Biyernes, Mayo 29, 2026

Pambungad sa 40-pahinang libretong "Mga Tula at Kwento sa Klima"

PAMBUNGAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang munting aklat na ito ng Mga Tula at Kwento sa Klima ay naglalaman ng dalawampu’t isang tula at walong maiikling kwento. Ang mga tulang narito ay natipon ko sa aking baul nang matagal na panahon na ngayon lang malalathala habang ang ilan sa mga tula at ang walong maikling kwento ay unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), kung saan nahalal akong sekretaryo heneral nito noong Setyembre 2018.

Pinroyekto ito bilang paalala para sa apat na mahahalagang araw sa kalendaryo hinggil sa usaping klima - Abril 22 (Earth Day), Hunyo 5 (World Environment Day), Hunyo 8 (World Oceans Day), at Setyembre 26 (Save Sierra Madre Day). Ang unang Earth Day ay ginanap noong Abril 22, 1970, nang mag-organisa si Senador Gaylord Nelson ng isang pambansang demonstrasyon upang itaas ang kamalayan tungkol sa pagkasira ng kapaligiran. Ang World Environment Day (WED) ay itinatag noong 1972 ng United Nations sa Stockholm Conference on the Human Environment (Hunyo 5-16, 1972), na nagbunga ng talakayan hinggil sa ugnayan ng tao at ng kapaligiran. Pagkalipas ng isang taon, noong 1973, ginanap ang unang WED na may temang "Only one earth". Ang World Oceans Day ay isang pandaigdigang pagdiriwang tuwing Hunyo 8 upang itampok ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga karagatan sa ating buhay at upang magbigay-inspirasyon din hinggil sa usaping konserbasyon. Ito’y opisyal na pinagtibay ng United Nations noong 2008, na nagsilbing pandaigdigang panawagan upang protektahan ang ekosistema ng karagatan, labanan ang polusyon ng plastik, at bawasan ang pagbabago ng klima. Ang Save Sierra Madre Day ay pinagtibay sa pamamagitan ng Proclamation 413 ni dating Pangulong Noynoy Aquino noong Hunyo 19, 2012, at itinalaga ang Setyembre 26 na Save Sierra Madre Day bilang paggunita sa pinsalang dulot ng Bagyong Ondoy noong 2009, na nagbibigay-diin sa mahalagang papel ng mga bundok bilang natural na panangga laban sa mga bagyo.

Isa ring kampanya ang munting aklat na ito upang pangalagaan natin ang ating kalikasan, at mapag-usapan ang isyu ng klima. Kahit sa pamamagitan man ng mga tula at kwento ay maipabatid ito sa masa.

Sadyang ang bawat tulang narito, pati ang mga maiikling kwento ay pinag-isipan at pinaghirapang kathain. Ibinatay ang mga akda sa mga danas, luha, lunggati at pakikibaka ng makata at mula sa mga talakayan hinggil sa klima, lalo na sa mga talumpati sa rali at mga pag-aaral.

Inaalay ko ang bawat tula’t kwentong ito sa mga nasalanta ng matitinding bagyo, tulad ng Ondoy, Yolanda, Ulysses, Tino, Uwan, atbp.

Inaalay ko rin ito sa alaala ng aking namayapang asawang si Liberty, isang registered social worker (RSW) at isa ring environmentalist at minsan nang naging board member sa Green Convergence, isang malawak na samahan ng iba’t ibang grupong makakalikasan. 

Inaalay din ito sa mga nakasama ko sa Climate Walk at iba pang lakaran para sa kalikasan. Inaalay din ito sa lahat ng mga nakikibaka at nananawagan ng Climate Justice sa lansangan man o sa sarili nilang adbokasya o pagkilos.

Inaalay din ito sa mga katutubong nangangalaga at nagtatanggol sa ating kalikasan, karagatan, at kabundukan, tulad ng Sierra Madre.

Lubos kong pinasasalamatan ang mga organisasyong naging bahagi ng aking paglalakbay, tulad ng The Featinean campus press, Kalipunan ng Malayang Kabataan (Kamalayan), Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), Sanlakas, Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Zone One Tondo Organization (ZOTO), Partido Lakas ng Masa (PLM), Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan (Kamalaysayan), Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA), Ex-Political Detainees Initiative (XDI), IDefend, DAKILA - Philippine Collective for Modern Heroism, Association of Filipino Poets (ASFIPO), Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA), samahang Maso at Panitik, Kapatirang Umuugnay sa Sining at Panitikan (KAUSAP), EcoWaste Coalition, Ban Toxic, No Burn Pilipinas, Green Convergence, Saniblakas ng mga Aktibong Lingkod ng Inang Kalikasan (SALIKA), at marami pang iba. Maraming salamat sa mga ginamit na litrato sa libretong ito.

