Miyerkules, Mayo 4, 2011

Ang KURUS sa Manggagawa at Iba Pang Tula

Ang KURUS sa Manggagawa at Iba Pang Tula
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kapansin-pansin ang kaibahan ng ispeling ng salitang "kurus" noon sa ginagamit na "krus" ngayon. Dati, ito ay dalawang pantig, ngunit ngayon, ito'y isang pantig na lamang. Marahil ay literal na isinalin ito ng mga bagong manunulat mula sa salitang Ingles na "cross" na isa rin lang pantig. O kaya naman ay nagmula na ito sa sugal na kara krus.

Nang nagsaliksik ako sa internet ng tulang Manggagawa ni Jose Corazon de Jesus upang muling ilathala sa pahayagang Obrero o sa pahayagang Ang Sosyalista para maipalaganap sa mga manggagawa, napansin kong nagkulang ng isang pantig ang ika-12 taludtod ng tula. Kaya agad kong sinaliksik ang mismong aklat, at napansin kong ang ispeling ng "krus" sa internet ay "kurus" sa orihinal. Mali ang pagkakakopya ng mga hindi nakakaunawa sa tugma't sukat sa panulaang Pilipino, basta kopya lang ng kopya, at hindi nagsusuri, na may patakarang bilang ang bawat taludtod. Kahit nang ginawa itong awit ay binago na rin ito't ginawang krus.

Ang tulang Manggagawa ay binubuo ng labing-anim na pantig bawat taludtod, at may sesura (hati ng pagbigkas) tuwing ikawalong taludtod.

MANGGAGAWA
ni Jose Corazon de Jesus

Bawat palo ng martilyo / sa bakal mong pinapanday
alipatong nagtilamsik, / alitaptap sa kadimlan;
mga apoy ng pawis mong / sa Bakal ay kumikinang
tandang ikaw ang may gawa / nitong buong Santinakpan
Nang tipakin mo ang bato / ay natayo ang katedral,
nang pukpukin mo ang tanso / ay umugong ang batingaw
nang lutuin mo ang pilak / ang salapi ay lumitaw,
si Puhunan ay gawa mo / kaya ngayo'y nagyayabang.
Kung may ilaw na kumisap / ay ilaw ng iyong tadyang,
kung may gusaling naangat, / tandang ikaw ang pumasan
mula sa duyan ng bata / ay kamay mo ang gumalaw
hanggang hukay ay gawa mo / ang kurus na nakalagay.
Kaya ikaw ay marapat / dakilain at itanghal
pagkat ikaw ang yumari / nitong buong Kabihasnan.
Bawat patak ng pawis mo'y / yumayari ka ng dangal
dinadala mo ang lahi / sa luklukan ng tagumpay.
Mabuhay ka ng buhay na / walang wakas, walang hanggan,
at hihinto ang pag-ikot / nitong mundo pag namatay.
- mula sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, pahina 98

Inulit din ng makatang Jose Corazon de Jesus sa isa pa niyang tula ang pagkakagamit sa salitang "kurus".

Sa isang mahaba at dating kalsada
ang kurus sa Mayo ay aking nakita.
O, Santa Elena!
Sa buhok, mayroong mga sampagita;
sa kamay may kurus siyang dala-dala
ubod po ng ganda.
- unang saknong ng tulang Gunita sa Nagdaang Kamusmusan mula sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, pahina 91

Kurus din ang ginamit ng kilalang manunulat, nobelista, makata at dating bilanggong si Gat Amado V. Hernandez, na naging Pambansang Alagad ng Sining noong 1973.

ANG PANAHON
ni Gat Amado V. Hernandez

Kurus na mabigat / sa ayaw magsakit
ligaya sa bawa't / bihasang gumamit;
pagka ang panaho'y / lagi nang katalik
ay susi sa madlang / gintong panaginip.
- ikawalong saknong ng 16 na saknong na tulang Ang Panahon ni Gat Amado V. Hernandez, mula sa aklat na Amado V. Hernandez: Tudla at Tudling, pahina 370

Iba naman ang ginamit na ispeling ni Gat Amado V. Hernandez sa 5 saknong niyang tulang Ang Kuros, mula rin sa aklat na Amado V. Hernandez: Tudla at Tudling, pahina 159. Gayunman, dalawang pantig pa rin ang salitang iyon.

Tunghayan naman natin ang tula ng dalawa pang kilalang makata nang bago pa lusubin ng Hapon ang bansa. Tulad ng tulang Gunita sa Nagdaang Kamusmusan at Ang Panahon, ito'y lalabindalawahing pantig din sa bawat taludtod at may sesura sa ikaanim na pantig bawat taludtod.

ANG LUMANG SIMBAHAN
ni Florentino T. Collantes

Sa isang maliit / at ulilang bayang
pinagtampuhan na / ng kaligayahan
ay may isang munti / at lumang simbahang
balot na ng lumot / ng kapanahunan.
Sa gawing kaliwa / may lupang tiwangwang
ginubat ng damo't / makahiyang-parang.
Sa dami ng kurus / doong nagbabantay
makikilala mong / yaon ay libingan.
- unang saknong ng 17 saknong na tulang Ang Lumang Simbahan, mula sa aklat na Ang Tulisan at Iba Pang Talinghaga ni Florentino T. Collantes, pahina 167

TATLONG KURUS SA GOLGOTA
ni Teo S. Baylen

Ikaw, ako't Siya / ang kurus sa Bundok,
Isa'y nanlilibak, / nanunumpang lubos;
Isa'y nagtitikang / matapat at taos,
At nagpapatawad / ang Ikatlong Kurus!
- mula sa aklat na Tinig ng Darating at iba pang tula ni Teo S. Baylen, pahina 53

Marami pang makata noong panahon bago manakop ang Hapon ang sa palagay ko'y ganito nila binabaybay ang salitang "kurus". Gayunman, marahil ay sapat na ang ipinakitang halimbawa ng apat na makata upang maunawaan nating "kurus" na dalawang pantig at hindi "krus" ang pagbaybay ng mga makata noon ng salitang iyon.

Kaya napakahalagang maunawaan ng sinuman, lalo na kung kokopyahin ang mga tula ng mga sinaunang makata para ipalaganap, na may patakaran sa panulaang Pilipino na tugma't sukat (may eksaktong bilang ang bawat pantig), bukod pa sa talinghaga't indayog. Bagamat sa ngayon ay may mga tulang malayang taludturan dahil sa pag-aaklas ng mga bagong makata sa tugma't sukat at paglaganap ng modernismo sa panulaan, dapat maunawaang iba ang pagkabaybay at bilang ng pantig ng mga salita noon at ngayon, at hindi natin ito basta-basta na lang binabago.

Martes, Mayo 3, 2011

Manggagawa - ni Gregorio V. Bituin Jr.

MANGGAGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

kung saan-saan ninyo kami nakikita
sa mga lansangan, bukid, talyer, pabrika
naroroon kaming kakaunti ang kita
munting sahod, alipin ng kapitalista

kami ang tinatawag ninyong manggagawa
na iba't ibang produkto ang nililikha
ngunit alipin kaming mga gumagawa
lakas-paggawa'y di binabayarang tama

sa anyo ko'y madali akong makilala
ngunit hindi ang aking mga pagdurusa
pagsisikap ko'y madali nyong makikita
ngunit hindi ang luhang pumatak sa mata

masdan mo't ang mga kamay ko'y pulos lipak
sinemento ko ang maraming daang lubak
pinanday ko'y mga kanyon, araro't tabak
ngunit ako itong gumagapang sa lusak

ako ang nag-aayos ng tagas sa gripo
ako ang tagalilok ng mga rebulto
ako ang sa bukid ninyo'y nag-aararo
ako ang nagtatahi niyang baro ninyo

aking ginawa ang gusali ng Kongreso
Malakanyang, Hudikatura at Senado
pinalilipad ko ang mga eroplano
pandagat din dahil isa akong marino

ako'y gawa ng gawa maghapon, magdamag
sa pagsisipag, katawan ko'y pulos libag
lakas-paggawa ko'y talaga namang laspag
madalas pa, karapatan ko'y nilalabag

ako'y hamak na alipin ng aking amo
ako'y alipin din ng mga asendero
alipin din ng kapitalistang barbaro
kailan ba lalaya sa sistemang ito

barya lang ang sahod, di sapat sa pamilya
habang panay ang tubo ng kapitalista
laging usap nila'y paano yayaman pa
kaya manggagawa'y tinulad sa makina

dahil sa kapitalistang pribilehiyo
na bawat gamit sa produksyon ay pribado
kaming manggagawa'y inalipin ng todo
kayod kalabaw para sa kaybabang sweldo

pribadong pag-aari ang nagtanikala
sa pagkatao't buhay naming manggagawa
dapat nang wasakin ang kalagayang sumpa
sa sistemang bulok dapat kaming lumaya

manggagawa, magkaisa, huwag palupig
sa sistemang tanging tubo ang iniibig
ang kapitalismo'y dapat nating madaig
sosyalismo'y itayo sa buong daigdig

