Biyernes, Setyembre 30, 2016

Itigil ang pagpaslang sa mga manggagawa!

ITIGIL ANG PAGPASLANG SA MGA MANGGAGAWA!
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kahindik-hindik ang mga naganap nitong mga nakaraang araw at buwan. Tila baga sumasabay sa pagpaslang sa mga adik ang pagpaslang sa mga manggagawa. Lagim ang isinalubong ng bagong rehimen at pati manggagawa ay nadamay sa lagim na ito.

Nitong nakaraang Setyembre 23 ay nakita sa facebook ang isang litrato ng manggagawang duguan at nakahiga sa tapat mismo ng tanggapan ng National Labor and Relations Commission (NLRC) sa Banaue St., sa Lungsod Quezon. Ayon sa pahayag ng iDefend (In Defense of Human Rights and Dignity Movement), ang pinaslang ay si Edilberto Miralles, dating pangulo ng unyon ng R&E Taxi.

Ito'y naganap ilang araw matapos namang mapabalita ang pagkapaslang kay Orlando Abangan, na isang lider-obrero mula sa Partido ng Manggagawa, mula sa Talisay, Cebu. Siya'y binaril ng isang di pa nakikilalang salarin noong Setyembre 17.

Pinaslang din noong Setyembre 7 ang manggagawang bukid na si Ariel Diaz ng umano'y tatlong katao sa bayan ng Delfin Albano, lalawigan ng Isabela. Si Diaz ang tagapangulo ng Danggayan Dagiti Mannalon ti Isabela at namumuno sa tsapter ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas sa lalawigan.

Apat na magsasaka ang binaril ng mga di pa nakikilalang salarin sa maagang bahagi ng Setyembre. Sila'y pinaslang sa isang bukid na nasa loob ng Fort Magsaysay sa Laur, Nueva Ecija. Ang mga biktima'y sina Emerenciana Mercado-de la Cruz, Violeta Mercado-de Leon, Eligio Barbado at Gaudencio Bagalay, na pawang mga kasapi ng Alyansa ng mga Magbubukid na Nagkakaisa, na nagsasaka sa pinag-aagawang 3,100 ektaryang lupa sa loob ng Fort Magsaysay. May ilan pang nasugatan.

Noong Setyembre 20 naman ay pinaslang ang lider-magsasakang si Arnel Figueroa, 44, sa Yulo King Ranch sa Coron, Palawan. Si Figueroa ang tagapangulo ng Pesante-Palawan at ang kanilang mag kasapi ay petisyuner ng CARP (Comprehensive Agrarian Reform Program).

Sa unang araw pa lang ng Hulyo ng administrasyong Digong ay pinaslang ng di pa nakikilalang salarin ang anti-coal activist na si Gloria Capitan, isang lider sa komunidad at kasapi ng Kilusan Para sa Pambansang Demokrasya-Bataan. Pinaslang siya sa Lucanin, Mariveles, Bataan. Kilala siyang nakikibaka upang ipasara ang open coal storage at stockpile sa kanilang komunidad dahil nakadudulot ito ng mga matitinding sakit sa mga naninirahan malapit doon.

Nakababahala na ang ganitong mga pangyayari. Dapat na hindi lang manahimik sa isang tabi ang mga manggagawa, lalo na't ang kanilang hanay na ang dinadaluhong ng mga rimarim. Hindi dapat ang laban sa kontraktwalisasyon lang ang kanilang asikasuhin kundi ang lumalalang kalagayan mismo ng ating mga komunidad sa ngalan ng madugong pakikipaglaban ng pamahalaan sa inilunsad nitong giyera sa droga.

Ang pagkamatay ng mga manggagawang ito ay isang alarmang hindi na dapat maulit. Dapat lumabas sa kalsada ang mga manggagawa't ang mismong sambayanan sa ngalan ng proseso o due process of law at paggalang sa karapatang pantao, buhay at dignidad.

Ang mga nangyaring pagpaslang na ito'y dapat masusing imbestigahan ng mga ahensya sa karapatang pantao, at maging ng kapulisan, at dapat magkaroon ng katarungan ang pagkamatay ng mga manggagawa at magsasakang ito.

Katarungan sa mga manggagawa at magsasakang pinaslang! Stop Labor Killings!

Sanggunian: Press statement ng iDefend, Sentro at Partido ng Manggagawa (PM)