Pagpupugay sa inyo, mga kasama!

Nais ko ring pasalamatan ang mga nakilala’t nakadaupang palad sa mga pinuntahan at tinambayan kong mga lugar mula nang ako’y mabiyudo, tulad ng Printbiz, National Museum, at National Library, at sa panonood sa The Metropolitan Theater, sa Active Vista, sa UP Film Center at Cine Adarna, sa Videotheque, sa Sine Pop, at sa Mowelfund Film Institute.

Nawa’y makatulong ang mga tulang naririto, pati mga kinathang maiikling kwento, upang gawin natin ang nararapat para sa kaayusan at kapayapaan ng nag-iisa nating daigdig. Mabuhay kayo!

Mayo 29, 2026 sa Lungsod Quezon
TALAAN NG NILALAMAN
3 - Pambungad

Mga Tula
5 - Sala sa Init, Sala sa Lamig
6 - Si Yolanda ang mukha ng nagbabagong klima
7 - Habang may buhay, may baha?
10 - Usapan sa 2150
11 - Sigwa
14 - Muelmar Magallanes, Bayaning Manggagawa
15 - Ondoy at Karding
18 - Ang kagubatan at ang klima
19 - Sa Daigdigang Araw ng Kapaligiran
22 - Alasuwas
23 - Ang batang nagwagayway ng flag sa Climate Strike
24 - Hindi biro ang nagbabagong klima
25 - Lumalalang klima
28 - 1.5°C
29 - Kalikasan; Paalala't palala na ang kalikasan
32 - Pagninilay sa Climate Walk 2023
33 - Ang adhika ng Climate Walk
36 - Coal at korapsyon, wakasan!; Klima at korapsyon
37 - Krisis sa klima at panawagang wealth tax

Mga Kwento
8-9 - Magsabatas din ng National Liquid Waste ang pamahalaan
12-13 - Sa ikasampung anibersaryo ng bagyong Ondoy
16-17 - Katutubo, Klima, at Kaliwa Dam
20-21 - Sana'y sa Lungsod ng Tacloban ganapin ang COP 25
26-27 - Pagdatal ng bagyong Ulysses 30-31 - Ang pagtaas ng lebel ng dagat at ang 1.5°C
34-35 - Alagata’t dalumat sa Ikalawang Climate Walk 
38-39 - Maraming Salamat, Sierra Madre!

ANG MAKATA AT KWENTISTA

Si Gregorio V. Bituin Jr., ay anak ng amang Batangenyo at inang Karay-a mula Antique. Siya’y tubong Sampaloc, Maynila, at isang makata, manunulat, mananalaysay, pultaym na aktibistang Spartan, at tagasalin.

Hilig niyang mangampanya at maglakad para sa klima at kalikasan. Lumahok siya sa Climate Walk from Luneta to Tacloban mula Oktubre 2 - Nobyembre 8, 2014 para sa unang anibersaryo ng bagyong Yolanda. 

Lumahok din siya sa French leg ng Climate Pilgrimage from Rome to Paris mula Nobyembre 7 - Disyembre 14, 2015 kung saan nilagdaan ang Paris Agreenent sa COP 21. Lumahok din siya sa Climate Justice Walk from Manila to Tacloban mula Oktubre 8 -  Nobyembre 8, 2023 para sa ika-10 anibersaryo ng Yolanda.  

Lumahok din siya sa Lakad Laban sa Laiban Dam mula General Nakar, Quezon hanggang Maynila, Nobyembre 4-12, 2009; sa Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila, Abril 12-21, 2016; at sa Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam mula General Nakar, Quezon hanggang Maynila, Pebrero 15-23, 2023. 

Siya ay nag-aral at nagtapos sa poetry clinic na Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA) mula Setyembre 1, 2001 hanggang Marso 8, 2002. Siya rin ay lumahok sa writers’ workshop na Palihang Rogelio Sicat (PRS) Batch 15 sa UP Diliman, Hunyo 22-25, 2022.