Mayo 1, 2009
Sampaloc, Maynila

Lunes, Mayo 2, 2011

Bayani - ni Amado V. Hernandez

BAYANI 
ni Amado V. Hernandez
12 pantig bawat taludtod

Ako'y manggagawa: butil ng buhangin
sa daa'y panambak, sa templo'y gamit din;
buhay ko'y sa Diyos utang nga marahil,
ngunit ang palad ko'y utang din sa akin.
Alam ko ang batas: "Tao, manggagaling
sa sariling pawis ang iyong kakanin."

Hubad ang daigdig nang ako'y sumilang
at pikit ang mata ng sangkatauhan:
dahilan sa aki'y kaharia't bayan
ang nangapatayo sa bundok at ilang,
aking pinasikat sa gabi ang araw
at tinanlawan ko ang diwa't ang buhay.

Ako ang nagbangon ng Gresya at Roma,
ako ang nagbagsak sa palalong Troya;
ang mga kamay ko'y martilyo't sandata –
pambuo't panggiba ng anumang pita!
Kung may kayamanan ngayong nakikita,
paggawa ko'y siyang pinuhunan muna!

Ako'y isang haring walang trono't putong,
panginoong laging namamanginoon,
daming pinagpalang binigyan ng milyon
ay ako't ako ring itong pataygutom;
sila ay sa aking balikat tumuntong,
naging Mamo't Nabod ang dati kong ampon!

Sambundok na ginto ang aking dinungkal,
kahi't na kaputol, di binahagihan!
ang aking inani'y sambukiring palay,
nguni't wala akong isaing man lamang!
ang buhay ng iba'y binibigyang-buhay
habang nasa bingit ako ng libingan!

Ang luha ko't dugo'y ibinubong pawa
sa lupang sarili, nguni't nang lumaya,
ako'y wala kahi't sandakot na lupa!
Kung may tao't bayang nangaging dakila,
karaniwang hagda'y akong Manggagawa,
nasa putik ako't sila'y sa dambana!

Kung kaya sumulong ang ating daigdig,
sa gulong ng aking mga pagsasakit;
nilagyan ang tao ng pakpak at bagwis,
madaling nag-akyat-manaog sa langit;
saliksik ang bundok, ang bangin at yungib,
ang kailaliman ng dagat, saliksik!

Ang mga gusali, daan at sasakyan,
ay niyaring lahat ng bakal kong kamay;
sa tuklas kong lakas – langis, uling, bakal,
naghimala itong industria't kalakal;
nguni't lumawak din naman ang pagitan
ng buhay at ari... nasupil ang buhay!

Ang mundo'y malupit: ngayo't ako'y ako,
nakamihasnan nang dustain ng mundo
gayon pa ma'y habang ang tao ay tao,
gawa ang urian kung ano't kung sino;
batong walang ganda'y sangkap ng palasyo,
sanggol sa sabsaba'y naging isang Kristo.

Tuwi na'y wal'in man ako ng halaga,
iyan ay pakanang mapagsamantala;
ang ginto, saan man, ay gintong talaga,
ang bango, takpan man, ay di nagbabawa;
itakwil man ako ng mga nanggaga,
walang magagawang hadlang sa istorya!

Kung di nga sa aki'y alin kayang bagay
ang magkakasigla at magkakabuhay?
Puhunan? Likha ko lamang ang Puhunan!
Bayan? At hindi ba ako rin ang Bayan?
Walang mangyayari pag ako ang ayaw,
mangyayaring lahat, ibigin ko lamang!

Sa wakas, dapat nang ngayo'y mabandila
ang karapatan kong laong iniluha,
ang aking katwiran ay bigyan ng laya
at kung ayaw ninyo'y ako ang bahala
sa aking panata sa pagkadakila...
Taong walang saysay ang di Manggagawa!


Ang tulang Bayani ay nagwagi sa 30 kalaban sa timpalak-panitik sa Malolos, Bulacan, sa pagdiriwang sa Unang Araw ng Mayo noong 1928. Inampalan: Lope K. Santos, Julian Cruz Balmaceda at IƱigo Ed. Regalado. Ayon kay Senador Recto, ito ang "pinakamahusay na tulang Tagalog sa paksang paggawa."