ni Tina Foronda
Manggagawa sa ilalim ng pakikibaka!
Gumagawa para kumita!
Gumagawa para may makain!
Gumagawa para sa Pamilya!
Taong 1986, ang Pagawaan ng Gelmart Industries Philippines ay may humigit kumulang pa sa Sampung Libong Manggagawa na ang 90% ay kababaihan at 10% lamang ang kalalakihan. Ang pagawaang ito’y matatagpuan sa South Service Road, ParaƱaque City. Isang pagawaan ng mga panloob na kasuotan.
Ang mga kagamitan nito ay nagmumula pa sa ibang bansa at ang nabuong produkto nito ay pang-export din, sa iba’t ibang bansa pa ito dinadala.
Maraming manggagawa ang ibinuhos na ang buong buhay, panahon at lakas ng kanyang paggawa sa loob ng pabrika.
Naging mistulang alipin ng buong sistema ng kapitalista, dahil sa kakarampot na sweldo, na hindi makasapat na ipangbuhay sa pamilya at lalong hindi makatugon sa pang-araw-araw na pangunahing pangangailangan.
Ang mga manggagawa ng Gelmart ay may isang samahan o UNYON, ang LAKAS MANGGAGAWA sa GELMART (LMG). Noong 1994 ay si Victor Briz ang nahalal na Pangulo ng nasabing Unyon, at masasabing isang solidong samahan kahit may mga ilan lang na kumakalaban minsan.
Ang Unyon ng Gelmart ay aktibo sa mga pagkilos mula sa Lokal at Sentrong Pampulitika ng Manggagawa, ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Maipagmamalaki din na isa sila sa pinakaaktibo sa pagkilos lalo na sa mga rally. May mga pagkakataon na rin na naglunsad ng pagkilos ang mga manggagawa sa loob at labas ng pagawaan at ilang beses na ring humantong sa mataas na antas ng pakikipaglaban, (ang mag-strike).
Unti-unti ng tinatamaan ng matinding krisis ang kompanya dulot na rin ng Globalisasyon at nahirapang makipag-kompetisyon, dahil sa pang-export ang mga produkto nito, at dahil sa Dolyar ang pinanggagalingan ng gastusin nito ay lumala pa dahil sa pagbagsak ng halaga ng dolyar sa piso.
Dahil sa pagbabawas ng mga orders ng mga costumer nila sa ibang bansa, unti-unti na ring isinasara ang ibang Departamento sa loob ng pagawaan. Dinadala nila ang ibang manggagawa sa lugar na kung saan merong gagawin.
Inilipat na sa ibang gawain at departamento ang ilan, kung saan kailangan pa, at ang iba naman ay napilitan nang mag-resign dahil sa hindi makayanang magpalipat-lipat ng trabaho. Hanggang sa umabot na lang ng humigit kumulang sa dalawang libo ang natirang manggagawa noong taong 2005. Tumindi ang hagupit ng delubyo sa pagtuntong ng taong 2006 sa halos dalawang libo pang manggagawa.
Pansamantalang pinwersa na pinagbabakasyon ang karamihan at halos isang porsyento alng ang naiwan sa loob ng planta para magpatuloy sa mga natitira pang hindi natapos na produkto.
Umabot ng anim na buwan ang pansamantalang pagbabakasyon na hanggang sa tuluyan nang nagdeklara ang management na magsasara na ito dahil hindi na raw makayanan na maisalba pa ang kumpanya sa pagkalugi at di na kayang makipag-kompitensya sa ibang malalaking kompanya.
Nawalan na ng munting kabuhayan at pinagkakakitaan ang mga manggagawa sa Gelmart. Ang iba ay nawalan na ng pag-asa, ngunit ang iba naman ay may mga lakas pa ng loob na makipagsapalaran sa ibang mga pagawaan. Wala mang kasiguraduhan na mapermanente ulit sa trabaho dahil sa hindi na pagreregular ang mga kompanya sa mga manggagawa. Ang dahilan ay bahala na, ang mahalaga ay may pansamantalang pagkukuhanan ng pamatid gutom man lang.
Nahaharap pa rin sa pakikipaglaban ang mga manggagawa dahil sa biglaang pagsasara ng pabrika na hanggang sa ngayon ay hindi pa nababayaran ang mga manggagawa sa matagal na pagseserbisyo at benepisyo ng bawat isa.
Nagkaisa ang mga manggagawa sa pangunguna ng pangulo ng Unyon at ng mga opisyales na magpiket sa labas ng pagawaan upang matiyak na hindi mailabas ang mga kagamitan.
Bawat gate ay tinayuan ng mga kubol at binabantayan ng dalawampu’t apat na oras kada araw ang mga gate. Nagpapalitan ang mga manggagawa sa pagbabantay.
Nasa kaso na ang mga usapin.
Sa Regional Trial Court (RTC) ParaƱaque kasalukuyang nililitis ang kaso. Humaharap ang mga abogado ng Gelmart Management at opisyales ng Unyon, kasama ang ibang miyembro at kaharap din ang abogado ng manggagawa mula sa Sanidad Law Office.
Base sa mga paglilitis, sa mapagbebentahan ng mga ari-arian ng kompanya magmumula ang kabayaran ng mga manggagawa.
Mahigit anim na taon na ang itinatagal ng kaso. Hindi maayos ang isinagawang pag-imbentaryo ng mga makina o kagamitan sa loob ng planta. Sobrang napakababa ng halaga nito at kinailangang ipaulit pa, kung kaya’t napapatagal ang pagbibenta ng lahat ng mga ari-arian.
Sa kasalukuyan ay patuloy parin namang nakikipag-usap ang bahagi ng Gelmart Management, kahit sa labas ng paglilitis at nakikipagtulungan din naman na matapos na ang kaso at makapagbayaran na.
Ang hinihiling lang naman ng manggagawa ay ang sapat na kabayaran.
Ang pamunuan ng unyon ay hindi sumusuko sa pakikipaglaban dahil na rin sa suportang ibinibigay ng kanyang mga miyembro. Lalo’t higit sa Pangulo ng Unyon na si Victor Briz ay matatag at hindi nagpapabaya sa kalagayan.
Tunay na ang manggagawa ang yaman ng bansa.
Ipamulat natin sa uring manggagawa na habang ang kapitalista ang naghaharing uri, mananatiling alipin ang manggagawa….