Miyerkules, Hunyo 8, 2011

Mga Muog ng Uri - ni Amado V. Hernandez

MGA MUOG NG URI
ni Amado V. Hernandez

I
Ang iilan ay nagtatag
ng isang pamahalaang pinairal na panlahat:
bumabalangkas ng panuto, naglagay ng mga puno,
            naglagda ng mga batas
at lumikha ng sambuntong kasangkapang mabibisa
            upang ang kapangyarihan ay tahasang ipatupad;
ang saligan at batayan,
ang timbangan at panukat, ang halaga at takalan,
inihanda at binuo, alinsunod sa pinaling
            kaisipan at pananaw,
nagmula man o patungo kahit saan ay hahantong
            sa kung ano, saa't alin ibig nilang dalhin ikaw.

II
Kung bagaman bukambibig
na ang lantay na tuntuni't patakara'y ang matuwid
- pagkakapantay ng lahat sa lahat ng bagay-bagay
            sa samahang pangkapatid -
sa tunay na karanasa'y patumbalik kung maganap
            at sa matang mapansinin ay baligtad ang daigdig
ang lipunang maharlika
na siya ring kakaunting namayani sa simula,
nagkamal ng karapatan sa tibay ng mga muog,
            at naglagda ng tadhana:
"Diyan kayo't dito kami" - utos-haring nababansag
            ng tandisang pagkahati at ng mga uring takda.

III
At sa lunsod itinayo
ang gusali ng talinong maningas ang gintong sulo:
ang sinumang may adhikang mapatampok na mautak,
            magdaan sa kanyang pinto,
ngunit walang magdaraan kundi muna nasusulit
            na ang ulo ay hungkag nga't ang kalupi ay maginto;
bawat isip at paningin
papandaying sapilitan sa kanilang simulain;
bawat pusong walang apoy, sa palalong katapangan
            ay susubha't papandayin
bawat katauhang kutad, sa sugapa ng kamanyang
            ay gagawing di masabi kung bayani o salarin.

IV
Nagtindig ng dalanginan,
isang templong diumano'y nakaukol sa Maykapal,
at nilagyan ng imahen na ang mukha ay babae
            at sa leon ang katawan,
ang sa kanya'y di sumamba't maghugos ng mga alay
            ay malayong makarating sa bayan ng mga banal;
tao'y ganap na tinakot,
iginising na sa lupa'y walang langit, pawang kurus;
at ang taong nangangarap sa hiwagang kaligtasan,
            sa hiwaga napabuklod,
naglimos ng yama't lupa sa Maykapal ng daigdig,
            binili ng ginto't dasal pati buhay na susunod.

V
Upang lubos na maghari,
di sukat ang pananalig, ang alamat at ugali,
nagtayo rin ng hukuman, at hukom na walang puso't
            pawang utak ang pinili,
sa usapi'y katauhan ng may usap ang lagi nang
            batayan ng pasya't hatol: katarungang makauri;
mga batas ang nagbadya:
ang maysala'y lalapatan ng katapat na parusa;
a, kamay ng katarungang kabilanin: isang lambat
            ng matandang inhustisya.
aligasi'y laging huli at kawala ang apahap;
            ang katwira'y sa kalansing ng salapi nakukuha!

VI
Bilang putong na paniil
ng tuntuning pamarusa't batas na ngipin sa ngipin,
bilangguan ay sumipot - isang dambuhalang yungib
            na malupit at malagim,
libingan ng mga buhay na pamuti sa biktimang
kalusuga't katinuan, salarin man o matupling;
ang higanti, sumpa't poot
ng sosyedad ay sa kanyang kalupitan itinampok;
madalas na inuusig kahit walang-walang sala
            ni sa tao ni sa Diyos
bilanggua'y isang kutang parusahan at bitayan
            ng gumawak sa karimlan at naggiba sa bantayog.

