tutungo kami sa Tacloban mula sa Luneta
naglakad mula Oktubre Dos, at lakad talaga

ilang lalawigan at bayan-bayan ang tinawid
upang mensaheng Climate Justice ay aming ihatid
bakit klima'y nagkaganyan, anong dapat mabatid
anong magagawa ng mga gobyerno't kapatid

nakapaang nilakad ang tulay ng San Juanico
at nakarating sa mismong unang anibersaryo
ng bagyong Yolanda sa Tacloban, Nobyembre Otso
kita'y barko sa lupa't puntod ng mga yumao

makalipas ang isang taon ay naglakad naman
sa ibang bansa, kasama'y naglakad sa Tacloban
ang Pransya'y narating at naglakad sa kalamigan
at pagpasa ng Paris Agreement ay nasaksihan

sa mga nakasama, taospusong pasalamat
sa bawat paglalakbay na tunay na mapagmulat
kaya sa isyu ng klima'y sinusulat ang dapat
tuloy sa hangaring Climate Justice para sa lahat

kaya kumikilos pa ako sa usaping klima
bilang isang manunulat, makatâ, aktibista
panawagang "Climate Justice Now!" ay sinisigaw pa
nang dinggin at kumilos ang mga gobyerno't masa

- gregoriovbituinjr.
11.08.2021

litrato kuha sa Luneta, Oktubre 2, 2014, tangan ng makatâ ang pulang banner

Linggo, Nobyembre 7, 2021

Kartilya

KARTILYA

dinaraos tuwing ikapito ng bawat buwan,
ikapito ng gabi, pulong na makasaysayan
doon binabasa ang Kartilya ng Katipunan
sa isang seremonyang talaga namang dibdiban

tulad ng petsa ngayon, ikapito ng Nobyembre
na dinaraos kahit nasa malayo man kami
sumabay man sa Dakilang Rebolusyong Oktubre 
ikasandaang apat na anibersaryo nire

maraming salamat sa pangkat ng Kamalaysayan
o Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan
na tuwing sumasapit ang ikapito ng buwan
ay sinasariwa ang Kartilya ng Katipunan

ito'y Kartilyang patnubay sa pagpapakatao
pawang inaaral bago maging Katipunero
sinulat, pinagtibay, pinalaganap sa tao
nina Gat Andres Bonifacio't Emilio Jacinto

higit dalawang dekada ko nang sinasabuhay
ang Kartilyang itong sadyang isinapusong tunay
nakikibaka, maralita't obrero'y karamay
halina't itaguyod sa madla ang gintong gabay

- gregoriovbituinjr.
11.07.2021

Sahod

SAHOD

isinusulat kong pataludtod
ang nakakaawa nilang sahod
parang hinihintay sa alulod
patak ng kanilang paglilingkod

pag paksa'y ganyang nakakaluhâ
pagtula'y di na nakakatuwâ
ngunit may tungkulin ang makatâ
na masa'y ipagtanggol sa tulâ

kahit makata'y di mapalagay
bawat isyu'y unawaing tunay
kalutasang dapat matalakay
sahod at lakas-paggawa'y pantay

paano ang dapat nilang gawin
upang mga ito'y pagpantayin
pagkat iyon ang dapat tanggapin
nilang mga sahurang alipin

dapat ay makatarungang sahod
para sa obrerong naglilingkod
makatarungan, pantay na sahod
upang di na sila manikluhod

sa produktong kanilang nalikha
may kapantay na lakas-paggawa
subalit di mabayarang tama
bigay lang ay sahod na kaybaba

negosyo raw kasi ay babagsak
kahit sila'y tumubo ng limpak
obrero'y gumapang man sa lusak
di ibibigay ang sweldong tumpak

anang isang namimilosopo
subukan mo kayang magnegosyo
upang ang ganito'y malaman mo
bakit dapat baratin ang sweldo

at di dapat bayaran ng tama
iyang kanilang lakas-paggawa
baka malaking kita'y mawala
kung ibibigay sa manggagawa

ganyan pag nabisto ang mahika
nitong sistemang kapitalista
kaya manggagawa, magkaisa
baguhin ang bulok na sistema

- gregoriovbituinjr.
11.07.2021
(Kinatha kasabay ng ika-104 anibersaryo ng Dakilang Rebolusyong Oktubre)