MGA MUOG NG URI
ni Amado V. Hernandez
I
Ang iilan ay nagtatag
ng isang pamahalaang pinairal na panlahat:
bumabalangkas ng panuto, naglagay ng mga puno,
naglagda ng mga batas
at lumikha ng sambuntong kasangkapang mabibisa
upang ang kapangyarihan ay tahasang ipatupad;
ang saligan at batayan,
ang timbangan at panukat, ang halaga at takalan,
inihanda at binuo, alinsunod sa pinaling
kaisipan at pananaw,
nagmula man o patungo kahit saan ay hahantong
sa kung ano, saa't alin ibig nilang dalhin ikaw.
II
Kung bagaman bukambibig
na ang lantay na tuntuni't patakara'y ang matuwid
- pagkakapantay ng lahat sa lahat ng bagay-bagay
sa samahang pangkapatid -
sa tunay na karanasa'y patumbalik kung maganap
at sa matang mapansinin ay baligtad ang daigdig
ang lipunang maharlika
na siya ring kakaunting namayani sa simula,
nagkamal ng karapatan sa tibay ng mga muog,
at naglagda ng tadhana:
"Diyan kayo't dito kami" - utos-haring nababansag
ng tandisang pagkahati at ng mga uring takda.
III
At sa lunsod itinayo
ang gusali ng talinong maningas ang gintong sulo:
ang sinumang may adhikang mapatampok na mautak,
magdaan sa kanyang pinto,
ngunit walang magdaraan kundi muna nasusulit
na ang ulo ay hungkag nga't ang kalupi ay maginto;
bawat isip at paningin
papandaying sapilitan sa kanilang simulain;
bawat pusong walang apoy, sa palalong katapangan
ay susubha't papandayin
bawat katauhang kutad, sa sugapa ng kamanyang
ay gagawing di masabi kung bayani o salarin.
IV
Nagtindig ng dalanginan,
isang templong diumano'y nakaukol sa Maykapal,
at nilagyan ng imahen na ang mukha ay babae
at sa leon ang katawan,
ang sa kanya'y di sumamba't maghugos ng mga alay
ay malayong makarating sa bayan ng mga banal;
tao'y ganap na tinakot,
iginising na sa lupa'y walang langit, pawang kurus;
at ang taong nangangarap sa hiwagang kaligtasan,
sa hiwaga napabuklod,
naglimos ng yama't lupa sa Maykapal ng daigdig,
binili ng ginto't dasal pati buhay na susunod.
V
Upang lubos na maghari,
di sukat ang pananalig, ang alamat at ugali,
nagtayo rin ng hukuman, at hukom na walang puso't
pawang utak ang pinili,
sa usapi'y katauhan ng may usap ang lagi nang
batayan ng pasya't hatol: katarungang makauri;
mga batas ang nagbadya:
ang maysala'y lalapatan ng katapat na parusa;
a, kamay ng katarungang kabilanin: isang lambat
ng matandang inhustisya.
aligasi'y laging huli at kawala ang apahap;
ang katwira'y sa kalansing ng salapi nakukuha!
VI
Bilang putong na paniil
ng tuntuning pamarusa't batas na ngipin sa ngipin,
bilangguan ay sumipot - isang dambuhalang yungib
na malupit at malagim,
libingan ng mga buhay na pamuti sa biktimang
kalusuga't katinuan, salarin man o matupling;
ang higanti, sumpa't poot
ng sosyedad ay sa kanyang kalupitan itinampok;
madalas na inuusig kahit walang-walang sala
ni sa tao ni sa Diyos
bilanggua'y isang kutang parusahan at bitayan
ng gumawak sa karimlan at naggiba sa bantayog.
VII
Kaya naman kung sumapit
ang araw ng pagtutuos at kalusin na ang labis,
kung ang madlang sinisiil ay mamulat
at bumangon, ang iila'y napapalis,
at ang mga lumang muog ng gahamang karapata'y
siyang unang winawasak ng bayanang naghimagsik;
sa abo ng iginuho
na ubaning diwa't buhay ay may bagong itatayo:
bagong templo, bagong muog, ang watawat at tambuli
ng makulay na pangako,
at ang bayan ay minsan pang lalasingin sa matimyas
na pag-asa't pananalig ng kanilang bagong puno.
Muntinglupa
Mayo ng 1952