VII
Kaya naman kung sumapit
ang araw ng pagtutuos at kalusin na ang labis,
kung ang madlang sinisiil ay mamulat
            at bumangon, ang iila'y napapalis,
at ang mga lumang muog ng gahamang karapata'y
            siyang unang winawasak ng bayanang naghimagsik;
sa abo ng iginuho
na ubaning diwa't buhay ay may bagong itatayo:
bagong templo, bagong muog, ang watawat at tambuli
            ng makulay na pangako,
at ang bayan ay minsan pang lalasingin sa matimyas
            na pag-asa't pananalig ng kanilang bagong puno.

Muntinglupa
Mayo ng 1952

Ang kabaliwan ng kapitalistang sistema - ni Diego Vargas

ANG KABALIWAN NG KAPITALISTANG SISTEMA
ni Diego Vargas

Isang matandang lalaki ang halos ordinaryong tanawin na sa harap ng planta ng Rubberworld sa kahabaan ng Quirino Hi-way sa Novaliches. Hanggang ngayon, halos araw-araw nitong binabaybay ang kalsada, lakad na lang ng lakad. Mapapansin na lang itong hihinto sa harapan ng Rubberworld, biglang titigil at matagal na tutulala sa direksyon ng planta. Hindi siya isang gusgusing taong grasa. Hindi siya ‘yung tipong katatakutan mo kapag nasalubong mo sa daan. “Dati siyang trabahador dito sa Rubber. Malamang daw masyado niyang dinamdam ang pagsara ng pabrika kaya siya nagkaganun, sabi ng ilang nakakakilala sa kanyang tagarito”, sabi ni Ka Gerry Marbida, bise-presidente ng unyon ng manggagawa sa Rubberworld na nakatira sa bungad ng planta.

Nitong nakaraang dalawang buwan, isa pang dating trabahador ng Rubberworld ang biglang lumitaw sa planta. Naroon daw siya upang maningil ng mga pautang niya sa five-six. Oorder ng softdrink sa tindahan at kapag siningil ng tindera, paulit-ulit nitong sasabihing maniningil siya ng kanyang mga pautang. Pagbalik niya kinabukasan, hahanapin pa niya sa tindera ang ‘binili’ niyang softdrink o kape. Para bang ang tindahan pa ngayon ang may utang sa kanya. Mga 40-45 anyos ang babae. Mahigit 20 taon din daw itong namasukan sa Rubberworld. Hindi nila ito nakita ni isang beses sa mga pulong na ipinatawag noon ng unyon sa kasagsagan ng kampanya nito laban sa pagsasara ng kumpanya. “Maka-manedsment kasi ‘yan”, sabi ng mga tagaroon.

Pero isang bagay na ipinagtataka ng mga nakatira roon ay ang katotohanang hindi naman ito nagpapautang noong bukas pa ang planta. Laging mayroong dalang notbuk ang ale ngunit hindi naman ito talaan ng mga singilin. Punung-puno ito ng sulat na hindi mabasa. Parang Latin daw na hindi mo maintindihan.

“Basta na lang siyang lumitaw dito, araw-araw pumupunta rito. Kagalang-galang naman ang itsura niya. Para bang papasok talaga sa trabaho. Uwian pa iyan araw-araw mula Malabon, sabi ng mga nakakakilala sa kanya dito”, dagdag ni Ka Gerry.

Nang marinig ko ang mga kwentong ito, agad na bumalik sa isipan ko ang sinabi ni Karl Marx sa Economic and Philosophical Manuscripts of 1844, isa sa mga unang akda ng ama ng rebolusyonaryong sosyalismo. Sabi ni Marx, “Lalong bumababa ang halaga ng manggagawa sa kabila ng pagdami ng kalakal na kanyang nalilikha.” Ibig ding sabihin, may direktang proporsyon ang halaga ng manggagawa at ang lumolobong halaga ng kalakal na produkto ng kanyang lakas-paggawa. Ang huli’y lalago lamang kung lubos na bubulusok pababa ang una.
Dalawang taon bago nito, sinulat naman ni Friedrich Engels noong 1842 ang The Condition of the Working Class in England na naging mahalagang sanggunian ni Marx sa pagsusulat ng kanyang aklat na nauna nating pinaghalawan. Dito isinalarawan ni Engels ang nasaksihan niyang kalunus-lunos na kundisyon ng mga manggagawa sa England sa panahong namamayagpag ito bilang pinakamakapang-yarihang kapitalistang bansa sa mundo.

Sa panahon na ibayong ipinupundar ng mga kapitalistang Ingles ang mga sangkap para sa mas ibayong industriyalisasyon. Industriyalisasyong nakapundar sa ibayong pagsasamantala sa uring manggagawa. Sa bahagi ng aklat kung saan tinalakay ni Engels ang laganap na child labor at kaso ng mga aksidente sa pabrika ay sinabi niya na “Ilan lamang sa listahan ng mga sakit na dulot ng malupit na kasakiman ng mga kapitalista: Mga kababaihang nababaog, mga batang depormado, kalalakihang nababaldado, mga katawang nagkalasog-lasog, pagkawasak ng buong henerasyong sinalanta ng iba’t ibang sakit at abnormalidad, lahat para lamang umapaw ang bulsa ng mga kapitalista.”

Susi ang akdang ito ni Engels sa pagsulat ni Marx ng Economic and Philosphical Manuscripts of 1844 na bagamat batbat pa ng impluwensya ng ideyalistang pilosopiyang Aleman ay naging susing yugto sa pag-unlad ng kanyang imbestigasyon sa batas ng paggalaw ng kapitalismo na humantong sa pagkakasulat ng Das Kapital mahigit dalawang dekada pagkalipas nito.

Sumagi at ngayo’y nagmistulang multo sa aking isipan ang dalawang aklat na ito dahil matingkad ang mga katotohanang ito hanggang ngayong mahigit 150 taon ang nakalilipas. Ngunit nang una kong marinig ang mga kwento mula sa Rubberworld, isang tanong ang mas bumabagabag: Paano kung nahinto sa paglikha ng mga kalakal ang isang manggagawa? Paano kung biglang nagsara ang pabrika niyang pinapasukan gaya ng Rubberworld? o ng Novelty? o kaya nama’y tinanggal sila ng kapitalista at matagal nang nakawelga, tulad ng nangyari sa BF Metal na pagmamay-ari ni Bayani Fernando.

“Ang direktang debalwasyon ng mundo ng mga tao ay nasa direktang proporsyon sa paglaki naman ng halaga ng mundo ng mga bagay (kalakal).” Ganito halos sinusuma ni Marx ang kalagayan ng tao sa ilalim ng kapitalismo. Ang debalwasyon ng halaga ng tao bilang tao mismo. Ang laganap na dekadenteng kultura ng kamangmangan o kung gusto mo’y kabaliwan. Hindi iiral ang kapitalismo nang wala ang ganitong kundisyon ng pagkabusabos ng tao. Minsan kong naisip na sino ba naman ang hindi masisiraan ng bait halimbawa sa ganitong kalagayan na binayaran ng Adidas si Kobe Bryant ng daang-milyong dolyar sa pag-eendorso ng Adidas, samantalang ang mga manggagawa ng Rubberworld na ilang dekadang lumikha ng produkto ng Adidas ay hindi pa nababayaran ng separation pay mula nang magsara ang kumpanya noong 1995.

Hindi lamang dalawang beses kong naengkwentro ang isang aklat, isang koleksyon ng mga akdang tula, dula at mga kwento noong maligalig na panahon ng mga unang bahagi ng dekada 80. Isang tula rito ang matagal ko nang nakabisado matapos pa lang ang una kong pagbasa nito. Nakalimutan ko na kung sino ang may-akda pero ang maikling tula ay saulado ko pa rin:

Ang Rebolusyon ay awit ng isang baliw sa mundong ang kabaliwan ay paglaya mula sa tanikala ng pagiging alipin.

Tahimik kong susupilin ang mga halakhak sa aking isipan habang sasagi ang larawan ng dalawang dating manggagawa ng Rubberworld.

T’ang ina, kung tutuusin mas baliw pa rin ako kaysa mga taong ito…


Pahayagang Obrero, Blg. 12
Disyembre 2003

* nalathala rin sa aklat na MASO: Katipunan ng Panitikan ng Uring Manggagawa, Blg. 1, Taon 2006, mp. 52-55