Linggo, Oktubre 19, 2025

Paksâ

PAKSÂ

nais kong isulat ang samutsaring paksâ
ng madaling araw nang di pa inaantok
nakakapagod din ang maging maglulupâ
na layunin ay baligtarin ang tatsulok

mga ideya'y nagsulputang walang puknat
habang karimlan pa'y pusikit at tahimik
mga paksang sapat upang makapagmulat
at bawat letra roon ay nais umimik

bakit ba isip ay nasa himpapawirin?
habang mga luha'y naglalandas sa pisngi
bakit ba bituin ay lalambi-lambitin?
upang makita ang diwatang kinakasi?

bakit mga buwaya sa pamahalaan
ay gutom na gutom at tila di mabusog?
na kapara'y mga buwitre sa tanggapan
nilang sinagpang ang kahit na lasog-lasog?

aanhin ko ba ang naririyang palakol?
para ba sa ulo ng korap na pahirap?
na limpak-limpak ang kita sa ghost flood control
paano ba gugulong ang ulo ng korap?

- gregoriovbituinjr.
10.19.2025

Sabado, Oktubre 18, 2025

Plan, Plane, Planet

PLAN, PLANE, PLANET

gaano man kapayak ang plano
upang mabuhay sa bayang ito
ang mamamayan mang ordinaryo
mahalaga'y nagpapakatao

hindi pinagsasamantalahan
hindi inaapi ng sinuman
dangal ay hindi niyuyurakan
dignidad niya'y iniingatan

tulad ng pag-ingat sa daigdig
na binunga ng laksang pag-ibig
sinisira ng mga ligalig
mga dukha'y winalan ng tinig

habang kayrami ng nauulol
sa pondo't proyekto ng flood control
ngayon, ang bayan na'y tumututol
at protesta ang kanilang hatol

sa gobyerno, laksa'y mandarambong
na lingkod bayang dapat makulong
halina't tayo'y magtulong-tulong
at tiyaking may ulong gugulong

karimlan man ay laging pusikit
dapat madama nila ang galit
ng bayang kanilang ginigipit
sa madalas nilang pangungupit

sa kaban ng bayan, ay, salbahe
ang mga trapong kung dumiskarte
ay di ang maglingkod o magsilbi
kundi sa masa'y makapang-api

- gregoriovbituinjr.
10.18.2025

Biyernes, Oktubre 17, 2025

Sa taho

SA TAHO

mayroong istiker sa lalagyan ng taho:
sabi: "Lahat ng kurakot dapat managot!"
siyang tunay, korapsyon sana nga'y maglaho
pati na mga corrupt, kurakot, balakyot!

Oktubre na, wala pang nakulong na korap
o baka ang kawatan ay pinagtatakpan
ng kapwa kawatan, aba'y iyan ang hirap
kanya-kanyang baho'y inamoy, nagtakipan

dapat taumbayang galit na'y magsigising
huwag tumigil hanggang korap na'y makulong
magbalikwas na mula sa pagkagupiling
at tiyakin ng masang may ulong gugulong

di matamis kundi kumukulo sa galit
ang lasa ng tahong binebenta sa masa
pasensya ng masa'y huwag sanang masaid
baka mangyari ang Nepal at Indonesia

- gregoriovbituinjr.
10.17.2025

Huwebes, Oktubre 16, 2025

Kumilos ka

KUMILOS KA

umiyak ka
magalit ka
at kung di ka
kumikilos
eh, ano ka?

dinastiya
at burgesya
trapong imbi
namburiki
ng salapi

mula kaban
nitong bayan
silang mga
manlilinlang
at kawatan

kaya pulos
sila korap
humahangos
pag panggastos
at panustos

ang usapin
nais nilang 
bayan natin
ay korapin
at linlangin

makibaka
kumilos ka
baguhin na
iyang bulok
na sistema

- gregoriovbituinjr.
10.16.2025

* litrato kuha sa Mendiola, Maynila, Oktubre 2, 2025

Wakasan ang oligarkiya!

WAKASAN NA ANG OLIGARKIYA!

pusò ng oligarkiya'y talagang halang
pati kakainin ng dukha'y sinasagpang
sa buwis nga ng bayan sila'y nakaabang
ugali nila'y mapanlinlang, mapanlamang

katulad din nila ang mga dinastiya
na ginawa nang negosyo ang pulitika
iisang apelyido, iisang pamilya
sila lang daw ang magaling sa bayan nila

tingni, kung ikaw sa bansa nakasubaybay
oligarkiya't dinastiya'y mga anay
silang ang  bayan natin ay niluray-luray
kaban ng bayan ang ninakaw at nilustay

huwag na tayong maging pipi, bingi't bulag
sa kanilang yamang di maipaliwanag
wakasan na ang kanilang pamamayagpag
sa pagkaganid nila'y dapat nang pumalag

- gregoriovbituinjr.
10.16.2025

* litrato kuha sa Luneta, Maynila, Setyembre 21, 2025

Miyerkules, Oktubre 15, 2025

Basura, linisin!

BASURA, LINISIN!

"Basura, linisin! Mga korap, tanggalin!"
panawagan nila'y panawagan din natin
dahil BASURA plus KORAPSYON equals BAHA
mga korap ay ibasura nating sadya

kayraming kalat, upos, damo, papel, plastik!
walisin na lahat ng mapapel at plastik!
oligarkiya't dinastiya, ibasura!
senador at kongresistang korap, isama!

may korapsyon dahil may Kongresista Bundat
kaban ng bayan ang kanilang kinakawat
at may korapsyon dahil may Senador Kotong
na buwis ng mamamayan ang dinarambong

tarang maglinis! baligtarin ang tatsulok!
sama-samang walisin ang sistemang bulok!
O, sambayanan, wakasan na ang korapsyon!
kailan pa natin gagawin kundi ngayon!

- gregoriovbituinjr.
10.15.2025

* litrato kuha sa Luneta, Setyembre 21, 2025

Martes, Oktubre 14, 2025

Maging magsasaka sa lungsod

MAGING MAGSASAKA SA LUNGSOD

halina't tayo'y magtanim-tanim
upang bukas ay may aanihin
tayo man ay nasa kalunsuran
mabuti nang may napaghandaan

baka di makalabas at bahâ
lepto ay iniiwasang sadyâ
noong pandemya'y di makaalis
buti't may tanim kahit kamatis

ipraktis na ang urban gardening
nang balang araw, may pipitasin
alugbati, talbos ng kamote
okra, papaya, kangkong, sayote

magtanim sa maliit mang pasô,
sa lata, gulong na di na buô
diligan lang natin araw-araw
at baka may bunga nang lilitaw

- gregoriovbituinjr.
10.14.2025

* litrato kuha sa Villa Immaculada, Intramuros, Maynila, Oktubre 4, 2025