Huwebes, Oktubre 24, 2019

Kung langgam ang manggagawa, sino naman ang anay?

Magkaparehong itsura, magkaiba ng kulay
Ang isa'y kaysipag, ang isa'y mapanirang tunay
Kung langgam ang manggagawa, sino naman ang anay?
Ang kapitalista o ang eskirol ang kaaway?

Sa welga, may mga eskirol at may unyonista
Ang pamamalakad ba sa pabrika'y may hustisya?
Lulupigin daw ng eskirol ang mga nagwelga
Aklasang may itinayong piketlayn sa pabrika

Nagwelga ang manggagawa para sa katarungan
At karapatang pantao doon sa pagawaan
Nakikibaka upang welga'y mapagtagumpayan
Gutom man ang abutin sa welga'y tuloy ang laban

Anay na mapanira ba'y sadyang sa uri'y taksil?
Nanonood lang habang karapata'y kinikitil!
Anay na mapangwasak ay paano mapipigil?
Yamang anay na ito sa kapwa nila'y sumiil

- gregbituinjr.

Sabado, Agosto 31, 2019

Kapitalismo'y kailan ba nila ibabagsak?

KAPITALISMO'Y KAILAN BA NILA IBABAGSAK?

patuloy na pinipiga nitong kapitalismo
ang lakas-paggawa ng masisipag na obrero
tuwang-tuwa't limpak na tubo'y iaakyat nito
nang kamtin daw ng kumpanya ang tunay na progreso

sa historya, obrero'y mga sahurang alipin
na pag di raw sila gumawa'y walang kakainin
dapat bumalik bukas upang trabaho'y tapusin
magkayod-kalabaw sila hanggang ang kota'y kamtin

di mabayarang-tama ang lakas-paggawa nila
kumakayod sa ilalim ng bulok na sistema
di pa makita ng obrerong binubuhay pala
nila'y mga tuso't halimaw na kapitalista

kailan malalamang sila'y aliping sahuran
hirap na hirap na'y di masabing nahihirapan
pagkakaisa ng uring manggagawa'y kailan
sa ganid na kapitalismo'y kailan lalaban

dapat mabatid nilang kapitalismo'y bulagsak
tinuturing ang obrero'y makina't mga tunggak
mababa ang sahod, kapitalista'y naninindak
kapitalismo'y kailan ba nila ibabagsak?

- gregbituinjr.