ANG GRUPONG MASO (MANGGAGAWANG SOSYALISTA) SA SONA 2014
Lunes, Hulyo 28, 2014 - Kasabay sa araw ng SONA (State of the Nation Address) ni Pangulong Noynoy Aquino, nagsagawa ng malawakang pagkilos ang iba't ibang grupong sosyalista sa bansa, na nagsama-sama bilang grupong MASO (Manggagawang Sosyalista) upang ipanawagan ang pagpapatalsik kay Noynoy Aquino sa pwesto, dahil umano sa kawalan ng malasakit ng asenderong si Noynoy sa mga manggagawa, bagkus ay promotor pa ito ng kontraktwalisasyon na pasakit sa mga manggagawa.
Kasabay nila sa rali patungong Batasang Pambansa ang mga grupong Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), SANLAKAS, Partido Lakas ng Masa (PLM), Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Metro Manila Vendors Alliance (MMVA), Zone One Tondo Organization (SM-ZOTO), Aniban ng Manggagawa sa Agrikultura (AMA), SUPER-Federation, Piglas Kabataan (PK), Makabayan-Pilipinas, Koalisyon Pabahay Pilipinas (KPP), atbp. Dala ng malaking bulto ng BMP ang isang higanteng streamer na de-gulong na may panawagang "Aquino, Patalsikin! Itakwil ang Kurap at Elitistang Rehimen!" at malaking dilaw na krus na yari sa kahoy na nakasulat ang "Pasakit sa Manggagawa - BMP" at "Patalsikin!" Kasabay din ng grupong MASO ang mga grupong nasa ilalim ng Freedom from Debt Coalition (FDC) at Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ).
Binasa ng kinatawan ng MASO sa programa sa itaas ng isang trak ang kanilang pahayag at ang kanilang paninindigan at panawagang itakwil na ang gobyerno ng mga kapitalista, at itayo ang isang gobyerno ng uring manggagawa.
Ang grupong MASO, batay sa kanilang inilathalang pahayag at streamer, ay binubuo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), KASAMA, KMM, KATIPUNAN, National Confederation of Labor (NCL), Kilusang Uring Anakpawis (KUA), National Alliance of Trade Unions (NATU), Nagkakaisang Manggagawa sa Calabarzon (NMC), Nagkakaisang Sosyalista (NS), Proletaryong Rebolusyonaryong Kilusan (PRK), SOCIALISTA, at Solidarity of Unions in the Philippines for Empowerment and Reforms (SUPER).
Ang SONA ay ginaganap tuwing ikaapat na Lunes ng Hulyo.
Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.