Martes, Abril 14, 2026

Nang hinuli ang mga hubad

NANG HINULI ANG MGA HUBAD
‎
‎Kay Balagtas:
‎
‎Ang laki sa layaw, karaniwa'y hubad
‎sa bait at muni, sa hatol ay salat.
‎
‎Ngayon:
‎
‎Dahil sa tinding init, may mga nakahubad
‎sila'y pinaghuhuli, kriminal na ba agad?
‎
‎Dagdag pa:
‎
‎Nililihis ang isyu ng mga pandarambong
nangurakot sa bayan ay di pa nakukulong

- gregoriovbituinjr.‎
‎04.14.2026
(Buwan ng Panitikan)

Lunes, Abril 13, 2026

Tumbong

TUMBONG
‎
‎nais nang lumabas / ng tae sa puwet
‎iri na ng iri / nang paulit-ulit
‎sana'y dudukutin / ko na iyong pilit
‎buti't nalunasan, / nawalâ ang sakit
‎
‎ininom ko agad / ang nakahandang dyus
‎galing ref, malamig, / guminhawang lubos
‎una, isang pitsel / nitong malunggay dyus
‎sunod ay bawang dyus / at ang turmeric dyus
‎
‎at maya-maya lang, / agad naglabasan
‎yaong nasa puwet, / anong kainaman
‎guminhawa agad / itong pakiramdam
‎gayong sa ta-kubets, / isang oras naman
‎
‎ang mga herbal dyus / ay kaylaking tulong
‎at di na masakit / itong aking tumbong
‎salamat, salamat / at ito'y humantong
‎sa damang ginhawa, / búhay ko'y sumulong
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.13.2026

Linggo, Abril 12, 2026

Gender equality

GENDER EQUALITY
‎
‎galing ka raw sa tadyang ko, ngunit
‎iba yaong nais kong igiit
‎pantay tayo, anang kwentong bayan
‎nang sabay lumabas sa kawayan
‎
‎karapatan nati'y magkapantay
‎pagkat minulan ay magkasabay
‎noon pa'y may gender equality
‎pantay ang babae at lalaki
‎
‎mulâ sa katutubong alamat
‎ngalan ay Maganda at Malakas
‎tulad ko, katutubò rin sila
‎pagkapantay ay kinikilala
‎
‎salamat sa alamat na ito
‎na pinanghawakan kong totoo
‎para sa pantay na karapatan
‎patungo sa patas na lipunan
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.12.2026
‎
‎* litrato nina Maganda at Malakas sa UP Vargas Museum sa Diliman, QC

Sabado, Abril 11, 2026

Pagpupugay, Letran Lady Knights!

PAGPUPUGAY, LETRAN LADY KNIGHTS!
‎
‎ako'y taospusong nagpupugay
‎sa Letran Lady Knights sa tagumpay
‎ninyo sa larangan ng volleyball
‎sa NCAA, talagang idol
‎
‎malaking karangalan sa Letran
‎ang ipinakitang katatagan
‎kayâ ang pangsiyam na korona
‎ay pinaghirapan n'yong nakuha
‎
‎Arriba Letran! ang ating sigaw
‎sa arena umaalingawngaw
‎mga Lady Knights, mabuhay kayo!
‎kami sa inyo'y sumasaludo!
‎
‎paghandaan ang sunod na taon
‎back-to-back na titulo ang misyon
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.11.2026
‎
‎* ulat mulâ sa pahayagang Bulgar, Abril 11, 2026, pahina 12
‎* NCAA - National Collegiate Athletic Association

Sa totoo lang

SA TOTOO LANG
‎
‎ako'y makatang taring na may tungkuling mabuti
‎para sa bayan, hindi sa dinastiya't salbahe
‎hindi ako parang bubuyog na kinukumbinsi
‎ang langaw na mas masarap ang pulot kaysa tae
‎
‎bawat usad ng pluma'y para sa katotohanan
‎ng mga nakikita't nangyayari sa lipunan
‎sinumang salbahe'y hindi ako mapipigilan
‎sa pagkathâ ng mga tulang may silbi sa bayan
‎
ako'y manunulat para sa uring manggagawà
‎adhikain ay sistemang giginhawa ang dukhâ
‎stage 4 na kanser ng lipunan ay lumalalâ
‎iyan ang kanser stage 4 na di mawalâ-walâ
‎
‎mga isyu ng bayan ay arálin ding talaga
‎bakit dukha'y laksâ habang iilan ay sagana
‎ang katotohanang ito'y sa ngalan ng hustisya
‎kayâ kasamang tunay ng mga nakikibaka
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.11.2026

Biyernes, Abril 10, 2026

Managot kayong mga kurakot

MANAGOT KAYONG MGA KURAKOT
‎
‎O, kayong mga pulitiko
‎na aming mga ibinoto
‎nagkamali kami sa inyo
‎kung kayo'y kurakot sa pondo
‎ng bayan, bumabâ na kayo
‎sa inyong pwesto sa gobyerno
‎at talagang managot kayo
‎sa ginawâ n'yong krimeng ito
‎
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.10.2026
‎(15th Black Friday Protest ng 2026)

* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na: